Kabanata XXXVI

Magsimula sa umpisa
                                    

"Anak, dahan-dahan," si Aling Eka iyon. "Ano'ng nararamdaman mo?" bakas ang pag-aalala sa boses niya.

"N-Nasaan si Babaylan? Kailangan kong maka-usap si Babaylan, Aling Eka. S-Si Carpio? Nasaan si Carpio? May dapat silang malaman!" mabilis kong tugon.

Inalalayan lamang ako ni Aling Eka pahilig sa dingding ng kubo. Hinagud-hagud niya rin ang balikat ko at inabutan ako ng tubig. Ininom ko agad iyon at muling bumaling sa kanya.

"Hiraya, anak, kailangan mong magpahinga. Huminahon ka. Inutusan lamang ni Manang Ising sina Carpio na kumuha ng ilang halamang gamot malapit sa batis. Si Babaylan naman ay kausap niya sina Agus," aniya pa.

Unti-unti naman akong huminahon matapos uminom ng tubig. Pilit kong inalala ang nangyari kagabi. Ngunit malabo na sa aking alaala kung ano ang sunod na nangyari matapos akong sumagot kay Carpio.

Kinakailangan kong mapagsabihan sina Carpio sa nakita ko. Isa iyong masamang pamahiin. Kinakabahan ako. Ayaw ko nang mangyaring muli ang kaguluhan. Ayaw ko nang may mawala pa sa mga taong malapit sa akin.

Sa aking nakita kanina ay mas tumindi ang pangangamba ko. Kung mangyayari man iyon, tiyak na mahihirapan kaming lumaban dahil malakas ang banyagang nakita ko. Sa kanilang kagamitan at kasuotan pa lamang ay batid kong makapangyarihan sila.

"Hiraya!" malalaking hakbang ang ginawa ni Carpio nang masilayang gising na ako.

Agad siyang umupo sa gilid ng aking hinihigaan at mabilis na inilibot ang kanyang braso sa akin. Ramdam ko rin ang mainit niyang labi sa aking noo na puno ng pag-aalala.

Sa gilid ng pintuan ay tanaw ko si Kuya Jose na nakatingin lang sa amin ngayon. Hindi ko mabasa ang mata niya pero ramdam ko na malungkot siya.

"Kuya..." tawag ko sa kanya at agad naman itong ngumiti at lumapit.

Umupo siya sa kabilang gilid at agad ko siyang niyakap.

"Akala ko'y babalewalain mo na ako ngayong nahanap mo na ang pag-ibig mo," may tampo sa kanyang boses nang sinabi iyon.

Napangiti ako agad sa kanya at bahagyang hinampas ang kanyang braso. Narinig ko ang marahang pagtawa ni Carpio sa aking kabilang gilid.

"Hindi ko hahayaang malayo ang loob ng kapatid mo sa iyo, Jose," ani Carpio. Nakahilig ngayon ang aking likuran sa kanyang dibdib.

"Carpio, nakuha mo ba ang mga halamang gamot na sinabi ko sa iyo?" bungad sa amin ni Manang Ising na kakarating lang din dito ngayon.

Nagpaalam muna si Aling Eka na uuwi muna para makapaghanda ng umagahan. Maaliwalas ang mukha ni Manang Ising ngayon. Hindi rin maalis ang kanyang ngiti nang tumingin ito sa amin.

"Oo po, Manang," tumayo si Carpio at hinatid sa isang hapag ang bitbit nitong ilang halamang gamot.

"A-Ano po ang sakit ko, Manang Ising?" tanong ko nang mapagtantong marami siyang pinakuha nina Carpio at iba-iba ang itsura ng mga iyon. Labis itong mapait kung iyong titignan. Parang ayaw ko nang uminom nito.

"Wala kang sakit, Hiraya," payak na sagot niya.

Muling kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Nabalot din ng pagtataka ang mukha ni Carpio at Kuya Jose.

"Kung ganoon ay para saan ang mga halamang iyan, Manang?" tanong naman ni Kuya Jose.

Bago pa makasagot si Manang Ising ay bumulaga sa pintuan si Babaylan. May dala-dala siyang mga garapa na hindi ko mawari kung para saan at kung ano ang laman.

"Hiraya, kumusta ang iyong pakiramdam?" tanong niya agad nang makalapit sa akin.

Nagpaalam naman sina Carpio at Kuya Jose na lumabas muna dahil masyado na kaming puno sa maliit naming kubo ni Rosa.

Nasaan nga pala si Rosa?

"Mabuti naman po, Babaylan," sagot ko. "Babaylan, may kailangan po kayong malaman."

"Alam ko na, Hiraya. Hindi mo na kailangang sabihin sa akin," aniya pa.

Nanlaki ang mata ko sa sagot niya. Alam niya? Nakita rin niya ang nakita ko? P-Paano? Pero bakit wala man lang akong kabang naramdaman sa kanya nang sinabi niya ito?

"A-Alam niyo na po? P-Paano?" gulat kong saad.

Nakakakita rin sa mga mangyayari si Babaylan? Anong ibig niyang sabihing alam na niya?

Mas nagtaka ako nang inangat niya ang kanyang kamay at inilagay sa ibabaw ng aking tiyan. "Isa akong Babaylan, Hiraya. Tagapamagitan ng mga diwata, at kaya ko ring manggamot."

Hinayaan ko siyang hawakan ang aking tiyan at haplos-haplosin ito. Hindi ko siya naunawaan. Napatingin lamang ako sa kamay niyang nasa aking tiyan ngayon.

"Nararamdaman ko ang isang tibok ng puso sa sinapupunan mo," saad niya sabay ngiti.

Hindi ako nakapagsalita. Nanlaki lang ang mga mata ko habang tulalang nakatingin kay Babaylan. Lumapit na rin si Aling Ising sa akin nang may masasayang ngiti sa labi.

"P-Po?"

"Ika'y nagdadalang-tao, Hiraya," masaya nilang balita.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon