"Just relax, Bella." Bulong ng Señorito at ramdam ko ang pagtayo ng mga balahibo ko dahil sa pagdampi nang malamig nitong hininga sa 'king tainga.

Idinilat ko lang ang mga mata ko nang maramdaman ko na ang pag-andar ng sasakyan. Hindi ko rin magawang tumingin kay Señorito Primo na nagmamaneho dahil maya't-maya ang pag-iling nito at kalaunan ay ngi-ngiti.

"Pag-aaralan ko na ang pagsuot ng seatbelt." Nahihiya kong sambit. Pinagtatawanan niya yata ako ngayon dahil hindi ako marunong mag-suot ng seatbelt.

"It's not that." Doon ko lang nilingon si Señorito Primo na saglit naman akong sinulyapan bago ibalik ang tingin sa daan na palabas na ng gate. "Roja Musk Aoud Absolue Precieux. " Pahabol nito at hindi ko nakuha ang gusto nitong iparating. "My perfume. Mabango ba?" Dagdag aniya.

"M-mabango," utal na sagot ko.
Bakit ganito ang pinag-uusapan namin? Nakakahiya na napansin pala ng Señorito ang pag-amoy ko sa kaniya kanina.

"You look good in your clothes, bagay sa 'yo." Uminit ang mukha ko dahil sa papuri ni Señorito Primo kaya tumingin na lang ako sa kalsada para hindi nito makita ang pamumula ng aking pisngi.

Pasado ala una na nang hapon pero dahil maulap at sa tulong na rin ng mga puno sa gilid ng kalsada kaya hindi rin masyadong mainit, natatangay rin ng hangin ang ilang hibla ng buhok ko. May mga tao sa gilid ng kalsada na kapag nakikita si Señorito Primo ay yuyukod sila at kakaway pero ni hindi man lang ito bibigyang pansin ng Señorito. May napansin akong dalawang puting rosas sa upuan sa likod ng kotse.

Para kanino kaya iyon?

Sino kaya ang bibigyan ni Señorito Primo?

Swerte naman niya.

Humigpit ang pagkakahawak ko sa bag at naramdaman ko na naman ang kirot sa dibdib ko. Akala ko ba sa construction site kami pupunta? Isasama niya pa talaga ako sa date niya!

"Ano 'yon?" Sambit ng Señorito at saglit na sumilip sa baba ng manibela ng sasakyan dahil sa naging pagsipa ko.

Napalakas pala ang pagdadabog ko.

"W-wala." Sagot ko. Bumagal ang takbo ng kotse hanggang sa huminto ito sa gilid nang matarik na bangin.

"Nandito na tayo?" Tanong ko bago luminga sa paligid.

"Nah. Stay here." Giit ni Señorito Primo kaya napatango na lang ako habang pinanood ko itong bumaba ng sasakyan at kunin ang dalawang puting rosas na nasa likod ng kaniyang kotse.

Lumapit pa ang Señorito sa gilid nang matarik na bangin at pumikit ito habang dinadama ang pag-ihip ng hangin, hinalikan ng Señorito ang dalawang puting rosas bago ito ihagis sa bangin.
Ngayon ko lang napagtanto na dito pala nahulog ang sinasakyan nila noon na private van na naging dahilan nang pagkamatay ng ama at kakambal niya, ayon sa kuwento sa akin noon ni nanay Carlotta.

Nagtagal pa kami sa biyahe hanggang sa makarating kami sa bandang unahan ng Casa Tranquillo. Malawak ang lupain dito at walang masyadong mga nakatira. Hanggang sa may matanaw na akong mga naglalakihang sasakyan na ginagamit sa pagpatag ng lupa 'gaya ng bulldozer.

"We're here." Deklara ng Señorito at ito ang nag-unlock ng seatbelt ko bago ito bumaba.

Pinagmasdan ni Señorito Primo mula rito sa gilid ng kalsada ang kabuuan nang pinapatag na lupa. Dito pala itatayo ang pabrika ng alak at mukhang malaki ang pabrika dahil malawak na ang napapatag na lupa at mukhang hindi pa ito nangangalahati.
May mga abalang trabahante sa bandang unahan at may mga naghahakot naman ng mga bato.

IL Mio Dolce Amante (My Sweet Lover) [COMPLETED/UNDER REVISION]Where stories live. Discover now