Inikot ko 'yung buhok ko sa daliri ko. "Vicente, maganda pa rin ba ako?' pagpapa-cute ko sa kaniya.

"Hindi." Aniya.

Napapadyak ang paa ko sa lupa. Nakakainis na, a!

"Kain na tayo, sabay na tayo," pagyaya ko. Paano ba manuyo ng nobyo from the 19th century?

"Busog pa ako, at hahanapin ko pa si Tope." Tugon niya.

Inirapan ko siya. "Sige, hanapin mo. Maghanap ka sa hangin!" singhal ko.

Hindi siya kumibo.

Alam ko na!

"A-Aray! Ang sakit ng dibdib ko," muli kong pagpapanggap. Nagkunwari pa ako na nakahawak sa dibdib ko na parang namimilipit sa sakit.

"Rosenda!" nilapitan niya ako agad at inalalayan. "Ano'ng nangyari? Saan masakit? Diyan ba? Pumasok tayo sa loob." Nag-aalala niyang sinabi.

Natawa ako kasi bumalik agad ang pagiging concern at maalalahanin na Vicente. Sa isang iglap ay nawala agad ang inis niya. "Biro lang!" hinalikan ko siya sa pisngi at kita ko ang inis sa kaniyang mukha.

Kumaripas ako ng takbo papasok ng kubo at narinig ko na sinigaw pa niya ang pangalan ko. Ha-ha! Sapat na 'yung makita ko siyang nag-aalala para sa akin.

'Di nagtagal ay bumalik si Vicente sa loob ng kubo. Ako na ang nag-ayos ng mga plato at kubyertos para makakain na kami. Pansin ko sa mukha niya na nawala na 'yung inis niya. "Kumain na tayo," pagyaya niya.

Hinila niya ang isang silya at pinaupo ako roon. Naupo naman ako at umupo siya sa harap ko. Pinagsaluhan namin ang inihaw na isda na mukhang siya mismo ang nanghuli. "Ang dami mo pala talagang alam gawin, 'no?" namamangha kong tinanong.

"Kapag nagsanay ka bilang isang heneral, hindi lang puro labanan ang iyong alam, marapat din na may alam
ka sa iba't-ibang bagay para ikaw ay mabuhay sa kahit na anong sitwasyon." Aniya.

Napatango naman ako. "Gusto mo ng kape? Naalala mo noong pinagtimplahan kita no'n?" tanong ko.

"Oo naman. Nagtampo ka pa nga noong sabihin ko sa iyo na mapait na lasa ng kape ang nais ko, ngunit ang totoo no'n ay matamis talaga ang gusto ko," masaya niyang pagsasalaysay.

Tumayo ako at sinimulan ko na siyang timplahan ng kape. Buti na lang ay may ininit na siya na tubig mula sa takure. Matapos ko haluin ang kape, nilapag ko ito sa tapat ni Vicente. Inihipan niya ito at saka ininom. Napangiti siya pagkatapos. "Maraming salamat, binibini. Kahit papaano may lakas na ulit akong magtrabaho," saad niya.

Natigilan ako at napatitig kay Vicente. Parang narinig ko na ang salitang iyon. May taong nakapagsabi na rin sa akin no'n at tulad ni Vicente, mahilig din siya sa matamis na kape. Ayun nga lang ay bigo akong maalala ang hitsura niya.

"Binibini?" natauhan ako sa boses ni Vicente. "Tila ba'y malalim ang iyong iniisip. Huwag kang mag-alala, masarap ang kapeng iyong tinimpla." Komento niya pa.

"A, wala. Iniisip ko lang na sana pinaitan ko 'yung kape na tinimpla ko kasi inaaway mo ako kanina," saad ko.

Natawa kami parehas at nag-umpisa na namin pagsaluhan ang nakahandang pagkain sa maliit na lamesa. Ganito pala mamuhay kasama si Vicente. Kahit sa simpleng paraan, pakiramdam ko ay ang yaman ko na, animo'y isa akong prinsesa sa piling ng aking prinsipe. Wala man kaming magarbong tahanan ngayon kagaya ng kinagisnan namin, mayaman kami sa piling ng isa't-isa.

"Senda, matanong ko lang, ayaw mo bang bumalik sa inyong tahanan? Batid ko na nag-aalala na lahat ng tao sa'yo ro'n. Kung ibig mong umuwi, sasamahan kita." Suhestiyon ni Vicente.

131 Years (PUBLISHED)Where stories live. Discover now