Chapter 1 – Evaluation Form
"And as I watch the candle burn this night away, my life collects another yesterday," nakapikit habang sinasabayan ni Mosy ang tugtog na naririnig niya sa kanyang Walkman cassette player. Ilang araw na rin niyang pinagsasalit-salitan ang Side A at Side B ng bagong paborito niyang banda, ang Rivermaya.
"Mosy, Anak! Bumaba ka na rito. Kumain ka na muna ng almusal," sigaw ng nanay niyang si Ma'am Angela, isang English teacher.
Mag-isang itinaguyod ni Ma'am Angela si Mosy dahil maagang namatay ang asawa nito sanhi ng aksidente. Bago mamatay ang ama ay pinipilit pa rin niyang magtrabaho kahit na siya ay nakararanas ng Dementia. Napag-alaman na meron pala itong Alzheimer's Disease. Isa itong sakit kung saan unti-unting nawawala ang ala-ala ng isang tao dahil sa pagkamatay ng mga cells sa utak. Isang gabi, naabutan na lang nila ang bangkay nito sa gilid ng kalye. Ang sabi ng mga naka-saksi ay parang wala raw ito sa sarili at biglang tumawid kaya nasagasaan ng isang kotse. Mabilis na tumakas ang sasakyan at hindi nakulong ang nakabunggo.
"Ma, ano'ng pagkain?" usisa ng dalaga. Abot tenga ang ngiti niya nang makita niyang may pancake. "Ayun! Favorite!"
"Sa darating na eleksyon, 'wag kalilimutan. Ang Dirty Harry ng Maynila, walang iba! Mayor Fred Lim!" sigaw ng lalaki sa mikropono. Parehong napasilip sa bintana ang mag-ina para tanawin ang mga taong nag-uunahang makipag-kamay sa mamang puti ang buhok.
"Akala ko naman kung ano na!" pagalit na komento ni Ma'am Angela. "Anak, buksan mo nga 'yung radyo. Makikinig lang ako ng balita," utos nito sa anak.
"Ma, hindi ba kayo nagsasawa? Pare-pareho lang naman ang balita, si Flor Contemplacion, Abu Sayyaf, eleksyon, at saka rally ng mga laban sa U.S." inis na sagot ni Mosy. "Makinig na lang tayo sa FM," suhestyon pa niya.
"Naku, hayaan mo na. Gusto ko lang malaman kung sino na ba ang nangunguna sa survey," pagpupumilit ng ina.
"Sige na nga. Pero Ma, mamaya, pupunta ulit ako sa coffee shop sa Ongpin ha? Tatambay lang ako," paalam ni Mosy sa ina.
"O sige. Basta 'wag ka lang magpapa-gabi ha. Bakit ba ang hilig mo pumunta do'n? Siguro nakikipag-kita ka sa boyfriend mo 'no?" tanong ng ina.
"Ma, kung may boyfriend man ako, sasabihin ko sa'yo. Ang kaso wala talaga! Wala ngang nanliligaw sa'kin eh, boyfriend pa kaya?" pagtatanggol nito.
"Aba! Bakit wala? Anak, ang ganda-ganda mo! Sexy! Maputi! May topak nga lang," pambubuska ng ina.
"Eh kasi naman kung hindi mo ako ginawang home-schooled, baka naka-sampung boyfriend na ako! Tingnan mo tuloy, halos iilan lang ang kakilala ko!" pareklamong sagot ni Mosy.
"Gustuhin ko man, anak, alam mo namang napaka-sakitin mo noong bata ka kaya nagdesisyon ako na dito ka na lang sa bahay. At least, hindi ka mahihirapan dito. Mabuti na nga lang at noong nagdalaga ka na ay halos hindi ka na nagkakasakit," malungkot na paliwanag ng ina.
"Asus! Tama na! Baka magka-iyakan pa tayo dito." paglalambing ni Mosy na sinabayan ng yakap sa ina.
Bandang alas-dos ng hapon, dumating si Mosy sa coffee shop na nasa Ongpin. Bitbit nito ang isang libro na nasa loob ng maliit na sling bag. Pagbukas pa lang ng pinto, sinalubong na kaagad siya ng bati ni Renz, ang nag-iisang crew ng coffee shop. Simple at maliit lang ang shop na ito. May walong mesa na gawa sa kahoy na may tig-dadalawang upuan. Malalaki ang bintana nito at halos puti lang ang pintura kaya napaka-liwanag sa loob. May mga estante rin sa magkabilaang dulo na may nakapatong na iba't ibang hugis at laki ng cactus. Dito madalas tumambay ang dalaga tuwing hapon para magbasa. Kadalasan ay hindi naman napupuno ang shop kapag mga ganitong oras kaya tahimik at hindi siya naiistorbo. Binalikan niya ng ngiti ang lalaki sa likod ng counter.
"Ma'am, same order po?" tanong ni Renz.
"Yes, please!" naka-ngiting sagot ni Mosy habang dinudukot ang wallet sa bag. Ini-abot nito ang bayad saka naupo sa isang sulok.
Pagkatapos maipwesto ang sarili, ibinalik niya ang kanyang wallet sa bag saka kinuha ang librong bitbit. Mukhang luma na ito dahil sa kulay at gusot na mga pahina. Binuksan niya ito sa kalagitnaan na may tinuping pahina bilang tanda bago sinimulang basahin.
Mga ilang minuto ang nakalipas, isang sasakyang itim ang pumarada sa harap ng shop. Bumaba ang may-ari nito na mukhang mayaman, chinito at may katangkaran. Nakasuot ito ng light blue na polo shirt, khaki na pantalon, at puting low-cut rubber shoes. Nahinto si Mosy sa pagbabasa at sinipat ang papasok na lalaki. "Ang presko," bulong nito sa sarili. Agad namang dumiretso ang lalaki sa counter.
"Bro, kumusta?" aniya.
"Okay naman, Bro. Medyo hindi lang talaga ma-tao kapag ganitong oras. Bakit ang aga mo yata?" tanong ni Renz sa kausap.
"Eh, maaga kami na-dismiss ng prof namin kaya dumiretso na ako dito," sagot nito. Umikot sa paligid ang paningin niya at napansin niya ang isang babaeng nakaupo sa sulok na abala sa pagbabasa. "Bro," sambit nito sabay pasimpleng nguso sa babae.
"Ah, regular customer natin 'yan 'pag ganitong oras. Laging nagbabasa ng libro 'yan tapos palaging Java Chip 'yung order pero 'di ko alam ang pangalan. Bakit, bro? Interested ka?" pag-uusisa ni Renz.
"Bro, bulag ka ba? Nasa harap mo ngayon ang future Mrs. Reyes, ang magiging ninang ng future anak mo," natatawang sambit ni Art habang nakatitig sa babae.
"Puro ka talaga kalokohan!" sagot ni Renz habang pailing-iling.
"Seryoso, tinamaan ako dito!" sabay turo sa kanyang puso. "Bro, can't you see her face? That's the most perfect face I've ever seen! Tapos sobrang puti pa. Tapos anong sabi ko sa'yo? 'Di ba sabi ko ang lakas ng dating sa akin ng babaeng pixie-cut 'yung buhok?" sunod-sunod na paliwanag nito. "Isa na lang! Kailangan kong malaman kung white ang favorite color niya," dagdag pa nito.
Itim ang gustong kulay ni Art at naniniwala siya na sign na nakilala na niya ang babaeng para sa kanya kung puti ang paboritong kulay nito.
Sumagot si Renz, "Eh 'di lapitan mo. Ask her name."
"Bro, paano? Kinakabahan ako! Kailangan 'di ako sumablay dito," pag-aalala nito.
Ini-abot ni Renz ang isang papel, isang evaluation form ng coffee shop sabay sabing, "Ito!"
Nagkatinginan ang dalawa at hindi mapigilang umabot sa tenga ang ngiti ni Art. Halatang nagka-intindihan ang dalawa.
YOU ARE READING
Sa Susunod Na Habang Buhay
RomanceSa mundong bilang lang ang bawat oras para makasama ang taong mahal na mahal mo, handa ka bang pigilan kahit ang tadhana na gusto kayong paghiwalayin? Sa kwentong ito, masusubukan ang pagmamahal ni Art para kay Mosy sa sandaling mawala sa kanya ang...
