Kumirot ang dibdib ko nang marinig iyon.

"Maraming salamat..."

Nang sandaling tipid akong yumuko, ganoon din ang siyang ginawa ni Divina.

Hindi na muling sumagot ang dalawang sirena dahil sabay na silang sumukbo sa dagat at ang tanging iniwan sa amin ay malalakas na hampas ng mga alon.

Ang pagkaway sa amin nina Hua at Nikos ang nagbalik sa aking atensyon. Lumingon ako kay Divina na nakahawak pa rin sa aking kamay at nakatanaw sa dagat.

"Bibisita tayo sa kanila, Divina. Pagkatapos ng lahat ng ito. Ipinapangako ko."

"I will ask Mama and Papa too!"

Si Divina na mismo ang humila sa akin pabalik sa karwahe. Naroon at naghihintay na ang aming mga kasamahan na hindi mawala ang ngiti sa mga labi.

"Nasaan si Iris?"

"Nasa loob na, abala sa kanyang mapa..." sagot ni Lucas.

Hinintay nila muna kami ni Divina na makasakay sa karwahe bago sumunod sina Lucas at Rosh na hanggang ngayon ay limitado pa rin ang mga salita sa isa't isa.

Nang makaupo na kaming lahat ay nagsimula na rin tumakbo ang aming karwahe.

"Ang sunod na relikya ay kina Finn at Kalla, hindi ba?" tanong ni Rosh.

Tumango ako.

Muli siyang naglaro ng pulang rosas habang nakasandal at nakakrus ang mga hita, si Lucas ay nakatingin sa labas ng bintana, Iris na hindi maabala sa kanyang mapa at si Divina na nakatitig na naman kay Rosh.

"Bakit hindi pa lumalabas ang sunod na punyal?" tanong ulit ni Rosh.

Iyon din ang aking katanungan. Ang relikya nina Lily at Adam ay itinuro ng punyal na pumasok sa aking katawan na nagmula sa ritwal na aking isinagawa, ngunit bakit ngayon ay tila wala pa akong nararamdaman ng presensiya ng sunod na punyal?

Ang punyal na iyon ay may dalang bugtong.

"Siguro ay kailangan din natin maghintay ng saglit?" sagot ko.

"Kung sabagay..." sumandal muli si Rosh sa kanyang upuan.

"When are you going to give me flowers, Prince Rosh?" biglang tanong ni Divina.

Napabuntong hininga na lamang ako. Mukhang masasaksihan na naman namin ang walang katapusang pangungulit ni Divina kay Rosh sa susunod na paglalakbay na ito.

Kay Iris ko na lamang ibinigay ang aking atensyon, kanina pa siyang tahimik na tila ay bumabagabag sa kanya.

Tapos na kami sa mga lobo at mga sirena, anong nilalang naman kaya ang siyang sasalubong sa amin?

"Iris, may maitutulong ba ako?"

Mas lalong kumunot ang kanyang noo. "May hindi ipabasa ang mapa, Mahal na Diyosa ng Buwan... tila may hinihintay..."

Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko. Ito ang mahirap sa palaisipan ng paglalakbay na ito, hindi ito nag-uulit na kasagutan at paraan upang malaman ang susunod na hakbang.

Laging may bago... mas lalong nagiging komplikado.

"Ngayong napagdaanan na ng paglalakbay na ito ang dalawang klase ng nilalang mula sa pitong trono, lima na lang ang natitirang siyang ating dapat pagdaanan." Napatango ako sa sinabi ni Iris.

"Ang mga Diwata, anghel, demonyo, babaylan at bampira..." napaisip ako kung sino pa bukod kay Danna ang bampirang napili ni Haring Thaddeus.

Gusto kong buksan ang usaping iyon kay Iris, ngunit nangangamba akong baka marinig iyon ni Divina.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Where stories live. Discover now