"Ha?" inosenteng tugon ko. Naglikot sa paligid ang paningin ko saka napipilitang ngumiti. "Papunta na nga ako sa labas ngayon," iniwas ko ang aking tingin. "Itatapon ko iyang basura namin."

"No, I mean, let's take a walk outside."

Napalingon ako sa kaniya, tumitig lang siya sa 'kin. "Hindi ako nakapagpaalam kay nanay."

"I'll call her."

Sandali ko pa siyang tiningnan saka ako nag-iwas ng tingin. "Bakit?"

Bahagyang nangunot ang noo niya. "What do you mean...bakit? Of course, para ipagpaalam ka," sarkastiko niyang dagdag.

Kumurap-kurap ang aking paninging nakapako sa kaniya. Nagbaba ako ng tingin at bumuntong-hininga.

"Sige..." may kung anong nagpoprotesta sa isip ko pero sa huli ay papayag din pala ako. Ang gulo ko.

Magkasama naming itinapon ang basura. Namangha ako nang makitang may public sink sa tabi mismo niyon. Napapangiti akong gumaya sa kaniya nang itapat niya ang kamay sa automatic soap dispenser. Ignorante akong naghugas ng kamay, na para bang noon ko lang ginawa 'yon.

Natigilan lang ako nang makita siyang seryoso na pinanonood ako. Itinago ko ang tuwa sa mukha ko at nakangusong tinapos ang paghuhugas.

"My brother is a doctor," seryoso pa rin niyang sabi saka nagtuturo sa kung saan-saan. "Lahat ng garbage bin may katabing outdoor sink. So, they can wash their hands after throwing their garbage."

"Ang galing ni Kuya Maxwell!"namamanghang sabi ko.

Sandali siyang tumitig sa 'kin saka bumuntong-hininga. "You think so too, huh?"

Umawang ang labi ko nang maisip na baka ang pinakahulugan niya sa sinabi ko.

"Where do you want to go?" tanong niya saka ako tinalikuran. Napasunod ako. "I'll call your mom." Sa ilang pindot ay inilagay niya ang telepono sa tainga. "She's with me." Iyon lang at ibinaba niya na ang linya.

Awtomatiko ko siyang hinarap. "Ganoon ka magpaalam?" nagugulat kong tanong.

Bahagyang nangunot ang kaniyang noo saka nag-iwas ng tingin. "Gano'n kami mag-usap."

Umawang ang labi ko. "Hindi mo sinabi ang pangalan ko, Maxrill. Baka hindi maintindihan ni nanay ang sinasabi mo."

Napamaang siya sa 'kin saka bahagyang natawa. "Seriously?"

"Tawagan mo ulit. Sabihin mo, ako ang kasama mo."

Bumuntong-hininga siya saka kinamot ang gilid ng kaniyang mata. "She knows that already."

"Baka hanapin ako ni nanay, Maxrill Won,"naiinis nang sabi ko.

Ang kaninang seryoso niyang mukha ay napalitan ng ngiti. "Ayaw ko." Ginaya niya ang paraan at tono nang sabihin ko ang linyang iyon.

Sumama ang mukha ko at saka tumalikod sa gawi niya.

"Hey," habol niya. "Fine! I'll call her."

Nilingon ko siya at saka ako napapangiting tumitig. "Sabihin mo ay nagpapasama ka sa aking maglakad."

"What?" asik niya.

"Sabi mo ay maglalakad tayo?"

"Whatever." Buntong-hininga siyang nag-dial at tumitig sa akin habang pinakikinggan ang linya. Titig na sa una ay parang naaasar lang. Kalaunan ay ngumiti siya sa paraan na animong may naiisip na namang siya lang ang natutuwa.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESWhere stories live. Discover now