Trip
Pinatay ni Cameron ang kanyang cellphone at iniwan iyon sa kanyang kwarto. Kinuha niya naman ang isang maliit na bagahe at tuluyan nang lumabas ng condominium. Imbes na sa elevator bumaba, bumaba siya sa emergency exit para hindi masyadong makaagaw ng atensyon.
Nang makarating sa baba, sinuot niya ang kanyang hoodie at lumabas sa side entrance ng building. Naglakad siya palayo bago pumara ng taxi saka nagpahatid sa airport. Nakayuko lamang si Cameron buong biyahe, pero maya't maya'y tumitingin sa bintana para hindi siya paghinalaan ng driver.
Mag-aalas onse na ng gabi ng makarating siya sa airport at ilang minuto na lang, magbo-boarding na ang kanyang sasakyang eroplano. Hindi siya nagmadali dahil baka lalong makaagaw atensyon.
Noong nakasakay na si Cameron sa eroplano, doon pa lang siya nakahinga nang maluwag. Sinuot niya muli ang kanyang hoodie pagkatapos itong tanggalin kanina sa security check. Masuwerte siya dahil wala masyadong tao sa mga oras na iyon. Palihim siyang ngumiti. Lagot na naman siya sa manager niya ngunit wala siyang pake ngayong nakasakay na siya. Poproblemahin niya na lang ang lahat pagbalik niya sa Maynila.
...
Kinabukasan
"Nay, dalhin ko ba itong basket o 'yung isa?"
"'Yan na lang dahil medyo marami tayong ipamimili." tumango si Rian at pumunta na sa pinto para magsuot ng sandals, hawak-hawak ang basket.
"Anong mga ulam ang lulutuin natin ngayon?"
"Menudo, fried chicken, pancit canton, sinigang na bangus..."
"Lalo akong magugutom nito."
Binato siya ng maliit na tuwalya ng kanyang nanay, "Ba't ka pa kasi nagtanong?" nagsitawanan sila.
Pagkalabas nila ng bahay, binati agad sila ng mga kapitbahay na naghahanda na ring magtrabaho. Ang iba ay papunta sa palaisdaan para mamingwit habang ang iba'y papunta sa palengke para magtinda. Si Rian at ang kanyang ina na si Julia ay papunta sa bayan para mamalengke nang mabuksan ang kanilang karinderya.
Habang naglalakad, hindi mapigilan ni Rian na ngumiti. Nakatingin siya sa tanawin sa kanyang kanan. Mag-aalas sais na ng umaga, kaya pataas pa lang ang araw. Ang daang tinatahak nila halos araw-araw ay may magandang bangin pero dahil nasa tagong lugar ito, iilang turista lamang ang nabisita para kumuha ng litrato. Dito makikita ang kumikinang-kinang na kulay bughaw na tubig alat at iilang malaking bato at munting mga isla sa gitna nito.
Habang naglalakad ang dalawa pababa ng bundok, may tumawag sa kanila mula sa likod. "Good morning, Tita Julia! Good morning, mahal kong Yan!" tumingin sila sa likod at nakitang kumakaway si James na nagmamadaling lumalapit sa dalawa. Isa ito sa mga anak ng kapitbahay na taga-akyat ng mga puno ng buko na nilalako niya sa bayan.
"Che! Tigilan mo nga ang anak ko, James. Ilang beses ko ba sasabihin sa'yo na ayaw ni Rian sa'yo?"
"Tita naman, hayaan mong si Yan ang magsabi sa-"
"Ayoko nga sa'yo, James." napahawak si James sa kanyang dibdib.
"'Wag naman ganito, Yan. Hayaan mo akong mahalin ka."
"Style mo bulok," sagot ng nanay ni Rian. Tumawa ang kanyang anak at tumingin ulit ito sa magandang tanawin.
Tumawa si James at inakbayan si Julia, "Joke lang naman, Tita! Pero kailan nga ba magjojowa si Yan? Tapos na naman siya sa pag-aaral. Pwede na siyang mag-asawa sa edad na 'yan eh."
"Depende na sa kanya 'yun." ngumiti lamang si Rian.
"Basta kapag naisipan na ni Yan na magjowa, ako dapat ang una sa listahan," biro ni James. Tinampal ni Julia ang nakaakbay na kamay ni James at binilisan ang paglalakad.
YOU ARE READING
She Saved Me
RomanceA well-known Filipino actor known by the name of Cameron Cruz went to a distant province to get away from the prying eyes of the public. He was saved by a woman who doesn't know him after she saw what looked like an attempt to take his life. He gets...
