"E bakit ikaw? Thirty four years old ka na, pero wala ka pa ring asawa o girlfriend."

"Hindi naman kasi ako nagmamadali." Ani Tope.

"Bro, seriously? Ganyang edad dapat may family na."

"Lahat naman ng bagay pinagpaplanuhan. Hindi purke may nauna na sa'yo e kailangan mo nang gayahin. Kaniya-kaniya lang 'yan." Tugon ng binata.

Napatango naman si Idrelle sa kaibigan. "Sabagay. Alam mo, masaya ka talagang kasama, tumatalino ako sa'yo, e."

Napaismid na lang si Tope kay Idrelle. "Matalino ka rin naman, mahilig ka lang magpaiyak ng babae."

"E kasi naman, bata pa ako so you won't understand. Ten years ang tanda mo sa'kin," napatitig saglit si Idrelle sa kaibigan. "Pero bro, for a thirty four year old, mukha kang bata, a! Ano'ng tips mo? Every night siguro may ka—"

Bago matapos ni Idrelle ang sasabihin ay sinipa ni Tope ang paa niya sa ilalim ng lamesa. "Ow!" napa-aray si Idrelle at tumama pa ang tuhod niya sa lamesa.

"Kumain ka na nga lang diyan, sa susunod na magyaya ka, hindi na ako sasama kung puro kapusukan ikukwento mo." Singhal ni Tope.

Humugis 'o' naman ang bibig ni Idrelle. "Wow pare lalim, a! Kapusukan talaga? Best in english ka pa naman sa work tapos best in tagalog ka rin?"

"Siyempre, mahalin ang sariling atin." tugon niya. Napansin ni Tope na naubos na niya ang softdrink na iniinom at ang lugaw na nakahain sa harap niya.

Matapos nilang kumain ni Idrelle, dumiretso na si Tope sa condo na tinutuluyan niya sa Quezon City. Sa paglipas ng panahon ay natutong mag-ipon at pumundar ng pera si Tope, magaling din siyang humawak ng salapi kaya lahat ng kaniyang kinikita ay napupunta sa wastong bagay.

Pagdating niya sa kuwarto ay binagsak agad niya ang hawak na bag sa sahig. Umupo siya sa sofa at inangat ang kaniyang dalawang braso sa sandalan nito. Tumingala siya at pumikit— nararamdaman na niya ang pagod dala ng trabaho niyang kinakailangang walong oras nagsasalita. Idagdag pa ang mga bagay na bumabagabag sa kaniyang isipan.

Mag-isa lang siyang naninirahan sa condo. Binili na niya ito sapagkat sapat na ang kaniyang naipon sa ilang taong pagsisilbi niya sa hacienda nila Dalia. Sa katunayan, ay mas sanay siya sa buhay probinsya dahil mahigit sampung taon siyang namalagi roon, ngunit unti-unti naman na niyang tinanggap ang pagidaybabago sa kaniyang buhay.

Matapos niyang maligo ay nahiga na siya sa kama. Kahit ipikit niya ang kaniyang mga mata ay imahe ni Dalia ang kaniyang naalala, kapag idilat naman niya ito ay si Dalia pa rin ang nasa isipan niya.

Kinailangan kong lumayo para sa ikakabuti niya.

Pumunta siya sa balkonahe ng kaniyang condo. Doon ay nakita niya ang kumikislap na mga bituin, gasuklay din ang hugis ng buwan.

Hanggang kailan? Tanong niya sa langit kahit batid niya na hindi na niya makukuha pa ang kasagutan.





KINABUKASAN, MAAGANG nagtungo sa palengke si Tope para bumili ng mga rekados sa lulutuin niya. Paborito niya kasi ang putahe ng nilagang baka. Habang naglalakad siya sa palengke, hindi maiwasang mapatingin ang ilang kababaihan sa angking kakisigan ng binata. Maging ang kalalakihan na nakakakita sa kaniya ay hinihiling na ganoon din sila kakisig kagaya ni Tope.

Habang binabaybay niya ang palengke, nakakita siya ng makukulay na dream catcher na hile-hilera at nakasabit. Hinawakan niya ang isa ro'n.

"Pogi, bibili ka? Singkwenta isa sa ganiyan kaliit. Kapag mas malaki, 250 na lang. Walang tawad pogi, a. Buena mano ka, e." Wika ng ale na nagbebenta.

131 Years (PUBLISHED)Where stories live. Discover now