Kabanata 5&6: Pangarap sa Gabing Madilim at Si Kapitan Tiyago

35.3K 189 18
                                    

Kabanata 5:

Pangarap sa Gabing Madilim


Sakay ng kalesa, dumating si Ibarra sa Fonda de Lala (ito ay isang uri ng panuluyan, na tinutuluyan niya kapag siya ay nasa Maynila).  Kaagad na nagtuloy si Ibarra sa kanyang silid at naupo sa isang silyon.  Sa sinapit ng ama, gulong-gulo ang isip nito. Maya-maya ginala ang paningin sa kalawakan ng himpapawid.

Mula sa bintana, natanaw niya ang isang maliwanag na bahay sa kabila ng ilog.  Naririnig niya ang kalansing ng mga kubyertos at pinggan.  Dinig din niya ang tugtugin ng orkestra.

Kung nagmasid lamang ng husto sa bahay na iyon si Ibarra, makikita niya kung sinu-sino ang naroroon.  May isang magandang binibini na nababalot ng manipis na habi,may suot na diyamante at ginto.  Sa likuran naman may mga anghel, pastol at dalagang nag-aalay ng bulaklak.  Ang mga umpukan naman ng mga Kastila, Pilipino, pari, Intsik, militar ay nakatuon lahat sa kagandahan ni Maria Clara.  Giliw na giliw silang nakatingin sa dalaga, maliban sa isang batang Pransiskano na payat at putlain.  Iba ang kanyang nadarama.  Si Pari Sibyla ay siyang-siya sa pakikipag-usap sa mga dilag samantalang si Donya Victoria ay matiyagang inaayos ang buhok ng dalagang hinahangaan ng lahat.

Dahil sa pagal ang isip at katawan ni Ibarra sa paglalim ng gabi, madali siyang nakatulog at nagising kinabukasan na.  Ang tanging hindi inabot ng antok ay ang batang Pransiskano.

Kabanata 6:

Si Kapitan Tiyago


Ang katangian ni Kapitan Tiyago ay itinuturing hulog ng langit.  Siya ay pandak, di kaputian at may bilugang mukha.  Siya ay tinatayang nasa pagitan ng 35 taong gulang.  Maitim ang buhok, at kung hindi lamang nanabako at ngumanganga, maituturing na sya ay magandang lalaki.

Siya ang pinakamayaman sa binundok dahil sa marami siyang negosyo at iba pang klase ng ari-arian. Tanyag din sya sa Pampanga at Laguna bilang asendero, hindi kataka-taka na parang lobong hinihipan sa pagpintog ng kanyang yaman .

Dahil sa sya ay mayaman, siya ay isang impluwensyadong tao.  Siya ay malakas sa mga taong nasa gobyerno at halos kaibigan nya lahat ng mga prayle.  Ang turing niya sa sarili ay isang tunay na Kastila at hindi Pilipino.  Kasundo nya ang Diyos dahil nagagawa niyang bilhin ang kabalanan.  Katunayan, sya ay nagpapamisa at nag papadasal tungkol sa kanyang sarili.  Ipinalalagay ng balana na siya ay nakapagtatamo ng kalangitan.  Iisipin na lamang na nasa kanyang silid ang lahat ng mga santo at santong sinasamba katulad nina Sta.Lucia, San Pascual Bailon, San Antonio de Padua, San Francisco de Asis, San Antonio Abad, San Miguel, Sto. Domingo, Hesukristo at ang banal na mag-anak.

Para kay Kapitan Tiyago kahit na ano ang itakda an mga Kastila, yaon ay karapat-dapat at kapuri-puri.  Dahil sa kanyang pagpupula sa mga Pilipino, sya ay naglilingkod bilang gobernadorcillo.

Basta opisyal, sinusunod nya.  Anumang reglamento o patakaran ay kanyang sinusonod.  Sipsip din sya sa mga taong nasa poder.  Basta may okasyon na katulad ng kapanganakan at kapistahan, lagi sya mayroong handog na regalo.

Si Kapitan Tiyago ay tanging isang kuripot na mangangalakal ng asukal sa Malabon.  Dahil sa kakuriputan ng ama, siya ay hindi pinag aral.  Naging katulong at tinuruan sya ng isang paring Dominiko.  Nang mamatay ang pari at ama nito, siya’y mag-isang nangalakal.  Nakilala nya si Pia Alba na isang magandang dalagang taga Sta. Cruz.  Nagtulong sila sa pag hahanap-buhay hangang sa yumaman ng husto at nakilala sa alta sosyedad.

Ang pagbili nila ng lupain sa San Diego ang naging daan upang maging kaututang-dila roon ang kura na si Padre Damaso.  Naging kaibigan din nila ang pinakamayaman sa buong San Diego - si Don Rafael Ibarra, ang ama ni Crisostomo Ibarra.  Dahil sa anim na taon ng pagsasama sina Tiyago at Pia at hindi nagkaroon ng anak kahit na kung saan-saan sila namanata.

Dahil dito ipinayo ni Padre Damaso na sa Obando sila pumunta kina San Pascal Baylon at Sta. Clara at sa Nuestra Sra. de Salambaw.

Parang dininig ang dasal ni Pia, siya ay naglihi.  Gayunpaman nagiging masakitin si Pia, nang siya ay magdalangtao.  Pagkapanganak niya, siya ay namatay.  Si Padre Damaso ang nag anak sa binyag at ang anak ni Pia ay pinangalanang Maria Clara bilang pagbibigay karangalan sa dalawang pintakasi sa Obando, kay Tiya Isabel, pinsan ni Kapitan Tiyago, ang natokang mag-aruga kay Maria.  Lumaki sya sa pagmamahal na inukol ni Tiya Isabel, kanyang ama at mga prayle.

Katorse anyos si Maria, nang sya ipinasok sa beaterio ng Sta Catalina.  Luhaan syang nagpaalam kay Pari Damaso at sa kanyang kaibigan at kababatang si Crisostomo Ibarra, pagkapasok ni Maria sa kumbento, si Ibarra naman ay nagpunta na ng Europa upang mag aral.

Gayunman, nagkasundo sina Don Rafael at Kapitan Tiyago na maski nagkalayo ang kanilang mga anak.  Pagdating ng tamang panahon silang dalawa (Maria at Crisostomo) ay pag iisahing dibdib.  Ito ay sa kanilang paniniwala na ang dalawa ay tunay na nag-iibigan.

Ang Buod ng "Noli Me Tangere"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon