Chapter 6.2: Ang Pagsasanay (8/15/2020)

1K 57 8
                                    

Chapter 6.2: Ang Pagsasanay

Written By: Cristina de Leon

MAKALIPAS ANG ILANG LINGGO...

"Hatsing!"

Napaigtad si Aya nang bigla na lang siyang mapabahing.

"Ayos ka lang ba, Lady Ling? Masyado mo na yatang pinupush ang sarili mo na matuto ng magic, nagkakasakit ka na," nag-aalalang sabi ni Aya.

Gabi na kaya naman kasalukuyan silang kumakain ng hapunan sa labas ng karawahe na para bang nagsilbing bahay na rin nila. May pinuwesto silang dalawang batong may kalakihan malapit doon at doon sila nagsisiga para may mapaglutuan.

Tuluyan nang naghilom ang mga sugat ni Aya na tinamo nito dahil sa pagpapahirap dito. Halos mag-iisang buwan at kalahati na rin silang wala sa Yan Manor at sa totoo lang, kahit si Aya ay nasanay na rin sa buhay nila roon sa gubat. Marunong na nga itong maghunt ng mga manok at isda na nakikita nila sa paligid, e. At may maliit na field na rin doon kung saan si Aya ang nagtatanim ng mga gulay at halaman.

Habang siya naman, sinasama sa training niya ang paghahunt ng mga baboy ramo at pagkuha ng mga prutas na makukuha lang sa matataas na puno. Sino nga ba ang mag-aakala na ang dalawang babaeng katulad nila ay magagawang mabuhay sa bundok na iyon na halos walang naliligaw na tao? Ni hindi nila nagagalaw ang perang dinala nila noong umalis sila sa Yan Manor.

Pero siguro, kaya walang napapadpad na tao roon ay dahil maraming mga mapanganib na hayop sa paligid. Gumawa na nga sila ng mga traps para hindi makapasok ang mga ito sa tent na ginawa nila at maging sa karawahe.

"Ayos lang ako. Nasobrahan lang siguro ako sa mind training kanina. Hindi rin madaling bumabad sa talon habang nakaupo. Nasasanay nga ang talas ng utak ko at pakiramdam pero nagkakasipon naman ako," sabi niya.

"Gusto mo ba na ikaw naman ang matulog sa loob ng karawahe, Lady Ling? Magaling na naman ako—"

"Hindi ako sanay doon. Masyado akong matangkad para humiga roon kaya ikaw na lang doon. Saka isa pa, mas presko sa tent matulog," sabi na lang niya.

Ang totoo ay ayaw lang talaga niya na si Aya ang matulog sa tent dahil sa totoo lang ay hindi kumportable. Mas okay nang siya ang magsakripisyo kaysa ito.

Hindi na nangulit pa si Aya dahil ayaw nito na baka magalit na naman siya. Maya-maya lang ay natulog na ito at iyon na ang ginamit niyang pagkakataon para muling bumalik sa dagat. Sa totoo lang, sinadya niya na hintayin itong matulog para makapagsanay siyang muli. Ayaw kasi niya na mag-alala itong lalo at isipin nito na hindi na siya nagpapahinga. Gusto niya na magkaroon ng kapangyarihan na maprotektahan si Aya kaya gusto niyang matutong gumamit ng magic sa lalong madaling panahon.

Ang unang bahagi ng pagkatuto ng magic ayon sa libro ay dapat, magkaroon ka ng sapat na lakas para matanggap ng katawan mo ang magic na ilalabas ng katawan mo. Kapag daw walang sapat na lakas, maaaring sumabog ng literal o dumanas ng matinding sakit ang katawan mo na maaaring magdulot ng pagiging disable. Kaya naman this past few days ay wala siyang ibang ginawa kundi ang tumakbo nang tumakbo, magpush up, magbuhat ng mabibigat at kung ano-ano pa.

Pangalawa, kailangan mong magkaroon ng malakas ng pakiramdam na makukuha sa mind training. Bilang isang assasin, sanay na siyang gawin iyon kaya may malakas na siyang konsentrasyon sa mga bagay-bagay. Pero ibang usapan ang magic dahil bukod sa pagkakaroon ng malakas na pakiramdam at konsentrasyon, kailangan mo ring ipunin ang lahat ng lakas ng katawan mo para maging isa iyong enerhiya. At higit sa lahat, dapat ay may matindi kang pananalig sa magic dahil kung hindi ka naniniwala, hindi mo rin mailalabas ang enerhiya sa loob ng katawan mo.

Kaninang hapon ay nagbunga ang matagal na niyang pinaghirapan sa loob ng higit na isang buwan dahil nang sinubukan niya na maglevitate ay nagawa nga niya iyon kahit pa sabihin na mababaw lang ang inangat niya. Bukod doon ay pinalibutan din ng kaunting liwanag ang katawan niya. Ang pagpapalutang ng sarili sa ere sa ibabaw ng tubig ang unang step para magkaroon ng magic. Ayon sa libro ay doon nakukundisyon ang katawan at isipan ng isang tao at doon din mag-uumpisa na maderermine kung talaga bang may kakayahan ka na gumamit ng mahika.

Mallit na bagay lang para sa iba ang paglutang sa ibabaw ng tubig pero para sa kanya na nanggaling sa modern world at mundo na hindi nag-eexist ang magic ay napakasaya na niya. Hindi siya makapaniwala na talagang effective ang libro na ninenok niya sa isang matanda na gusto siyang ibugaw sa isang prinsepeng babaero!

Sa mababang bahagi lamang niya nagawa ang levitation kanina kaya siguro hindi rin ganoon kataas ang nailutang niya sa ere kanina. Ayon din sa libro, the more na mas mataas ang panganib na nasa harapan ng isang magic user ay the more rin daw na mas malakas pa na kapangyarihan ang maaari mong ilabas kaya naman ngayon ay pumunta siya sa malalim na bahagi ng dagat gamit ang maliit na bangka na ginawa niya dahil gusto niyang malaman kung mapapalutang niya ang sarili ng mas mataas kaysa kanina. Alam niya na delikado ang gagawin niya dahil sobrang lalim na ng bahaging iyon ng dagat. Kahit pa sabihin na marunong siyang lumangoy, kapag lumakas ang alon o may dumating na pating ay pwede niyang ikamatay pero alam niya na hindi rin niya mapapalakas ang sarili kung hindi niya susubukan. Bilang isang asassin, bahagi na rin naman ng trabaho niya na ilagay ang sariling buhay sa panganib kaya walang magiging pinagkaiba iyon ngayon dito.

Iyon nga lang, noong asassin pa siya ay wala na rin naman siyang pinahahalagahan na tao sa buhay niya noon. Ngayon ay dumating na sa buhay niya si Aya na parang kapatid na rin ang turing niya. Pero naisip niya na lang, na si Aya rin naman ang mismong dahilan kung bakit gusto niyang lumakas. Bukod sa sarili niya na gustong makasabay sa agos ng buhay sa mundong ito ay gusto rin niyang maging malakas para maprotektahan si Aya.

Kinakabahan man, dahan-dahan siyang tumayo sa pagkakaupo mula sa bangka at itinapak ang paa niya sa tubig. Pinalibutan niya ang sarili niya ng enerhiya at nagkaroon ng bahagyang liwanag ang buong katawan niya kaya ibinaba na rin niya ang gasera na hawak niya.

Napangiti siya nang magawa niyang maitapak sa tubig ang mga paa nang hindi siya lumulubog. Nang dahil doon ay mas nagkaroon siya ng self confidence. Umupo siya at pagkatapos ay pumikit, pinatong ang mga kamay sa tuhod saka sinubukan na ipunin ang lahat ng concentration niya para muling palutangin ang sarili.

Dahan-dahang umihip ang hangin hanggang sa tuluyan na nga siyang lumutang sa ere. Sa umpisa ay mababaw lamang ang paglutang niya pero dahil sa positibong outcome na nakikita niya ay mas lalo pa siyang natukso na mas itaas pa ang kapangyarihan niya. Tumaas pa nang tumaas ang paglutang niya at maging ang ilaw na bumabalot sa katawan niya ay mas tumingkad pa. Higit sa lahat, mas malakas na hangin pa ang dinudulot ng bawat pag-angat niya!

Sa wakas! Nagagawa ko nang mapalutang ang sarili ko nang maayos—

Biglang naputol ang iniisip niya nang sa isang iglap, tila isang kandila na nawalan ng apoy ang sarili niya. Nawala bigla ang liwanag sa katawan niya na ipinanlaki ng mga mata niya at higit sa lahat, nanghihina ang katawan niya, to the point na hindi na siya makagalaw!

Bumulusok siya paibaba ng dagat at ni hindi na niya maigalaw pa ang mga paa at kamay para lumangoy. Marami na rin siyang nalulunok na tubig. Ito na ba ang magiging katapusan niya?!

Tulong! Tulong! sigaw niya sa isip habang patuloy siyang lumulubog paibaba ng dagat.

Sa unti-unting panlalabo ng paningin niya ay tila may isang pigura ng isang lalaking mahaba at dilaw na buhok ang nasilayan niya. May matipuno itong pangangatawan at napakagwapong anyo. Maputi ito, matangos ang ilong, asul ang mga mata at mapula ang mga labi. At napansin niya na hubo't-hubad ang lalaki na unti-unting lumalapit sa kanya.

Nasa langit na ba ako? Sinusundo na ba ako ng gwapong anghel na ito?

Iyon ang naglalaro sa isipan niya hanggang sa nawalan na siya ng malay. Hindi na niya namalayan pa na inabot ng lalaki ang kamay niya hanggang sa tuluyan na siya nitong mabuhat paakyat ng dagat. 

- TO BE CONTINUED...

12. The Goddess of BeastsWhere stories live. Discover now