"I tried to help you. I tried to stop their illusions. Pero mas malakas sila sa akin, Leticia..." napalingon ako kay Finn.

Mas lalong kumunot ang noo ko sa bawat pagsabat ng magkakapatid na Gazellian.

"Caleb, Casper, Lily... please... bring my Queen out. Away from here." Halos magmakaawa na si Dastan sa kanyang mga kapatid.

"Walang lalapit sa akin!" sigaw kong muli.

"L-Leticia... everything I did was for you..."

Hirap na hirap na akong marinig ang paliwanag ni Dastan. "Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo, Dastan?!" mas malakas na sigaw ko.

Hindi ko na napigilan ang sarili ko, pinaulan ko na ang nagliliwanag kong punyal sa kanya. Sunud-sunod na tawag sa pangalan ko at kay Dastan ang umapaw sa loob ng silid. Ngunit sa gitna ng liwanag, ang inaakala nilang pagdaloy ng dugo'y nanatili lamang nagdidiklap na mga punyal sa hangin hanggang sa tuluyang itong maglaho.

Ilang beses ko na nga bang sinabi sa sarili kong nais ko siyang kitilin? Ilang beses ko na nga bang kinumbinsi ang sarili ko na ang mga kamay ko ang kikitil sa kanya?

Wala man lang punyal ang dumaplis sa kanya. Sa haring diretsong nakatindig habang ang mga mata'y hindi mawalay sa akin.

Sa gitna ng mga punyal na patuloy na umuulan patungo sa kanya ngunit kusa rin nalulusaw bago pa man siya tamaan, hinayaan ko ang sarili kong maglakad patungo sa kanya.

Bawat hakbang ko patungo sa kanya ay hindi man lang nabawasan ang matinding galit ko sa kanya at sa lahat ng paghihirap ko.

At nang sandaling abot kamay ko na siya, lahat ng punyal sa kabuuan ng silid ay naglaho ng parang bula, umalingawngaw ang malakas kong sampal sa kanyang mukha.

"Para sa akin!"

Isa muling malakas na sampal ang pinadama ko sa kanya sa kaliwang pisngi niya. "Sa anak ko!"

Ikatlong sampal. "Sa lahat ng luha at paghihirap ko!"

Ika-apat na sampal. "Sa lahat ng maka-sarili mong desisyon!"

Ikalimang sampal. "Sa lahat ng lihim mo sa akin!"

Pisikal na lakas lamang ang ginamit ko roon, ngunit tila higit pa akong nanghina sa sunud-sunod na pagsampal kumpara sa pagpapalabas ng mga punyal.

Lahat ng sampal na iyon ay tinanggap ni Dastan. Walang kurap at hindi man lang napaatras, ngunit ang kanyang magkabilang pisngi'y nagsusumigaw ng matindi kong galit.

"Pffrt..." hindi man ako lumingon, nakikilala kong si Caleb iyon.

"CALEB!" sigaw ng lahat ng babaeng nasa loob ng silid maliban sa akin at kay Alanis.

"I am sorry, ladies. I know this is heavy. Nadala lang ako ng aking emosyon."

"Leticia, hindi ko hinihiling magkaroon ng anak kung ang kapalit ay—"

"Ang batang ito na lang ang magiging kakampi ko sa mundong ito, buhay man ako o hindi. Mabubuhay ang bata, Dastan. Mabubuhay ang anak ko."

Umiling si Dastan, bakas sa kanyang mga mata ang nag-uumapaw na takot, lalo na nang makita niya ang pag-aatras ko habang may panibagong grupo ng ugat ng puno ang nagsisimulang gumapang patungo sa akin.

Habang patuloy ako sa pag-atras, bumalik sa aking gunita ang misyon na siyang aking naiwan. Alam kong wala man ako sa paglalakbay na iyon ay magagawa nilang makumpleto ang mga relikya at mabuksan ang lagusan. Dahil hindi ko magagawang ipagpatuloy pa ang paglalakbay sa kaalamang ako ang unti-unting kumikitil sa sarili kong anak.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang