Ihip

65 5 4
                                    

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

Do not distribute, publish, transmit, modify, display, or create derivative works from or exploit the contents of this story in any way. Please obtain permission.

PLAGIARISM IS A CRIME.

-

Walang sinuman, kahit ako, ang makapagsasabi kung saang direksyon umiihip ang hangin. Naglalakbay ito saan man niya naisin. Marami siyang dinadaanan; marami siyang pinatutunguhan. Hindi man nakikita, hindi man nahahawakan, nandito siya--nasa lahat ng dako; nasa lahat ng lugar.

Kalakip ito ng paghinga. Tulad ng pagtibok ng puso, nagbibigay ito ng buhay. Hindi man madalas mamalayan, lagi siyang nandito kasabay ng pagtaas at pagbaba ng dibdib. Hindi mo siya kayang alisin; hindi mo siya kayang pigilan.

"Ada..."

May mga bagay na hindi natin kayang kontrolin, tulad ng tadhana na hindi natin kayang diktahan. Ang kamay ng tao ay limitado. May mga bagay na hindi niya kayang abutin.

"Ada, tara na."

Parang ikaw. Parang ikaw, Lucas.

Tiningala ko siya. Ang madidilim niyang mga mata ay nakatuon sa akin. Ang talim ng kanyang titig ay hinasa ng aninong dala ng araw sa kanyang likuran. Sa pagyuko niya ay sumabay ang pagbagsak ng kanyang mahabang buhok na umaabot sa kanyang dibdib.

Inilahad niya ang kanyang kamay sa akin. "Tara na."

Inabot ko iyon. Inangat niya ako mula sa aking pagkadapa.

Bumaba ang tingin ko sa aking mga binti. Dulot ng mamasa-masang panahon ay nabalot ako ng buhangin. 

Nang magtamang muli ang aming mga mata, naramdaman ko ang pag-angat ng aking dugo at pag-init ng aking pisngi.

Mainit sa disyerto, pero hindi araw ang sanhi ng nararamdaman kong ito. 

"Hinihintay na nila tayo," aniya at ipinamalas ang kanyang ngiti.

Ngumiti ako pabalik. Hinila niya ako patungo sa mga kasamahan namin. Habang pumapanhik kami ay ramdam ko ang paghuhuramentado ng aking puso.. 

Ganito ba talaga ang pakiramdam ng isang taong may irog? Ganito ba talaga ang pakiramdam ng isang taong naghahangad?

Nang makarating kami sa aming kampo, agad akong sinalubong ng isa sa kanila. Nang makita ni Lucas na may papalapit sa akin, agad niyang binitiwan ang aking kamay. Tila naging sanga na puno ng bubog ang haplos ng kanyang daliri. Parang sinasabi na hindi pwede. Parang ipinahihiwatig na imposible.

"Bakit kayo natagalan? Kanina pa namin kayo hinihintay...lalo ka na." ani ni Abel na nakatuon sa akin ang buong atensyon. 

Nang mapansin niya ang biglang paghihiwalay ng kamay namin ni Lucas ay nagtataka siyang napatingin dito. Ganoon din ang aking naging reaksyon. Napatingin ako sa kamay ni Lucas na hindi na nakabalot sa aking kamay. Hindi ko maintindihan kung bakit, hindi ko maipaliwanag. Tila ba may patalim na pumira-piraso ng aking puso. Nakaramdam ako ng hapdi.

Hindi tulad ng atensyong ipinupukol ko sa kanya ay sa iba nakalaan ang kanyang paningin at isipan.

Nang ibaling ko ang aking atensyon kay Abel, bumungad sa akin ang nakakunot niyang noo. Nakaramdam ako ng kakaibang emosyon. Takot ba ito, o tanging pagkalito?  

IhipWhere stories live. Discover now