Kabanata 15
Pang-labing lima
July 17, 1989
Laguna
"Helli, hindi ko kaya." naalarma ako agad sa aking pinagtataguan nang marinig ang mahihinang hikbi ni Jancell.
Dalawang buwan ko ng nililigawan si Jancell at sa buwang iyon ay laking pasasalamat ko dahil walang naging problema. Hindi ko alam ang rason kung bakit pinapatagal ni Jancell ang hindi pagsagot sa akin. Matagal ko ng sinabi sa kaniya na mahal ko siya, kahit nakikita kong ganon rin siya sa akin ay hindi niya kailan man pinarinig iyon.
Nang matapos ang klase namin kanina agad kong sinundan si Helli kung saan siya pupunta dahil mula noong isang linggo pa ay malamig na ang pakikitungo niya. Kung noon ay kinakausap niya ako, ngayon ay ibang iba. Humingi ng tawad sa akin si Helli sa nangyari noon ngunit ikinalulungkot ko na hindi na kami ganoon nakakapag-usap pa ng matagal.
Nagtago ako sa isang blankong silid sa likod ng paaralan. Hindi nila ako nakikita dahil nakatalikod sila ni Jancell sa direksyon ko. Napagmasdan ko kanina kung paano puntahan ni Helli si Jancell sa madalas nitong upuan kung saan ko siya sinisilayan noon. Ang usapan kasi namin kapag mas maagang natapos ang klase niya dito niya ako hihintayin.
"Ano ba Jancell! Hinayaan kitang magpaligaw sa kaniya pero hindi mo siya sasagutin, ayan ang plano natin! Akala ko ba hindi mo papakuin ang pangako natin sa isa't isa?" matapang na sabi ni Helli.
Nagtiim bagang agad ako sa narinig.
"Helli, pakiusap hindi ko kaya." pagmamakaawa ng taong mahal ko.
Mariin akong pumikit at pinigilan ang sarili sa gustong gawin. Kailangan kong makinig.
"Jancell! tigilan mo na 'yang kalandian mo! Lahat nalang ng gusto ko inaagaw mo!" nangangalaiting sigaw sa kaniya ni Helli. Agad na nag-init ang ulo ko dahil sa mga naririnig. Ang buong akala ko okay na sa kaniya ang lahat. Anong klaseng kaibigan siya?
Hindi ko kayang nakikitang umiiyak si Jancell ngayon para magmakaawa. Pinilit ko ang sariling manatili sa kinatatayuan dahil paniguradong kapag lumabas ako ay mahihinto sila sa pinag-uusapan. Gusto kong malaman ang lahat.
"Tapos ano iiyakan mo na naman ako? Jancell, tinawagan mo ako kanina para ibalita sa akin na hindi mo na kaya at sasagutin mo na si Fernand? Naririnig mo ba iyang sinasabi mo?"
"M-mahal ko siya, Helli! Noong una palang naman diba ako ang unang nagkagusto sa kaniya! Kaklase mo lang siya noon pero simula nang sabihin ko sa'yong siya ang tipo ko ipinagdidiinan mo na naman ang nangyari dati. Hinayaan kitang makuha siya Helli! Binigyan kita ng pagkakataon pero hindi ikaw ang gusto niya! Sinubukan kong pigilan dahil una palang tinanggihan ko ang panliligaw niya! Araw araw sinasabi ko sayo ang pagtanggi ko sa kaniya sa bawat araw na iniimbitahan niya akong lumabas. Araw araw lagi kang may plano sa amin! Hellina, tigilan mo na ako, ako at gusto niya at hindi i-ikaw-"
"Walang hiya ka!"
Hindi ko alam kung paano ko nagawang mabilis na ihakbang ang mga paa ko para madaluhan agad si Jancell sa kinatatayuan niya. Ramdam ko ang galit ni Helli sa pagkakasampal niya kay Jancell. Bumagsak ang luha nito nang makita ako.
"Shh, Nandito na ako." pagpapatahan ko sa kaniya. Tumango siya at bakas na bakas ang pag-aalala sa mga mata niya.
Masama kong tinignan si Helli. Nagpupuyos sa galit ang nararamdaman ko para sa kaniya at para sa ginagawa sa sarili nitong kaibigan.
YOU ARE READING
Emosyong Ilusyon (COMPLETED)
Mystery / ThrillerIkaw at ako pero walang tayo. Naranasan mo na bang maniwala? Maniwala sa mga akala. Maniwala sa mga bagay na kailanman hindi magiging totoo. Kailanman hindi magiging sa'yo. Ito'y isang kwento ng lalaking unang beses nagmahal. Unang beses naniwala...
