CHAPTER 56

200K 8.2K 8.8K
                                    


CHAPTER 56

NAGPRESINTA AKONG maghugas matapos ang hapunan. Hinatid kasi ni nanay si tatay sa sala para manood ng paborito niyang basketball team sa TV. Si Bree Anabelle ay nagpaalam na tatapusin ang tono ng composition song niya habang si Kuya Kev naman ay maliligo na.

'Yon na ang nakikita kong tyansa para makapagpaalam kay tatay sa imbistasyon ni Maxrill Won. Isang linggo na rin kasi ang nakalipas, wala akong mahugot na lakas ng loob.

Panay ang lingon ko kay tatay, sa bawat baso at pinggang hinuhugasan ko. Gano'n na lang talaga ang kaba ko pero talagang desidido akong magpaalam. Hindi ko alam kung saan nagmumula ang kakarampot kong lakas ng loob. Basta ang isip ko ay tutok sa kagustuhang makasama si Maxrill Won.

"Magpapaalam ka na?" nakangisi akong tinabihan ni nanay.

Nagugulat ko siyang nilingon saka nahihiyang tinuon ang paningin sa mga hugasin. "Opo, 'nay," sagot ko kasabay ng pagtango.

Nakangiti, matagal akong tinitigan ni nanay saka kami sabay na napabungisngis. "Gusto mo ba'ng tulungan kitang magpaalam sa tatay mo?"

Nakanguso akong umiling. "Ako na po, 'nay. Gusto kong kapag pinayagan ako, dahil naglakas ako ng loob."

Nakangiti muli akong sinuyod ng tingin ni nanay. "Malaki na ang pinagbago mo, Dainty, masaya ako para sa 'yo."

Napanguso na naman ako bagaman nangingiti pa rin. "Ano naman po ang pinagbago ko, 'nay?"

Pabuntong-hininga siyang sumandal sa tabi ko at pinagkrus ang mga braso. Sinulyapan niya si tatay saka inilapit ang mukha sa 'kin at bumulong. "Kasi may lakas ka na ng loob ngayon na magpaalam sa tatay mo. Dati-rati, para kang maiiyak kahit sa bakuran lang naman ang punta mo. Hindi ka pa man nakapagpapaalam ay parang alam mo na ang isasagot ng tatay mo."

Nahihiya lalo akong nagbaba ng tingin. "Masama po ba ang gano'n, 'nay?"

Nakangiti siyang umiling. "Hindi. Para sa 'kin ay maganda 'yon. Kahit papaano, nasasabi at nagagawa mo na kung ano talaga ang gusto mo. Bukod do'n, may lakas ka na talaga ng loob. Biruin mo, hindi mo na kailangan ng tulong ko."

Ngumiti ako. "Kahit ito na lang ang regalo ko kay Maxrill Won, 'nay." Hindi ko napigilang maalala ang birthday celebration niya. Nilingon ko si nanay. "Lahat po kasi binibigay niya sa 'kin, lahat po ginagawa niya para mapasaya ako. Alam kong matutuwa siya dahil ito ang hiningi niyang regalo para po sa birthday niya. Gusto ko pong ibalik sa kaniya 'yong saya na naipaparamdam niya sa 'kin, nanay."

Nakangiti siyang tumango-tango. "Oo. Sigurado rin akong matutuwa siya kapag nagkasama kayo. Gagawin ng Moon na 'yon ang lahat para sa 'yo, Dainty."

Nakagat ko ang labi sa pagpipigil ng ngiti. Hindi ko nagawang sumagot dahil para akong matatawa bagaman ang totoo kong nararamdaman ay tuwa at saya.

Wala pa man, iniisip ko na kung ano ang itsura ng Norway. Nakaplano na sa isip ko kung ano-anong damit ang dadalhin ko. Iniisip ko na kung anong oras kaya ako susunduin ni Maxrill Won. Makakatulog kaya ako sa gabi bago dumating ang araw na 'yon?

Ano-ano kaya ang mangyayari sa amin doon? Ano-anong pagkukuwentuhan namin? Ano-anong kakainin namin? Saan kaya kami pupunta? Gaano kaya kasaya ang makasama siya habang naroon kami sa ibang bansa? Ano kaya ang pakiramdam na makarating sa ibang bansa? Gaano kagaganda kaya ang mga tanawin doon?

Nakaka-excite. Napakaraming tanong sa isip ko at kahit hindi nasasagot 'yon, nadaragdagan ang excitement ko.

Panay ang lingon ko kay tatay habang tinatapos ang hugasin. Humahanap ako ng magandang tiyempo para maging matagumpay ang pagpapaalam ko. Lalong lumalakas ang loob ko kasi mukhang maganda ang mood ni tatay. Ngingiti-ngiti siya habang inuulit-ulit sa TV kung paanong nakapuntos ang paborito niyang team habang nagsasalita ang announcer.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon