"Kaiba siya kumpara sa natitirang mga larawan. Ang iyong estilo'y naririto pa rin kaya hindi ito nagawang mapansin ni Naha, ngunit kung pagmamasdan ang kabuuan ng lahat ng larawan, ang isang ito'y tila ibang mensahe ang nais ipahiwatig, Haring Thaddeus."

Kung ang karamihan sa kanyang gawa ay magagandang lugar mula sa iba't ibang parte ng emperyo, ang siyang nasa harapan namin ay tila isang anino.

Sa unang tingin ay aakalain mong isa lamang iyong maliit na kubo sa tabi ng isang puno, pero kung matalas ang iyong mata at sana'y katulad ko na pagmasdan ang bawat parte at detalye ng isang gawang kamay, agad makikita na isa iyong anino ng lalaki na tila nagtatago at may pilit na tinanaw habang nakasilip sa isang bintana.

Saglit akong lumingon sa hari na hanggang ngayon ay nakatitig sa larawang siyang aking napili.

"Alam kong ang bawat itinakda sa aking mga anak ay may kani-kanilang klase ng mga matang espesyal lamang sa bawat partikular na larawang nilikha ko..."

Agad kong nakuha ang siyang ibig sabihin ni Haring Thaddeus, ang mga larawang naririto ay may sariling buhay at kusa lamang ito magpaparamdam sa tamang mga mata. Hindi ito nagawang mapansin ni Naha dahil ang larawang ito'y nakatakdang ang aking presensiya lamang ang kikilalanin.

Hindi ko mapigilang yakapin muli ang sarili ko habang nakatitig sa hari. Mula sa pinakamaliit na detalye'y tila planado na niyang lahat. Ganito katalino at kalakas ang tinitingalang hari ng Sartorias, na hindi ko maiwasang ilang beses itanong sa hangin kung bakit hinayaan niyang maagang matapos ang kanyang buhay.

"May nais ka bang itanong sa akin, Mahal na Diyosa ng Buwan?" kaswal na tanong ng hari.

Sa mga nagdaang itinakdang babae sa bawat Gazellian, sa paanong paraan nila nagawang panatiling nakatindig ang kanilang mga binti sa harap ng mahiwagang haring ito? Sa paanong paraan sila nakapagsalita ng tuwid at sa paanong paraan nila napanatag ang pintig ng kanilang puso?

Napakamakapangyarihan ni Haring Thaddeus na maging ang diyosang katulad ko ay hindi mapigilan ang panliliit.

"M-Mahal na hari, alam kong ang aking katanungan ay hindi mo na kailangan. Sapagkat sa sandaling tumapak na ang aking mga paa rito ay nalalaman mo na ang aking pakay. Ang sitwasyon ko at ang kasalukuyang hari ng Sartorias ay..."

"Ang aking magiting na panganay..." sumilay ang tipid na ngiti sa labi ng hari.

Yumuko ako at pinagsalikop kong muli ang mga kamay ko. Mariin kong pinisil ang aking sarili. Kung sana'y narito si Dastan sa piling ko habang kaharap ang kanyang ama, siguro'y hindi ganito lubos kabigat ang nararamdaman ko.

"Ako'y kilala nang kriminal mula sa dalawang mundo. Sa mundong kung saan ako isinilang at sa mundong kumupkop sa akin. Ang punyal..." nakagat ko ang pang-ibabang labi ko pero sa huli'y muling kumawala ang hikbi ko hanggang sa masapo ko ng aking mga palad ang mukha ko dahil sa tuloy-tuloy na pagtulo ng aking mga luha.

"N-Nasaksak ko po si Dastan... nasaksak ko po ang lalaking pinakamamahal ko... ng mga kamay na ito..." halos hindi ko magawang titigan ang mga palad ko na ngayo'y napupuno ng aking mga luha.

Tila ako'y nakakakita ng dugo sa mga iyon.

"Wala na akong nagawang tama, lagi na lang pagkakamali..." walang tigil sa pagyuyog ang aking mga balikat habang hindi ko na magawang tingnan iyong mga kamay ko.

Habang nasa ganoon akong sitwasyon naramdaman ko ang paglapit sa akin ng hari at ang marahan niyang paghawak sa mga kamay kong nababasa ng luha.

"Ang iyong pagsilang ay isa nang malaking regalo hindi lang sa anak ko, kundi sa kapakanan ng hinaharap ng Sartorias. Marahil ay ika'y nahihirapan ngunit nasisiguro kong darating ang araw ay lubos ka ring sasaya, Diyosa ng Buwan..."

Moonlight War (Gazellian Series #5)Where stories live. Discover now