Ngunit iba si Maxrill. Malaki ang pagkakahawig nila ni Kuya Maxwell ngunit maliit siya ng ilang pulgada rito na hindi halos mahalata. Mas pormado ang kaniyang katawan kompara kay Kuya Maxwell na pantay man ay parang parating nakayuko ang mga balikat na animong may binabasa.

Pakiramdam ko ay magkukulang ang lahat ng salita para mabigyan ng depinisyon ang natatanging anyo ni Maxrill, wala rin akong maipintas. Ngunit lahat ng salitang ginamit ko para mai-describe si Kuya Maxwell ay kulang para kay Maxrill. Para bang walang oras na naging pangit ang lalaking ito.

Napabuntong-hininga ako sa dami ng naisip ko. Mabuti na lang at napunta sa planong pagpapakasal nina Kuya Maxwell at Ate Yaz ang usapan. Nagkaroon ako ng tyansa na kumalma, bagaman hindi ko pa rin maikilos nang normal ang aking katawan.

Iyon nga lang, gustuhin ko mang namnamin ang kasiyahan sa puso ko na makasama si Maxrill ngayong gabi. Nasaksihan ko rin ng mga oras na iyon kung paano siyang maapektuhan sa relasyon ng kaniyang kapatid at babaeng nagugustuhan. Palihim akong nasasaktan para sa kaniya, bukod sa sariling nararamdaman. Naidaraan ko na lang sa buntong-hininga ang nararamdaman naming dalawa, siya ay sa iba, ako ay sa kaniya.

"Babantayan nina Laieema at Bitgaram ang Hwang na 'yon," dinig kong ani nanay kay Kuya Maxwell. "Narito ako para sa inyo ni Yaz. Inihabilin ni Maxpein na hindi maaaring masaktan ang sinoman sa inyo at mga taong narito."

Napabuntong-hininga ako at tinanaw lang sila habang yakap ko ang aking sarili. May kalakihan man ay manipis ang asul na bestidang suot ko. Napakalamig pala sa lugar na ito. Natatanaw ang dagat mula sa kinatatayuan namin sa labas ng ospital. Napakabango niyon, masarap sa pandinig at sa pakiramdam. Kahit na alam kong hindi lang ang karagatan ang dahilan niyon.

Humakbang ako papalabas ng silong upang makita ang madilim na langit at mga bituin. Tinanaw ko ang buwan at saka ako palihim na ngumiti. Kasama kita ngayong gabi. Nakagat ko ang aking labi upang mapigilan ang kumakawalang ngiti sa aking labi.

Palihim akong sumulyap sa gawi ni Maxrill at gusto kong magulat nang makita rin siyang nakatanaw sa buwan. Deretsong nakatayo at nakapasok ang kamay sa parehong bulsa. Ang suot niya ay sweat shirt na kulay krema, itim na pantalon at kulay tsokolate na tsinelas. Sa tabi niya ay naroon ang napakagandang aso, nasisiguro kong si Hee Yong. Gaya ng kaniyang amo ay tanaw nito ang buwan na para bang may sinasabi sa kanila ito.

"How are you, Wednesday?" hindi ko inaasahang tanong ni Maxrill, ang paningin ay naroon pa rin sa buwan.

Napalunok ako sa magkahalong gulat at kaba na idinulot ng tanong niya. Sa dumaang panahon, ano't natatandaan niya ang tawag niya sa aking 'yon?

Wednesday... Parang gusto ko nang mapalitan ang aking pangalan. Sa ganda ng pagkakasabi niya roon, para bang iyon na ang pinakamagandang pangalan kasunod ng Maxrill Won.

Hindi ko inaasahang magbababa siya ng tingin sa akin. Napaiwas ako ng tingin sandali bago muling sinalubong ang kaniyang mga mata.

Kung gano'n ay natatandaan niya ako?

Bahagyang nanlaki ang mga mata ko at saka ako napaatras nang humakbang siya papalapit sa akin.

"Hmm?" aniya nang tuluyang makalapit. Namulsa siya at deretso akong tiningnan. "You look good."

Napalobo ko ang aking bibig sa kawalan ng masasabi. Nagbaba na lang ako ng tingin. Nakakahiya! Sa isip ay paulit-ulit ko iyong sinabi.

"I am talking to you, Wednesday," aniya nang manahimik na lang ako.

"Ano kasi..."

"Ano?" natatawang aniya, ginaya na naman ang aking tono.

Napanguso ako. "Dainty Arabelle ang pangalan ko."

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon