Tanda niya kung paano niya unang natikman ang makulay na bulak na nilalako ng isang manong sa parke na iyon. Gustong-gusto niya yung kulay rosas, malakas ang paniniwala niyang mas matamis iyon kaysa sa kulay bughaw. Tanda niya rin kung gaano siya natuwa nang mahawakan niya ang tali ng pulang lobong pinabili niya sa kaniyang ama, at kung gaano kalakas ang iyak at lalim ng hikbi niya nang mabitawan niya ito't lumipad sa langit.

Tanda ni Ester, kahit ilang taon na ang nakalilipas, kung gaano kahigpit ang yakap ng ama niya sa kaniya nang iuwi siya nito sa bahay, at siya na lamang ang pumasok sa loob. Iyon na ang huling beses na nakita niya ito.

"Ester, gising na. Nandito na tayo."

Napabangon ng ulo si Ester mula sa pagkakasandal nito sa malaking bag na katabi niya. Hindi niya namalayang nakatulog pala siya sa kahabaan ng biyahe. Tumingin siya sa paligid, tahimik ang lugar, pawala na rin ang mga kulay sa langit.

Dapit-hapon na nang makapasok sila sa bago nilang tirahan. Hindi ito gano'n kalaki gaya ng inalisan nila ngunit sapat lang sa kanilang tatlo. Maayos na rin ang pangkalahatan, mga gamit na lamang ang kulang.

Isa lang ang kwarto, malamang ay maghahati pa rin sila ng kapatid. At dahil palagi namang wala ang ina gawa ng trabaho, ibig sabihin pa rin, walang magbabantay kay Ben at hindi siya makakaalis ng bahay para mag-aliw.

"Bukas na simula ng trabaho ko, kaya ayusin mo na ang mga gamit niyo dahil hindi ko na maaasikaso. Pagkatapos ay paliguan mo si Ben." sabi ng ina.

Gustong sabihin ni Ester na pagod na siya at gusto na lang niyang matulog, pero hindi niya masabi. Tumingin siya kay Ben na hawak na naman ang lapis at papel, nakaupo sa isang sulok. "Papaliguan ko muna si Ben." sabi niya, saka hinila ang kapatid papunta sa banyo.

Binuksan niya ang ilaw. May isang bowl at may gripo sa tabi nito. Walang lababo, walang shower. Tipikal na banyo. Mainam lang iyon dahil mas malaki kaysa sa dati.

Kinuha ni Ester ang timba at tabo na kalalabas lang mula sa kahon. Kinuha na rin niya ang shampoo at sabon. Hinubaran niya ang kapatid at hinila papasok ng banyo. Binuhusan niya ito.

"Eeehhhh" sigaw ni Ben, nabigla sa lamig ng tubig.

"Huwag ka ngang sumigaw, hindi naman gano'n kalamig." sambit ni Ester. Pero alam niyang malamig.

Nakita niyang papaiyak na naman ang kapatid dahil sa kaniyang pagpapagalit. "Alam mo napakaiyakin mo talaga. Siguro nagmana ka sa tatay mo." Sabi niya, habang sunod-sunod niya itong binubuhusan. Naiisip niya, malamang ay kung maririnig siya ng kaniyang ina ay malalagot siya rito. Pero dahil alam niyang abala ito sa pag-aayos ay nagsalita pa siya ng nagsalita.

"Bakit kasi hindi ka na lang kunin ng tatay mo e. Ako pa tuloy ang naaabala palagi." pagrereklamo niya. Kinuha niya ang sabon at ipinahid sa kapatid at patuloy siya sa pagsasalita. "Imbis na alalahanin ko lang ang sarili ko, ikaw pa ang iintindihin. Imbis na nakakagala ako kasama ang mga kaklase, hindi ko magawa." pagpapatuloy niya. Tahimik lang naman si Ben. "Bakit hindi ka pa ba nagsasalita, ha? Ilang taon ka na wala ka pang alam sabihin." inis niyang sabi. "Sana kasi hindi ka na lang pinanganak."

"ESTER!"

Dahil sa gulat ay nabitawan ni Ester ang sabon na hawak niya. Lumanding ito sa may bowl.

"Ano bang pinagsasasabi mo!" sigaw ng kaniyang ina. "Sinabi ko na sa'yong 'wag kang magsasalita ng ganyan e!"

Umiyak na si Ben.

Si Ben, anak sa iba ng kaniyang ina.

Matapos silang iwan ng ama ay nalugmok na ang kaniyang ina, at para malabanan ito ay itinuon nito ang oras sa pagtatrabaho. Dahil sa wala namang hawak na diploma sa kolehiyo’y kung saan-saan ito namasukan, o kung walang mahanapang trabaho’y nangungutang. Gano'n silang mag-ina sa isang buong taon.

NAG-IISAWhere stories live. Discover now