Pagkababa ko mula sa aking silid, tumambad sa akin si Julieta at Miguel na masayang nagkukwentuhan sa hapag-kainan. Sa kabisera naman ay nakapuwesto si Ama na abala sa binabasang diyaryo. "Buenos días, Vicente," pagbati sa akin ni Ama.

"Magandang umaga, Kuya." sabay namang sinabi ni Julieta at Miguel.

Tinabihan ko ang dalawa kong kapatid at nagitla ako nang alukin ako ni Miguel ng isang pinya. "Kuya, dagdag mo sa agahan mo," aniya.

Inusog ko ito pabalik sa kaniya, "Hindi ako mahilig sa pinya,"

"Paborito mo ito no'n, 'di ba, Kuya?" nagtataka niyang tanong.

"Hindi na ngayon," nagkatinginan naman si Julieta at Miguel.

"Kailan pa kayo nagkaron ng alitan ng pinya?" nakatwang tanong ni Julieta.

"Simula nang umeksena siya," tugon ko.

"Pinya pa ba ang pinag-uusapan natin?" tanong naman ni Miguel na masayang kinakain ang pinya, "Kumusta si ate Rosenda?"

Napatingin ako sa gawi ni Ama nang banggitin ni Miguel si Rosenda. Hindi niya batid ang malalim kong pagtingin para sa kaniya.

"Ayos naman," matipid kong sagot kay Miguel.

"Kuya, ilang taon na lang at may tiyansa na rin ako maging Heneral katulad mo," ani Miguel na hindi mapigilan ang kaniyang labis na kasiyahan.

Sa aming pamilya, si Miguel ang mas nagnanais na tumulong sa pamahalaan at maging parte nito. Busilak din ang kaniyang kalooban at handang ialay ang kaniyang buhay para sa inang bayan. Kahit labing walong taong gulang pa lang siya ay marami na siyang pangarap at adhikain para sa bayang ilang taon nang pinagsisilbihan ng aming pamilya.

"Asintado ka na ba sa paggamit ng baril?" tanong ko sa kaniya.

"Mas magaling pa ako sa iyo, Kuya. Kahit sino pa ang kalaban tiyak na tatamaan ito sa ulo—"

"Mga kuya, ako ay kumakain, baka ibig n'yo naman magpasintabi sa inyong mga kuwento?" sabad ni Julieta.

Si Julieta ang prinsesa at bunso ng aming tahanan—kahit mapagmataas ang kaniyang kilay ay siya ang pinakamalambing sa aming magkakapatid. Sa edad na labing anim na taong gulang ay naranasan na niyang mawalan ng ina. Tuwing titignan ko siya ay hindi mapagkakaila na kawangis niya ang namayapa naming ina kaya naman masaya ako na nakikita si Julieta, dahil isa siyang magandang alaala na naiwan ng yumao naming magulang.

"Ikuwento mo na lang ang pag-iibigan niyo ni ate Rosenda na noon ay kinamumuhian mo," anang Julieta.

Hindi ko naman kinamumuhian si Rosenda noon. Kaya nga lang, tanyag si Rosenda bilang isang babae na walang kinakausap kahit na sino.

Hindi palangiti, hindi palabiro, at likas itong tahimik. Noon pa man ay alam ko na sa aking sarili na hindi kagaya niya ang babaeng aking matitipuhan.

Ngunit nagbago ang lahat ng iyon simula noong mapadpad siya sa aming hacienda. Suot niya ang isang 'di pangkaraniwang pulang kasuotan at nagpanggap siya na hindi niya ako kilala. Hindi ko malimutan ang hiling niya na ihatid ko siya papuntang Binondo.

Lalo na nang marinig ko siyang kumanta sa entablado noong pista. Ka'y ganda ng kaniyang tinig at hindi mapagkakaila na naantig ako kay Rosenda sa aking natunghayan. Mas may buhay siya ngayon at nagbibigay siya ng kasiyahan sa bawat taong makakasalamuha niya.

Habang lumilipas ang mga araw na kasama ko siya ay gumagaan ang loob ko sa kaniya; ang kaniyang mata na laging lumalaki kapag naiinis, o kaya naman ang kaniyang tinig na palaging nakatili o kaya naman nakasigaw. Hindi ko rin malilimutan ang mga tawa at ngiti niya kung saan handa kong isugal ang lahat makita ko lamang iyon.

131 Years (PUBLISHED)Where stories live. Discover now