Chapter 18

45K 1.4K 271
                                    

HUMALUKIPKIP si Zafrina matapos ihanda ang mga gamit niyang dadalhin sa UHB Leisure Club para mamaya. May kaunting excitement pero mas kinakabahan siya dahil another exposure na naman ito sa side niya. Sana lang talaga ay walang mag-leak ng larawan niya kasama si Sovereign, if ever man. Kaya nga noong sumama siya sa opisina nito ay nakasuot pa siya ng sunglasses para lang hindi malantad ang mukha niya.

Pumunta siya sa may couch at naupo. Mayamaya ay napatingin siya sa may pinto ng silid nang pumasok mula roon si Sovereign. Mabilis siyang nagbawi ng tingin.

Napasulyap pa si Sovereign sa maletang inihanda niya. Pinagamit nito iyon sa kanya para daw madali lang dalhin ang gamit niya. Palibhasa ay duffel bag lang ang dala niya nang pumunta siya sa Pagbilao City.

"May nilutong Pancit Lucban sina Manang. Gusto mo?" ani Sovereign ng makalapit sa kanya.

"Pancit?" ulit pa niya.

"Hmmm. Tara sa baba."

Walang pagdadalawang-isip na tinanggap niya ang kamay ni Sovereign nang ilahad nito iyon sa harapan ni Zafrina. Pero mabilis niya iyong binawi nang makatayo na ikinangiti ng binata. Nagpatiuna na siya papunta sa may pintuan. Mabilis namang umagapay si Sovereign sa kanya.

Magkasabay sila nitong naglakad sa may hallway papunta sa may hagdanan. Nang bumukas naman ang pinto sa silid ni Cassey ay mabilis pa sa alas kuwatro nang akbayan siya ni Sovereign. Muntik na niya itong masiko sa tagiliran nito kung hindi lang niya nakitang lumabas si Cassey buhat sa bumukas na pinto.

Tiningnan lang sila nito bago ito nagpatiuna sa paglalakad.

"Hindi ka ba napapagod umarte sa harapan niya?" tanong ni Zafrina kay Sovereign sapat lamang upang marinig nito. Malayo-layo na naman sa kanila si Cassey na sadyang binilisan ang paglalakad.

"Bakit? Pagod ka na ba?" balik tanong nito.

Gusto sana niya itong sulyapan dangan nga lamang at ayaw niyang matulala na naman dito. "Kung sabihin kong oo?"

"Eh, 'di magpahinga ka," pilosopo nitong sagot kaya natuluyan na itong sikuhin ni Zafrina sa tagiliran. "Zafrina," daing pa nito sa pangalan niya.

Aalisin na sana niya sa balikat niya ang nakaakbay nitong kamay ngunit hindi naman siya nito hinayaan. "Wala na si Cassey."

"So? Malapit na tayo sa may hagdan." Sumilay pa ang ngiti sa labi ni Sovereign ng hindi na siya makipagtalo pa rito.

Habang kumakain ng Pancit Lucban ay tahimik lang si Zafrina. Ninanamnam niya ang bago sa panlasa niyang pagkain. Masarap iyon.

"Like it?"

Sinulyapan niya si Sovereign na nasa tabi niya. Tumango siya. "Masarap."

Eksaherada pang tumikhim si Cassey na nasa may tapat nila nang pahirin pa ni Sovereign gamit ng daliri nito ang bahagyang sauce na nasa may gilid ng labi ni Zafrina. Maski ang dalaga ay sandaling natigilan sa ginawa ni Sovereign. Nginitian lang siya nito bago muling ibinaling sa pagkain ang atensiyon.

Lihim pa siyang napalunok bago nagbawi ng tingin. Hindi siya nag-abalang sulyapan si Cassey na humigpit lalo ang pagkakahawak sa tinidor nito.

Alas singko ng hapon ng ipasya ni Sovereign na pumunta na sila sa Leisure Club. Bakit kakaiba ang pakiramdam niya habang papalapit sila sa naturang Club?

Habang nakaupo sa may passenger seat si Zafrina ay bahagya niyang nayakap ang sarili. Piping hiling niya na sana ay maging maayos ang anim na araw na pananatili nila sa Club. Wala sanang bulilyaso na mangyari.

Nang sulyapan niya si Sovereign na deretso lang sa kalsada ang tingin ay nakakagat-labi pa ito. Animo may malalim na iniisip. Ano kaya ang iniisip nito?

The Billionaire's Secret | Published Under LifebooksWhere stories live. Discover now