MASAMANG tingin ang ipinukol sa kanya ni Joana nang makita siya. Alam niyang malaki ang tampo nito sa kanya dahil halos ilang buwan siyang hindi nagparamdam sa kaibigan at ito ngayon na problemado siya ay tsaka niya lamang ito lalapitan.

"Naiinis ako sayo Emily," panimula nito. "Dapat malakas ka lalo na sa ganitong sitwasyon. Paano kapag nakita ng kapatid mo yang iyak-iyak mo na yan?" dugtong nito at sumulyap kay Emmanuel na mahimbing ang tulog.

Nang tawagan niya si Joana kanina at sabihin niya ang nangyari ay madali nitong sinabi na pupuntahan siya. Ngayon ay kasama niya si Joana sa ward at nakatatanggap siya ng sermon.

Yumuko siya at suminghot. Wala na yata siyang ginawa kundi ang umiyak ng ilang linggo at isipin kung bakit ang daya ng mundo. Hindi na niya alam paano iaahon ang sarili at paano maaalagaan ang kapatid.

"J-Joana pigang-piga na ako, baka sa susunod na linggo ay hindi na kami asikasuhin ng ospital." aniya sa mahinang hikbi.

Naiinis na nagkamot naman ng ulo si Joana at muli na masamang tingin ang ibinigay sa kanya.

"Nung huli tayong nagkita may sakit ang kapatid mo. Ngayon naman Emily nabundol," wika nito.

Patuloy siya sa pag-hikbi. Hindi na niya alam ang gagawin. Hindi na niya maisip kung sino pa ba ang dapat niyang lapitan o hingian ng tulong ganitong sigurado siyang malulubog siya ng gastos sa ospital.

"Wala ka bang health card? Baka pwede mo naman 'yong magamit para sa kapatid mo. Bakit ka naman kasi nag-awol ang ganda na ng kompanyang napasukan mo Emily, umalis ka pa!" sermon nito sa kanya.

"H-hindi ako nag-awol."

"Eh, ano?"

"Binenta ko ang cellphone ko kaya hindi na ako nakatawag kay Sir Liam," paliwanag niya

Huminga ng malalim si Joana. "Ang sakit mo sa ulo Emily sana tinawagan mo sa telepono!"

Hindi na niya naisip pa iyon. Sigurado din naman siya sa sarili na hindi na niya mapapakiusapan pa ang W.I., lalo na si Liam dahil patas ang trato nito sa mga empleyado nito. Naiisip niya rin na hindi porket naka-trabaho niya noon sa BMagz ito at naging secretary pa siya nito sa W.I ay madali siyang matutulungan dahil may pinagsamahan sila.

Walang duda naman na ang nasa isip ngayon ni Liam ay nag-AWOL nga talaga siya dahil halos hindi na siya bumalik at kumontak pa para sabihin ang naging problema niya.

"Anong gagawin mo ngayon niyan?"

"Uutang ako sayo," walang gatol na sabi niya.

Bagsak ang balikat ni Joana na tumingin sa kanya.

"Mapapautang kita pero sasapat ba yon Em?" tanong nito.

Huminga siya ng malalim at pinunasan ang luha na nagkalat na sa kanyang magkabilang pisngi.

"Mag-aapply ako sa club, Jo."

Laglag naman ang panga at nanlalaki ang mga mata ni Joana sa narinig nito sa kanya.

"Nagiisip ka pa ba Emily? Puntahan mo si Liam! Puntahan mo ang boss mo at makiusap ka," wika nito. "Nakakainis ka. Ang daming pwedeng paraan. Sasayaw ka sa club? Hihimas-himasin ka ng mga lalaki doon, gusto mo ba ng ganoon Em? Paano kung tarantado ang makasalamuha mo sa club at bigla ka nalang patungan? Imbis na si Emmanuel lang ang kargo mo baka mabuntis ka pa ng kung sino. Mag-isip ka!"

Tama ito. Mas kailangan niyang isipin ang maghanap ng paraan na hindi niya madudungisan ang sarili lalo na ang pagkatao niya. Nawawala na siya sa isipin na dapat sa maayos pa rin na paraan siya makakahanap ng solusyon.

✔#1 Claimed by William FontalejoWhere stories live. Discover now