Chapter 3

253 23 5
                                    

Chapter 3

Mula nang buksan ko sa publiko ang Kitchen Princess, sanay na ang mga tao—lalo na ang mga malapit sa area at madalas pumunta roon—na Monday ang pahinga ko at ng restaurant. Saktong-sakto, tumapat sa araw na iyon ang pag-uwi ng pinsan ko galing sa short vacation nito at ng prince charming nitong kapangalan nito.

As in, legit. Parehong-pareho ang pangalan ng dalawa. Naiba lang sa spelling at sa gamit na apelyido. Alexander Justin at Alexandie Justine. Sino nga ba naman ang mag-aakalang ganoon pala ang AJ ng nag-iisang AJ Aniston? Never d-in-isclose iyon sa publiko.

Kaya naman, pagkatapos na pagkatapos ng daily workout ko, bumiyahe na ako patungo sa San Juan. Actually, kapag ganitong rest day ko, mas madalas talaga ako sa bahay nina Tito Vince at Xandie kaysa sa sarili kong condo unit. Hindi kasi ako sanay mapag-isa nang matagal. Kung wala ako kina Xandie, sina Rhyne at Czeila naman ang binubulabog ko.

Hindi na nga nagulat si Tito Vince nang mapagbuksan ako ng pinto. Pagkatapos ko itong batiin, ako pa ang nagulat nang mabungaran sa kusina ang higanteng lalaking nakaupo sa tabi ng kabisera habang prenteng nagkakape.

Ang aga-aga, nandito na rin siya?! Naunahan pa ako ng buwisit! Saan kaya 'to nag-park? Wala sa labas ang bago niyang Hummer EV na moonshot green matte ang kulay.

Hindi yata success ang pagtatago ko ng gulat dahil umangat ang kanang kilay niya pagkakita sa akin. Sinadya niyang lakasan ang tunog ng paghigop niya sa kape. Pagkatapos ay ibinalik ang tingin sa akin, may bahid na ng pang-uusig.

Aba! Sino ba sa amin dito ang pinsan?!

"'Morning," marahang bati niya, taliwas sa expression ng mukha niya kanina. Katulad ko ay mukhang katatapos lang din niyang mag-workout. Nakaputing running shoes pa siya, itim na running shorts at midnight green na muscle shirt kaya hantad na hantad ang malalaking biceps. Ang windbreaker niyang kulay-itim ay nakasampay sa likod ng katabi niyang upuan.

Napangiwi ako mentally. "Good morning," ganting bati ko—labas sa ilong—bago ako umupo sa tapat niya. Hanggang sa makaupo ako, nakasunod lang ang tingin niya sa akin kaya hindi rin ako nagbawi ng titig. Akala mo naman, may gagawin akong masama, eh mas kaduda-duda pa nga siya.

"Ay 'sus! Nahiya pa kayong dalawa! Huwag nga ako! May pabati-bati pa kayo pero sa tinginan niyo naman, mukhang kanina pa kayo nagpapatayan!" maarteng basag sa amin ni Tito Vince.

Mas lalong tumalim ang tingin ko sa kanya. At hindi iyon nawala kahit nang saglit na pumagitna sa amin si Tito Vince para ilapag sa lamesa ang mga pagkaing inihanda nito.

Siya naman, mas ipinahalata na ang ano'ng-ginagawa-mo-rito look. Sobrang offensive pa na parang wala akong karapatang tumapak sa pamamahay na 'to. Ang kapal talaga ng mukha! Eh, sa aming dalawa naman, ako ang may dugong Licarte. Bigwasan ko 'to, eh!

Umismid siya bago tumayo para tulungan si Tito Vince. Nag-make face naman ako at nailing na lang si Tito nang makita iyon. Tumayo na rin ako at malambing na niyakap ito bago ako sumunod sa buwisit para magtimpla ng sariling kape. Titimplahan ko na nga rin sana si Xandie pero naunahan ako ng buwisit.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" pabulong na asik ko sabay gigil na halo sa kape.

"Ikaw, ano'ng ginagawa mo rito?" ganti niya sa kaparehong tono.

Ang kapal talaga ng mukha! Ang aga-aga, umiinit na agad ang bumbunan ko sa iritasyon! Pahinga ko na nga mula sa trabaho pero sa kanya naman, hindi. Buhusan ko 'to ng kape, eh!

Presko siyang umismid bago ako iniwan sa counter. Agad akong sumunod at hindi ko talaga siya tinantanan ng masamang tingin pero hindi na siya ulit tumingin sa akin. Alam kong sinasadya niyang iiwas ang tingin kasi alam niyang mas lalo lang akong mabubuwisit kung hindi niya papansinin ang iritasyon ko. Pagkalapag niya sa tasa ng kape na para kay Xandie, naupo na siya ulit pero sa katabing upuan na ng iniwan niyang puwesto kanina, doon sa pinaglagyan niya ng kanyang windbreaker. Pagkatapos ay prenteng binuksan ang diyaryong nakalatag sa lamesa.

Keeno's Princess (2023)Where stories live. Discover now