TATLONGPU'T TATLO

6 5 3
                                    

Kabanata 33

Pang-tatlongpu't tatlo



Pebrero 27, 1993

Muntinlupa


"Kamag-anak niyo ho ba, sir?" 

Hindi ko na napansin ang mga naghahalong tinig sa boses ko dahil sa matinding takot na nararamdaman ko ngayon. Nakakuyom ang kamao ko at pinangtatayuan ng sariling balahibo dahil sa nakikita. 

Naninigas ako sa kinatatayuan ko habang nililibot ang tingin sa paligid. Nagkalat ang mga pulis at ambulansya, mga taong humahagulgol dahil sa nangyaring trahedya. Nakataob ang bus na naaksidente at kalahati ang nabawian ng buhay, kalahati pinalad dahil sugat lamang ang natamo. May mga naglulumpasay sa sahig habang kinukumpirma ang mga nakikilalang bangkay at mayroon namang nakatulala at hindi maproseso ang mga nangyayari tulad ko.

Bumagal ang paghinga ko. Isa isang gumuho ang mga pangarap na itinayo ko para sa pamilya. Pakiramdam ko nawalan ng saysay lahat ng paghihirap at kaginhawaang natatamo ko ngayon dahil sa pangyayaring ito.

"Sir? Kamag-anak niyo po?" pag-uulit ng pulis na nasa tabi ko.

Nanghihina akong tumango. "P-Pamilya ko."  lumunok ako dahil sa biglang pagpiyok. Nagsunod sunod ang pagpatak ng luha ko nang muli kong tanggalin ang puting kumot na nakatakip sa kanila. Nanginginig ang kamay ko habang hinahaplos ang mukha ni nanay. May dugo ang ulo niya't namumutla na rin. 

Pumikit ako sa sakit at pighating nararamdaman. 

Hindi ko kakayaning pagmasdan sila isa isa habang nakapikit at hindi na muling mumulat pa. Nangako ako kay tatay na hindi ko na siya pagtratrabahuhin para hindi na siya maghirap pa ngunit hindi ganito ang gusto kong mangyari. Hindi ko kailanman hiniling na maaga siyang mamahinga kasama ang mga kapatid ko't si nanay.

Nilingon ko ang duguang si Kyla at Dom, maputla na rin ang mga mukha nila katulad ni nanay at tatay. Hinawakan ko ang kamay nilang dalawa at hindi napigilan ang pagbuhos ng luha ko nang maramdaman kung gaano na ito kalamig. Bata pa sila kaya hindi dapat na nangyari ito, pinangakuan ko si Dom na ipapasok ko siya sa trabaho ko at pag-aaralin si Kyla sa kursong gusto niya. Labis ang pagsikip ng dibdib ko.

Sinubukan ko silang tawagin. "Nay..." 

"T-Tay..." pinilit kong maging matapang at matigas ngayon sa sitwasyon ngunit hindi kinaya ng katawan ko ang pagpipigil ng malalakas na hikbi.

"Kyla, Kyla... Nandito na si kuya." 

"Dom... Bumangon na kayo." pagmamakaawa ko. 

"Baka po pwede pa silang isugod sa ospital. Tulungan niyo po akong dalhin sila s-sa kotse k-ko." baling ko sa pulis na katabi. Halata ang kalungkutan sa mukha niya at ang pag-iling.

"Natignan na po sila kanina ng mga nurse at kinumpirmang wala ng buhay." lumunok siya. Nagkuyom ang kamao ko at hindi nakayanang kumalma.

"Dadalhin ko sila sa ospital! Tulungan mo ako!" nawawala sa sariling sabi ko. Patuloy ang pagbuhos ng luha ko pero hindi ko iyon ininda, nagpupuyos ako sa galit dahil sa nangyari.

"Sir, hindi na po sila-"

"Wala akong pakialam!" pakiramdam ko mapuputulan ako ng litid ng ugat sa leeg dahil sa ginagawang pagsigaw.

May lumapit na nurse sa amin. Natataranta ang mukha niyang bumaling sa akin at yumuko. "Dead on arrival po ang ilan kabilang ang pamilya ninyo, Mr. Soliva." hindi ko pinansin ang pagkilala niya sa akin bagkus mabilis ko siyang nilapitan. "Buhay pa sila! Tignan mo ulit! Tanga ka ba?" gigil kong sabi.

Emosyong Ilusyon (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon