Prologue

36 2 0
                                        

"Inay, hindi po ba natin ililipat itong cabinet sa gawing iyon para ho sana magkasya 'yong ref?" Tanong ko kay nanay habang nakahawak sa kulay berdeng cabinet na binili niya noong bata pa lang ako.

"Iniisip ko nga 'nak, kung sa kusina ko ba ilalagay o sa banda rito." Itinuro niya ang sala. "Pero nakaharap nang kaunti sa lamesa para mukha talagang parte ng kusina natin."

"Kayo po ang bahala, inay."

Napahawak siya sa noo dala ng pagod. "Hayaan mo na nga ang tatay mong mag-ayos n'yan. Nakakapagod ang araw na 'to." Napatawa kami parehas.

Kanina pa kaming umaga nag-aayos dito sa bahay. Paano, may binili daw na bagong ref si tatay. Padala daw ni ate galing Maynila. Usapan namin ni nanay, iuurong lang sana namin 'yung cabinet para sana magkasya ang ref. Pero sa huli, 'yon pa ang hindi namin nagawa. Naglinis lamang kami nang naglinis kanina. "Oh, Isay. Hindi ka pa ba tutungong Bayan?"

Napatingin ako sa orasan, "Ay, oo nga nay, ano." Alas kwatro na ng hapon. Kailangan ko nang pumuntang bayan. "O siya, nay. Aalis na ho ako. Pakiantay na lang si tatay dito. Kayo po ay mag-iingat dito. Isara po ninyo ang pinto." Bilin ko kay nanay.

Palagi kasing nakakalimutan na i-lock ang pinto pag umaalis ako kaya paminsan ay nagrereklamo na nakakapasok ang manok ni tatay o kaya minsan ay si Goso, iyong aso naming aspin.

Tuluyan na akong humakbang palabas ng bahay. Pinagmasdan ko ito... onti nalang, mapapaayos ka na rin namin. Sadyang nabaon lang sa pagkakautang sila inay kaya't ang mga sahod ng mga nakatatanda kong kapatid ay napupunta lahat doon at kaunti lang ang natitira sa amin.

Dalawang taon pa lang si Kuya Nunong sa pagbabarko. Maigi at nakasakay kaagad, sa awa ng Diyos.

At ang panganay naman namin na si Ate Tina ay kakaluwas lang ng Maynila noong nakaraang buwan. Ini-assign siya ni Sir Baste sa resort nila sa Maynila dahil sa galing niya sa Wikang Ingles at bakas sa kanya ang pagiging matalino lalo na pagdating sa trabaho.

Si Sir Sebastian Villaluz, o Baste kung papaikliin, ay ang may pinakamalaking Hacienda dito sa Brgy. San Isidro. Nagtrabaho si tatay sa kanila sa loob ng 15 taon. Dati ay nag-aani siya ng mga mais na tanim sa bukid sa loob ng Hacienda ngunit nang mapangasawa niya si Inay ay pinili nilang magtanim na lamang sa loob ng bakuran namin at tuloy tuloy nang lumago ang mga tanim at naipagbibili na sa Mercado (palengke) hanggang ngayon.

Bago pa lang makapagtapos si Ate Tina sa kolehiyo, tinututukan na siya ni Sir Baste dahil nakitaan ni Sir Baste si Ate ng katalinuhan noong mga panahong nasa High School pa lamang siya dito sa loob ng Barangay namin noong sumali siya sa pageant. Kaya't nagkaroon ng tyansa si Ate Tina na mabigyan ng scholarship ng mga Villaluz, ngunit ang kapalit nito ay ang pagtatrabaho sa resort nila sa Maynila. Mataas ang respeto namin sa mga Villaluz, kaya kahit ako hanggang ngayon, ay nakadikit sa kanila.

Magandang unibersidad 'yong napagtapusan ni Ate. Private University 'yon dito sa Bayan ng Santa Clara. Liceo de Natividad University. Iyan ang pangalan ng unibersidad na pinag-aralan niya na maraming branches sa buong Pilipinas. Isa ito sa mga nangungunang unibersidad sa bansa kaya't mahal ang matrikula.

Hindi kakayanin ng pamilya namin, o kaya't gagapang muna kami sa hirap bago namin mapagtapos si Ate Tina sa ganun kagandang eskwelahan pero dahil sa tulong ng mga Villaluz, nagkaroon ako ng ateng Licensed Management Accountant.

Dahil nga bundok itong Barangay namin sa San Isidro, hindi kakayanin ng pabalik-balik sa maghapon kung palagi akong uuwi sa bahay habang nag-aaral ako. Siya nga pala, kolehiyo na ako. 1st year, Hospitality Management. Dahil iyon lang ang kursong ino-offer malapit sa field ni Ate, limitado kasi ang mga kurso sa kolehiyo na pinapasukan ko. Community college 'yon at Public University pero mayaman 'yon sa kasaysayan lalo na at iyon ang pinakaunang unibersidad dito sa Santa Clara. Pamantasang Lungsod ng Santa Clara o PLSC.

RespitedWhere stories live. Discover now