Sa tahimik at malawak na silid ika'y nadatnan, tanging ang mga tunog ng mga aparato ang bumabasag sa katahimikang ating nadarama. Tanaw na tanaw ko ang malalagkit na tingin mo sa dilag na nakaratay sa harap mong kama na tila, kayo ay nasa isang mundo ng kuwento na kayo lamang ang nabubuhay.
Iyong hinawakan nang maingat ang malambot niyang kamay na para bang 'di mo na ito pakakawalan. Ang iyong mga mata'y may mga ipinapahiwatig sa walang malay na iyong iniirog subalit, ang mga makahulugang titig mong iyon ang nagpapakirot sa aking pusong nagdadalamhati.
Kung naging maagap lang ay 'di mo na sana nadarama ang kalungkutang bumibiyak sa iyong puso. Kung maaari ko lamang pawiin at angkinin ang kahapisang dinadamdam mo'y aking gagawin subalit 'di na maaari.
Paulit-ulit kong sinusulyapan ang maaamo mong mga mata na nakatitig pa rin sa kanya. Kalungkutan at kadiliman ang bumalot at ang mga luhang iyong pinipigilan ay kusa na lamang bumuhos nang 'di mo namamalayan.
Hanggang ngayo'y di ko pa rin maaninag ang masasayang alaala na ating nabuo nang magkasama, bagkus ang sakit na iyong dinaramdam ay aking ramdam na tila, isang ulan na paunti-unting bumubuhos at dumadaloy sa puso mong patuloy pa ring umaasa.
Iyong ipinikit nang dahan-dahan ang iyong nangungusap na mga mata at idinampi ang malambot niyang kamay sa iyong mapupulang mga labi na para bang ika'y bumubulong ng panghabambuhay na pangako.
"Lagi mo akong pinag-aantay ngunit patuloy pa rin akong maghihintay," ang matamis na mga katagang iyong binitawan sa kanya, na para bang isang masarap na musikang dumadaloy sa tainga ng bawat dilag na makaririnig ngunit, ang mga katagang iyon ay isang mahaba at matulis na tinik na unti-unting tumutusok sa duguan kong puso. Sadya nga bang malupit sa atin ang tadhana? o aking pinagmalupitan ang matamis mong hangarin? Ang tanging natitiyak ko ngayon ay 'di ko na hawak ang puso mong nangungulila at 'di ko na maaaring punasan ang mga mata mong lumuluha ng dahil sa akin.
Iyong binitiwan ang kanyang kamay sa malambot na kamang kanyang kinahihigaan at ika'y kaagad na tumayo sa silyang iyong kinauupuan. Muli mong idinampi ang iyong mga labi sa noo ng iyong iniirog at ika'y muling nagwika: "'Di kita iiwan, mananatili lamang ako sa iyo," ang patuloy mong bulong sa kanya.
Ilang sandali'y biglang bumalik sa akin ang lahat ng ating nakaraan na sana'y matagal ko na lamang ibinaon sa limot. Ang mga panahon na tayo'y nagkita at nagkakilala. Mga pangyayaring tila isang malawak na panaginip na hindi ko inaasahang magiging bangungot ko habambuhay.
"Nate" ang unang binigkas mo nang ika'y magpakilala sa akin. Nasa kolehiyo tayo nang muling magtagpo ang ating landas. Magkaklase tayo sa isang asignatura nang ika'y magpakilala, panay ang pangungulit mo sa akin ng mga panahon na iyon at 'di mo ako tinigilan maging sa loob at labas ng unibersidad.
"Nate, Nathan Alverez" ang maikli ngunit makahulugan mong pagpapakilala habang, nakalahad ang kanang kamay mo sa akin upang makipagkamay.Hindi kita pinansin at nagpatuloy lamang ako sa pagbabasa ng aking libro. Ang akala ko'y titigilan mo na ako subalit nagkamali ako. Sino bang matinong dilag ang makikipagkilala at makikipagkamay sa isang binatang bigla na lamang sumulpot? Bigla ka na lamang umupo sa tabi kong bakanteng silya at gayon na lamang ang pangungulit mo sa akin ngunit, 'di ko pa rin binabaleng ang atensyon ko sa iyo. Nagulat na lamang ako nang kunin mo palayo ang librong aking binabasa.
"Ganiyan mo ba tratuhin ang isang matagal nang kakilala, Charlie?" ang iritableng tanong mo sa akin.
Nagsalubong ang dalawa kong kilay na tila di rin natuwa sa iyong inasal ngunit, mas ikinagulat ko ang pagtawag mo sa aking ngalan. Madalang lang sa mga kakilala ko ang nakakaalam sa palayaw kong iyon. kung kaya't labis akong nagtaka kung papaano mo natuklasan ang palayaw kong iyon? Nais sana kitang tanungin ukol doon subalit bigla na lamang dumating ang propesor na naatasang magturo sa atin.
DU LIEST GERADE
Laro ng Nagdaan
SonstigesKarapatang-ari © 2020 ni RfdCrdn Reserbado ang lahat ng karapatan. Walang anumang bahagi ng nobela na ito ang maaaring gamitin o kopyahin sa anumang paraan nang walang nakasulat na permiso mula sa mga hawak ng karapatang-ari Hanggang kailan makakala...
