"Mahal na mahal kita, Lando..."

"Mahal na mahal din kita, Elsa..."

Nakasakay noon ang magkasintahan sa isang bus galing hilaga paluwas sa Maynila. Magkatabi sila, magkayakap, kalong-kalong ang tig-isang bag ng mga damit. Matamis ang ngiti sa kanilang mga labi, pero may bahid ng kaba sa kanilang mga mata.

"Kinakabahan ka ba, mahal ko?" tanong ni Lando sa kasintahan. "Mabilis ang tibok ng puso mo..."

"Wala ito, Mahal," sagot ng dalaga. "Nag-aalala lang ako na baka masundan tayo ng mga magulang ko."

"Malaki ang Maynila, mahal ko. Hindi madaling maghanap ng mga tao doon. Nag-dadalawang-isip ka ba?"

"Hindi, Lando. Buong-puso ang desisyon ko na ito. Sasama ako sa yo kahit saan. Ang mahalaga, magkasama tayo at nagmamahalan."

"Sampung saksak lahat, Ser," sabi ng isang pulis matapos inspeksyunin ang bangkay. "Mukhang isang patalim lang ang ginamit. Yung baril na hawak ng bangkay, mukhang hindi nagamit. Pamilyar sa kin yung mukha ng biktima. Kung hindi ako nagkakamali, iyan yung holdaper na matagal nang wanted sa Caloocan."

Napabuntung-hininga ang tinyente habang nagsasalita ang kasamang pulis. Nakamasid siya sa iba pa niyang mga tauhan na inilalagay na ang bangkay sa isang body bag para madala sa morge. Pamilyar siya sa sinasabing profile ng tauhan. Totoong pamilyar ang mukha at mga tattoo ng bangkay. Sigurado siya, ito na nga ang matagal nang wanted na holdaper sa Caloocan.

Pero nagtatalo pa rin sa isip niya kung ano ang motibo ng krimen. May kinalaman ba ito sa mga nauna pang pagpatay ng mga holdaper sa Kamaynilaan?

Sampung holdaper na ang napapatay sa loob ng isang buwan.

"Ser, wala kahit isang testigo sa nangyari," dagdag ng pulis sa kanya. "Blangko pa rin tayo sa kung sino ang suspect natin."

Tumango na lang ang tinyente. Sa loob-loob niya, kailangan pa ba nilang hulihin ang kung sinumang pumapatay ng mga holdaper sa lungsod? Hindi nga ba't nakakatulong pa nga ito para masugpo ang mga holdapan? Hindi nga ba't nababawasan naman ang mga magnanakaw sa Kamaynilaan?

"Anong plano mo, Ser?"

Umiling ang tinyente at muling bumuntung-hininga. "Wala. Uwi na lang tayo." Pagkatapos ay tumalikod na siya at naglakad pabalik sa jeep niya.

Nagtatakang sumunod na lang sa kanya ang tauhan.

"Boss, pwede ko bang makuhanan ng litrato yang misis mo?" tanong ng isang lalaki.

Nasa Quiapo noon sina Lando at Elsa. Naglalakad-lakad sila sa gitna ng mga tiangge para mamili ng murang damit. Hindi nila inasahan ang paglapit ng isang may katandaang lalaki. Mukha namang itong mabait, simple ang damit, at may dala-dalang camera.

"Para saan po?" tanong ni Lando.

"Para sa gagawin kong rebulto," sagot ng lalaki.

"Ano pong rebulto?"

Tiningnan ng lalaki si Elsa at lalo itong napangiti. "Rebulto ng Inang Maria..."

Tondo. Kalye Blumentritt. Alas-dos nang madaling araw.

Isang binata at isang dalaga ang nagpaalaman sa isang kanto at naglakad sa magkabilang direksyon. Pumasok ang dalaga sa isang iskinitang may kadiliman.

RutondaWhere stories live. Discover now