Kung kanina'y pumipiglas ako sa brasong nakayakap sa akin, ngayo'y pinili ko na iyong haplusin. Nakikilala ko na siya.

Sinusubukan niya ako kung hanggang saan ang kakayahan ko upang iligtas ang mga nilalang na nasa aking paligid, kung mananatili lang ba akong nanunuod habang ako'y ligtas o gagawa ako ng paraan para sa iba...

Ang tagabantay mismo ng relikya ang siyang sumalubong sa akin.

Tila nakakalimutan niyang isa akong diyosa, nakapiit man ang aking katawan, magagawa ko pa rin gamitin ang aking kapangyarihan.

Kung hindi nila magagawang sagutin ang bugtong at tumawid sa apoy, ako na mismo ang gagawa ng daan para sa kanila. Sa kabila nang nakapiit kong mga braso, sinikap kong ikuyom ang dalawa kong mga kamay, hudyat na ang mga punyal ko'y handang sundin ang ipag-uutos ko.

Kung hindi man niya ako pakawalan, hahayaan ko siyang panuorin ang gagawin ko. Naglabas akong muli ng napakaraming punyal kasabay nang pagliliwanag ng aking mga mata. Hinayaan kong gumawa ng mabagal patungo sa mabilis na pag-ikot ang aking mga punyal hanggang sa makagawa iyon ng ipo-ipo

Ipo-ipong nakagagawa ng daan sa gitna... patungo sa akin.

Sina Hua, Kalla at Seth na kanina pang nahihirapang lumipad ay kapwa natigilan nang mapansin ang unti-unting lumalaking bilog mula sa dagat ng apoy.

"Leticia!" usal ni Hua.

Nang makita nila akong kasalukuyan nang nakalutang sa ere, sa gitna ng malaking ipo-ipong apoy, naramdaman ko ang pagkawala ng pagkakagapos sa akin.

"Dito ang daan..."

Magtutungo na sana sa akin ang tatlo nang marinig namin ang boses ni Rosh.

"Iiwan n'yo kami rito?"

Si Seth ang siyang bumalik sa posisyon nila at isa-isa niyang binuhat ang mga iyon, si Iris lang ang pinaka-inalalayan niya nang maayos habang ang natitirang itinakdang prinsipe'y basta niya na lang binitawan.

Si Kalla ay piniling humapon sa aking balikat.

"H-How?" tanong ni Seth.

Halos lahat sila ay hindi makapaniwala. Ang ilan pa sa kanila ay ilang beses sumusulyap sa tila nangangamba sa dagat ng apoy na bigla na lang mabuwal.

"Ito'y pintuan lamang... ang bugtong ay may iniwan sa parteng ito. Kung hindi ako tumalon, siguradong lahat tayo'y masusunog ng buhay." Ani ko.

Nagulat ako nang biglang yumakap sa akin si Iris.

"Natakot ako... mahal na diyosa ng buwan."

Tipid akong ngumiti sa kanya at hinaplos ko ang kanyang ulo. "Hindi sa apoy matatapos ang buhay ko..."

"Sino ba naman ang ilang beses nang nakarating dito? Dapat sinabi mong may dagat ng apoy!" reklamo ni Rosh kay Seth.

"I told you... sa bawat pagpasok sa mundong ito, ibang lugar ang sasalubong sa 'yo. This is also my first time." Katwiran ni Seth.

"Saan na tayo patungo?" tanong ni Zen.

"Malapit na tayo sa pintuan... pisikal na pintuan. Nararamdaman ko..." lumingon sa paligid si Seth na parang may makikita siya bukod sa mataas na apoy.

"Paano tayo makakagalaw rito?"

"Susundan ng mga punyal ang kahilingan ko, Seth. Sa bawat hakbang natin ay gagalaw rin sila. Nakaagapay sila sa atin." Paliwanag ko.

Tumango siya. Hinayaan ko siyang umuna sa aming lahat. Hindi na kami nagkaroon pa ng usapan at pinili namin hayaan si Seth hanapin ang pintuan.

Nang sandaling tumigil si Seth sa paglalakad, alam na namin na nasa mismong harapan na kami ng pintuan.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Where stories live. Discover now