Sa gitna ng kuwadradong silid, umaalingawngaw ang maiingay na tinig ng mga estudyante. Bagaman maingay, mapapansin mo ang isang babaeng tahimik na nakaupo. Ang pangalan niya ay Isandra.
Isang ordinaryong araw lamang iyon para kay Isandra pero para sa kanyang mga kaklase, ang araw na iyon ay isang bagong pagkakataon upang unti-unting masira ang wasak na niyang pagkatao. Kung titingnan ang panlabas na anyo ni Isandra, 'di maipagkakait ang kagandahang nakatago sa likod ng malalaking salamin, buhaghag na buhok at maluluwang na damit.
Sa gilid ng mga mata ni Isandra, nakita niyang paparating sa kanyang kinaroroonan ang apat na naggagandahang mga babae pero ang mga ugali nito'y kabaligtaran naman. 'Di bakas sa kanyang pagmumukha ang takot at nanatili siyang kalmado ngunit ito'y parte lamang ng kanyang pagpapanggap. Pagpapanggap na 'di siya apektado at pagpapanggap na siya'y matapang. Sa kaloob-looban niya, siya'y nininerbyos at natatakot pero ano bang bago? Araw-araw ay parang siklo na 'di matapos-tapos. Pupunta siya sa paaralan na tinuturing niyang impyerno at ang mga demonyo na nasa loob ay patuloy siyang pinapahirapan at sinasaktan, at uuwi siya na ang kanyang mga mata'y mugtong-mugto dahil sa walang habas na pag-iyak.
Napukaw si Isandra mula sa kanyang pag-iisip nang biglang may kamay na malakas lumatag sa kanyang silyon at naging dahilan upang ang dating maingay na paligid ay naging tahimik.
"Isandra, Isandra, Isandra", buga ni Jane, ang lider-lideran ng apat na babae.
"Ano na naman?", walang takot na sagot naman ni Isandra.
"Huwag mo akong pagsalitaan ng ganyan. Alam na alam mo kung ano ang kaya kong gawin sa 'yo.", pagbabala ni Jane. "Nandito lang naman ako upang kamustahin ang kalagayan mo, baka kasi anumang oras ay mahimatay ka at aabalahin na naman namin ang sarili namin na dalhin ka sa animal healthca- oops".
Napuno ng halakhak at tawa ang silid na kinaroroonan nila pero walang pake si Isandra, sanay na naman siya. Sa oras na iyon, mas gugustuhin pa ni Isandra na malagay sa ibang lugar kaysa manatili sa silid na iyon kaya gamit ang natitirang lakas niya ay tumayo siya at lumabas. Habang papalabas siya sa silid-aralan ay unti-unti ring naglaho ang mga halakhak ngunit 'yon ay dahil siya ay lumalakad papalayo at hindi dahil sa nawalan na nang ganang tumawa ang kanyang mga kaklase.
YOU ARE READING
Uom
Short Storyisa, dalawa, tatlo, handa ka bang magbago? (photo used on the cover is not mine. credit to the rightful owners for the picture used)
