Nasapo niya ang dibdib na ang bilis ng kabog. Iyon ang unang pagkakataon na nakakita siya ng lalaking nakasuot lang ng brief at lantad na lantad ang kakisigan ng katawan sa harapan niya. Napalunok pa siya nang maalala iyon.

Napaawang ang bibig niya nang mayukuan ang sarili na walang suot na pajama bottom. Mariin siyang napapikit. At ano naman kaya ang iniisip sa kanya ni Sovereign?

Matapos maligo ay agad din siyang lumabas sa banyo. Nakasuot lang siya ng roba at walang ni isang saplot na panloob. Nasa walk-in cabinet ni Sovereign ang mga gamit niya.

Mabilis siyang nag-iwas ng tingin nang makita si Sovereign na nakaupo sa may couch. Bihis na rin ito. Napatingin din ito sa kanya. Pagkabukas sa pinto ng walk-in cabinet ay mabilis siya roong pumasok. Ni-lock pa niya ang pinto bago kumuha ng mga damit niya at nagbihis.

Napili niya ang cute na chiffon floral mini dress na nabili pa niya sa boutique sa Alager. Nude ang kulay niyon na umabot ang haba hanggang sa may medyo lampas ng kanyang tuhod. Tinirnuhan niya iyon ng flat na jelly shoes na transparent ang kulay.

Nang maayos na ang sarili niya at ipasya ng lumabas sa walk-in cabinet ay halos titigan na lang niya ang hawak na door knob. Hindi niya magawang pihitin pabukas. Dahil natitiyak niya na makikita niya sa labas si Sovereign. Napalunok siya. Bakit ba kailangan niyang mailang?

Hindi dapat makita ni Sovereign na nakakaramdam na siya ng pagkailang dito. Purely business, Zafrina! Pakatandaan mo 'yan dahil iyon ang dahilan kaya ka nasa poder niya ngayon.

Huminga muna siya nang malalim bago lakas-loob nang lumabas doon. Nang ilibot niya ang tingin sa loob ng silid ay nakita niyang nakaupo na sa may lamesa na malapit sa may terrace si Sovereign. May umuusok ding pagkain sa lamesa. Abala ang binata sa pagdutdot sa screen ng cellphone nito. Mukhang doon sila mag-aalmusal.

Natigilan siya. Hindi pa rin ito kumakain?

Sinikap niyang gawing kaswal ang lahat-lahat sa kanya. Tumikhim siya nang makalapit dito. Hindi ito nakasuot ng pang-opisina nito. Kumunot tuloy ang kanyang noo.

"Hindi ka ba papasok ngayon?"

Saka lang nag-angat ng tingin si Sovereign sa kanya. Humagod pa ang tingin nito sa kabuuan niya bago itinuon ang tingin sa mukha niya. "Naka-leave ako," anito na tumayo muna para ipaghila siya ng mauupuan sa tapat nito.

"Bakit?" taka niyang tanong nang makaupo. "I mean. Bakit ka nag-leave?"

Bumalik muna sa pagkakaupo si Sovereign bago sinagot ang tanong niya. "Dahil kailangan. Mag-stay tayo sa Leisure Club. Maybe six days."

Imbes na matuwa sa sinabi nito ay kabaligtaran ang naging reaksiyon niya. "Sovereign, hindi ako puwede sa ganoong lugar," mariin niyang apila.

"Kung ibang babae ka lang, siguradong magtatatalon ka pa sa tuwa. Knowing na makakapasok ka sa Leisure Club."

"Alam mong ayaw kong ma-expose sa labas."

"Zafrina, one of the safest place ang Club para sa iyo. Walang mangangahas na maglabas ng inpormasyon mo mula sa loob kung 'yon ang iniisip mo. Do you think na gusto rin kitang dalhin doon? Kung ako lang, ayaw ko."

Hindi agad siya nakaimik sa sinabi nito. Ibig sabihin ay wala talaga itong balak na dalhin siya roon? Napipilitan lang ito dahil alam na sa Club na nag-asawa na ito at no choice na rin ito kundi ang dalhin siya roon. Nagbaba siya ng tingin sa nakahaing pagkain sa lamesa.

Ano ba'ng dapat niyang asahan? Para lang sa mga siniseryosong babae ang lugar na iyon. At hindi naman 'sila' ni Sovereign para nga naman dalhin siya nito roon ng bukal sa loob nito. Dito na rin nanggaling na kung ito lang ay ayaw siya nitong dalhin doon.

Pero bakit ang sakit sa pakiramdam?

"Zafrina, don't get me wrong," mabilis na bawi ni Sovereign sa huling sinabi nito nang mapansin ang reaksiyon sa mukha niya. "It's just that..." bumuntong-hininga ito. "Ayaw ko lang na makita ka ng mga ka-member ko."

Nagsandok na siya ng kanin at nilagyan ang pinggan niya. "Bakit?" Ito naman ang hindi nagsalita kaya napatingin dito si Zafrina.

"Masyadong makukulit ang ilan sa kanila. You won't like it."

Iyon nga kaya ang totoong dahilan? Ibinalik niya ang tingin sa hapagkainan. Naglagay naman siya ng bacon at itlog sa pinggan niya. "Puwede naman na hindi mo na ako isama."

"Kung puwede nga lang, why not?" Nagsandok na rin ito ng kanin mula sa serving bowl at inilagay sa pinggan nito. "Mamayang hapon tayo pupunta roon."

Mukha namang wala na rin siyang ibang pagpipilian pa kagaya nito. "Okay," tipid niyang sagot.

Isa sa ipinagpasalamat niya ay ang hindi na pagbanggit pa ni Sovereign tungkol sa nangyari kanina sa banyo.

The Billionaire's Secret | Published Under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon