Kinapa niya ang Obus sa bulsa sa kanyang pantalon. Palagi niya iyong dala upang manatiling buhay ang alaala ni Aquano. Inilabas niya iyon at tiningnan. Sa loob ng isang taon na nasa kanya iyon ay hindi niya iyon isinuot kahit minsan. Hindi niya alam pero nang oras na iyon ay isinuot niya ang kwintas na nagbibigay ng paa kay Aquano.

Labis siyang nagulat nang pagsuot niya ng Obus ay biglang nanginig ang kanyang mga binti. Nabuwal siya at napaupo sa buhangin. Nahihindik na napatingin siya sa kanyang paa. Nagliliwanag iyon at unti-unting nagdidikit! Tumindi ang liwanag at nang mawala iyon ay namangha siya nang makita niyang nagkaroon siya ng buntot ng isang sireno! Kulay orange iyon at makintab.

"S-sireno na ako?" hindi makapaniwalang bulalas ni Andru. Namamangha na iginalaw niya ang kanyang buntot.

Tiningnan at hinawakan niya ang Obus. Ibig sabihin ay ito ang epekto nito sa isang tao na magsusuot nito-magiging isang sirena o sireno.

Muli siyang napatingin sa dagat. "Siguro ay ito na ang pagkakataon para magkita tayong muli, Aquano. Kung noon, ikaw ang pumunta sa mundo ko... ngayon naman ay ako ang pupunta sa mundo mo..." aniya at hinubad na niya ang kanyang suot na damit at gumapang papunta sa tubig.

Nang nasa tubig na siya ay naglangoy na siya pailalim. Sumisid siya at labis siyang namangha nang malaman niyang nakakahinga at nakakapagsalita siya sa ilalim ng tubig.

Lumangoy siya nang lumangoy. Tuwang-tuwa siyang nakisabay sa paglalangoy ng makukulay na mga isda. Parang bata na naglaro siya sa mga corals doon. Nang mapagod na ay huminto muna siya.

"Paano ako makakapunta sa sa Aquatika kung hindi ko naman alam ang papunta doon?" aniya habang kakamot-kamot sa ulo.

'Bahala na nga!' At muli siyang lumangoy ng walang patutunguhan. Binilisan pa niya ang paglangoy at dahil sa bilis niya ay isang balyena ang kanyang nabangga.

"Mag-ingat ka naman, sireno!" inis na turan sa kanya ng balyena.

'Ha? Pati salita ng balyena ay naiintindihan ko! Cool!' Manghang sabi niya sa sarili.

"Naku, pasensiya ka na, balyena. Nagmamadali kasi ako..." paghingi niya ng paumanhin dito.

Inirapan lang siya nito. "Sa susunod kasi, magdahan-dahan ka!"

Naisip ni Andru na tanungin ang naturang balyena tungkol sa Aquatika. "Ako nga pala si Andru. Hinahanap ko kasi ang Aquatika. Alam mo ba kung paano ang papunta doon?"

"Andru? Palagi kong naririnig ang pangalan na iyan kay Aquano! Pero ang tinutukoy niyang Andru ay isang taga-lupa at walang buntot na tulad mo-"

"Kilala mo si Aquano?" Nanlalaki ang mga mata na tanong niya.

"Oo! Kaibigan ko siya, eh."

"Kung ganoon, nasaan siya?"

"Nasa Aquatika. Teka, sino ka ba?"

"A-ako ang Andru na sinasabi niya sa iyo. Ako ang taong iyon! Naging sireno lang ako dahil dito sa Obus!"

"Ang Obus!" bulalas ng balyena.

"Parang awa mo na balyena. Dalhin mo ako kay Aquano. Gustung-gusto ko na siyang makita..."

Napansin niya ang biglang paglungkot ng balyena. "Hindi yata maaari ang iyong nais, taga-lupa. Matagal nang bihag ni Reyna Amafura si Aquano kasama ang kanyang ina at ama..." anito.

"A-ano bang sinasabi mo?" naguguluhang tanong ni Andru.

"Halos isang taon na ang nakakaraan nang magkasakit ang Haring Pirano at Reyna Alona, sila ang magulang ni Andru. Sinamantala ni Reyna Amafura ang pagkakataong iyon. Pinakita niya sa mamamayan ng Aquatika na hindi na kayang mamuno ng hari at reyna. Sa boto na rin ng mga sireno at sirena at dahil wala si Andru ay siya na ang namuno sa buong Aquatika. Inutusan ako ni Reyna Amafura na pabalikin si Aquano sa Aquatika. Sinabi niya na kapag hindi ko iyon nagawa ay papatayin niya ang aking ina. Sa takot ko ay nagsinungaling ako kay Aquano. Sinabi kong may sakit ang mga magulang niya. Bumalik siya sa Aquatika pero ikinulong lang siya ni Reyna Amafura kasama nina Haring Pirano at Reyna Alona..." mahabang kwento ng balyena.

Ang Asul Na Buntot ni AquanoWhere stories live. Discover now