Saan ako kakapit? Saan pa ako hahanap ng ikapapanatag ng loob ko na hindi tuluyang nahulog ang puso ni Dastan kay Alanis?

Si Alanis na maging ang pihikang puso ng kanyang mga kapatid at maging si Claret na marunong magbasa ng kalooban ay panatag ang loob sa kanya...

Kung hindi man ako ang nakikita ni Dastan habang ginagawa nila iyon... maaaring ang pagmamahal niya kay Alanis ng mga panahong hindi pa namin tuluyang minamarkahan ang isa't isa'y biglang nabuhay...

Buntong-hininga ni Rosh ang siyang umabala sa akin. Akala ko'y muli siyang magsasalita, ngunit naglabas siya ng kakaibang uri ng bulaklak. Hinipan niya iyon sa aking harapan at ang bango niyon ang tumangay sa akin patungo sa kadiliman.

"Sleep well again, Leticia..."

***

Ingay mula sa yabag ng kabayo at umiikot na gulong ng karwahe ang siyang gumising sa akin.

Sinapo ko ang aking noo dahil sa nararamdaman kong pagkahilo. Nang sinubukan kong magmulat, inakala kong si Rosh ang sasalubong sa akin ngunit si Hua na ang siyang nakaharap at mariin nakatitig sa akin.

Natutulog na sa kanyang kandungan si Divina.

"Natutulog ka nang dumating kami. Sinabi ni Rosh na higit mo pang kailangan ng pahinga."

Sumilip ako sa labas ng bintana. "Nasaan na tayo? Kung hindi ako nagkakamali ay dapat ay malapit na tayo sa kubo."

"Another mist, Leticia. Ngayo'y inililigaw tayo ng kagubatan. Kanina pa tayong umiikot at hanggang ngayon ay pilit sinasagot nina Nikos at Rosh ang bugtong."

Dapat sa mga oras na ito'y nagsisimula na akong kumilos at magtungo sa labas upang tulungan sina Nikos at Rosh, ngunit hindi ako mapalagay.

Hindi ko magawang utusan ang sarili kong maging maayos sa mga oras na ito. Si Dastan at Alanis lang ang siyang tumatakbo sa isip ko.

Ano ang ginagawa nila ngayon? Magkasama ba sila? Ano ang reaksyon ng mga Gazellian? Hindi ba nila nalalaman ang nangyayari sa pagitan nilang dalawa? O kaya'y sinasadya iyong ilihin ni Dastan at inakalang walang makakaalam?

Ngunit alam niya ang epekto niyon sa akin... alam kong alam niya.

Hinawakan ko ang kamay ni Hua. "Tulungan mo ako, Hua. Kailangan kong bumalik sa Parsua Sartorias..."

Suminghap si Hua. "N-Ngunit—"

Mas dumiin ang pagkakahawak ko sa kamay niya. "Alam kong may paraan ka... kahit saglit lang..."

"Alam mong mararamdaman nila ang iyong presensiya..."

"Iyon ay kung hindi mo ako ikukubli sa ibang anyo..."

Muling suminghap si Hua. "Higit kang manghihina sa ibang anyo, Leticia. Hindi mo magagawang protektahan ang iyong sarili."

"Hua... parang awa mo na. Kailangan kong makita si Dastan... kailangan ko siyang makausap. Ikamamatay ko kung hindi ako babalik..."

"Ano ang nangyari?"

Mariin lamang akong umiling sa kanya. "Hua, nagmamakaawa ako..."

"What creature?"

"Ibon. Iyon ang siyang pinakamabilis. Pangako, babalik agad ako."

"Papatayin ako nina Nikos at Rosh sa sandaling maramdaman nilang wala ka na sa loob ng karwahe." Nahihirapang sabi niya.

"Ilang minuto lamang akong mawawala, pangako."

Labag man sa kalooban ni Hua, ginamit niya ang kanyang kapangyarihan sa akin, sa isang iglap ay naging isang maliit na ibon ako na nababalutan ng puting balahibo at may natatanging isang balahibong dilaw sa parte ng aking buntot.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Where stories live. Discover now