"Iyon lang?"

Nagkabit-balikat siya. "Well, aside from what I heard from the police station."

"What is it?" nabuhay ang kuryosidad ko.

"Nalaman kong may isang record si Maxpein sa kalapit na police station. Mahirap mag-usisa dahil maingat sumagot ang pulis na nakausap ko. Ang kaso ng mga suspek ay attempted rape."

"Attempted rape?" hindi makapaniwalang pag-uulit ko.

Tumango lang siya. "Minsan umano siyang napag-trip-an ng mga lasing sa nasakyang jeep," maikling kwento niya. Nalilito akong nag-isip. "May mga nalaman din ako sa BIS Hospital tungkol sa kaniya. May ilang beses siyang dinala sa ospital dahil nabu-bully sa school," iiling-iling na namang aniya na para bang litong-lito.

Maging ako ay nalito. "Attempted rape at biktima ng school bullies—parang hindi akma ang mga sinasabi mo sa deskripsyong ikinuwento mo sa akin kagabi lang, Christian."

"Hindi ko alam, kahit na ako ay nalilito. Ang mga bagay na iyan ay nalaman ko bago ko pa pasukin ang bahay nila. Kaya nga ganoon na lamang ako kakampanteng wala silang laban sa amin. Pero nagkamali ako nang magkaharap kami." Huminga siya nang malalim, tumitig sa kung saan na para bang inaalala ang sandaling nakaharap niya ang babae. "Kakaiba ang mga kilos niya, maingat pero mabilis," mariin niyang sinabi 'tsaka tuminging muli sa akin. "Sa tingin ko ay may mga inililihim din sila."

"Tulad ng ano?"

"Hindi ko alam."

"Walang saysay ang sinasabi mo."

"Maniwala ka sa akin, Cargosin. Naging mahirap sa akin ang kumalap ng impormasyon tungkol sa pamilyang iyon. Kaya hindi ko masasagot ngayon ang mga tanong mo. Pero kakaiba ang kutob ko. Alam kong merong itinatago ang mga iyon sa kanilang pagkatao. Ang kilos ng babaeng iyon ay kakaiba."

Lalong kumunot ang noo ko. Kakaiba sa pakiramdam ang hiwaga nila. "Alam ba ito ng Chairman?" patungkol ko sa aking ama.

Umiling siyang muli. "Hindi ko maaaring sabihin. Masakit pa ang dibdib ko mula sa malakas na pagkakasipa ng babaeng iyon para makatanggap ng panibagong sakit mula sa kamay ng iyong ama. Paniguradong magagalit siya kapag nalaman niyang wala akong nalaman tungkol sa mga Moon maski isa. Masasaktan ako kapag nakarating sa kaniyang ang tanging nalalaman ko ay ang mga bagay na nasabi ko na kanina."

Naiintindihan ko siya, ayaw ko rin na mapahamak siya. "Kung ganoon ay may nalalaman ka bang ibang paraan para mas makilala natin sila?"

"Ang huwag magpadalos-dalos," seryoso niyang sinabi 'tsaka hinarap ako. Kumunot naman ang noo ko. "Sinabi ko na sa iyo noon na tigilan na muna natin ang pagmamadali. Maikling panahon pa lamang ang meron sa pagitan natin. Hindi kataka-takang paghinalaan nila tayo sa mga pangyayaring ito. Lalo pa at bago tayo sa kanilang lahat. Sundin natin ang plano, Sin. Huwag kayong magdesisyon base sa nararamdaman ninyong galit ng iyong ama. Kung ganito nang ganito ang gagawin natin ay hindi malayong maunahan nilang makilala tayo kaysa ang makilala natin sila. Hindi ko makakalimutang sinabi sa akin ng babaeng iyon na habang naglalagi ako sa harap niya ay unti-unti niya akong nakikilala."

"Hindi kita maintidihan, Christian."

"Sa tingin ko, gaya nang ginawa natin sa mga Enrile ay kilalanin na muna natin sila. Kunin natin ang kanilang loob hanggang sa magkaroon tayo ng pagkakataong kumilos."

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon