Nag-iisa

166 6 0
                                    

"Naihanda mo na ba ang mga gamit mo?"

Umirap si Ester sa narinig. Pang-ilang beses na tanong na iyon sa kaniya ng ina. "Kanina pa. Hindi pa ba tayo aalis?" naiinip niyang sagot. Nagdikwatro siya ng upo kasabay ng paghalukipkip at sandal sa upuan. Ang totoo’y pang-ilang hakot na rin nila ito para lumipat ng tirahan. Anim na taon naring gano’n ang kanilang set-up magmula nang iwan sila ng ama sa hindi niya kailanman nalaman na dahilan.

Sa huling pagkakataon ay nilibot ni Ester ang tingin sa loob ng apartment na kanilang aalisan. Wala na itong laman, bukod sa iilang guhit na karakter at letra sa pader gamit ang krayola, gawa ni Ben, ang apat na taong gulang niyang kapatid. Iyon na lamang ang maiiwan nila rito. Ngunit alam niyang mabubura rin ito lalo na kung makikita ng may-ari ng apartment. Isang patong lang ng pintura ay wala na agad ang bakas.

Kung sana gano'n lang din kadali magbura ng ala-ala. 

Hindi nagtagal ay dumating na ang sasakyan para maghakot ng kanilang mga gamit. Kinuha na niya ang ilan, inakay ang kapatid na nakasalampak pa sa sahig, at sumakay. Ilang oras na pagbyahe na naman patungo sa bagong lugar. Ilang oras lang, pero sandaang ala-ala at kakilala ang susubukan na naman niyang kalimutan.

Buong biyahe ay nakadungaw lang si Ester sa bintana ng sasakyan. Sakto lang ang timpla ng hangin noong mga oras na iyon kaya hindi masakit ang hampas nito sa balat kahit na tirik pa ang araw. Para rin hindi antukin ay pinagmasdan niya ang mga kasabay nilang mga kotse't motor na nagmistulang sardinas sa daan; Tinignan niya ang mga taong nakatayo sa may gilid ng kalsada na nag-aabang ng masasakyan kahit na may nakapaskil na bawal doon mag-abang; Inusisa nya ang sala-salawit na linya ng kuryente sa mga poste; Inabangan niya ang pagbabago ng kulay ng traffic light; Binilang niya ang linya ng pedestrian lane; At nang mawalan na siya ng maaaring pagka-abalahan, tumulala siya sa kawalan.

Iyon ang madalas niyang gawin... tumulala sa kawalan. At ang madalas niyang isipin ay kung hanggang kailan ba ito magtatagal.

Hindi kalaunan ay lumuwang ang daloy ng trapiko. Kumaunti na rin ang mga kotseng kasabay nila, nangangahulugan na malayo na sila sa hi-way. Sa pagliko ng kanilang sasakyan ay may nadaanan silang parke. Dahil do'n, isang ala-ala ang bumalik sa kaniya.

Naganap din iyon sa isang parke, kasama ang kaniyang ama. Maituturing ni Ester na iyon ang isa sa pinaka-maganda niyang memorya. Para sa kaniya, ang lahat ay nasa ayos noong araw na iyon. Masaya ang huni ng mga ibon, nakangiti ang langit, at may masarap na almusal na nakahain sa lamesa -- ang paborito niyang bacon at sinangag.

Tandang-tanda niya kung paano inayos ng kaniyang ina ang kaniyang buhok matapos ang almusal. Hinati nito ito sa gitna at saka tinirintas at sabay nilagyan ng maliliit na paru-parong gumagalaw ang pakpak tuwing siya’y naglalakad. Umikot-ikot pa siya para damhin ang paggalaw ng mga paru-paro sa kaniyang ulo. Pakiramdam niya'y isa siyang diwata dahil do'n. Nang matapos siya sa pag-ikot ay tumingin siya sa kaniyang ina at ngumiti, bago siya nito tuluyang pinakawalan papunta sa kaniyang ama.

Nagpunta sila sa parke hindi kalayuan sa kanilang bahay. Malawak ito at may playground. May isang malaking slide sa gilid, tatlong duyan sa tabi, at dalawang pares ng see-saw sa bandang gitna. Tanda niya noon na marami rin siyang kasabayan na mga bata na nagpapadulas sa slide at nakikipag-agawan ng pwesto sa duyan. Nang magsawa siya sa kahihintay ay tumakbo siya ng tumakbo na parang isang asong nakawala. Doon niya nadama sa unang pagkakataon ang kalayaan. Paikot-ikot siyang tumakbo sa parke. Pabalik-balik, minsan nalalayo ngunit hindi sumosobra sa hindi na tanaw ng ama.

Tanda niya rin noon kung paano siya nadapa dahil sa isang bato ang hindi niya nakita sa daan. Natalisod siya ro'n at sumubsob sa lupa, una ang tuhod. Tumingin siya sa kaniyang ama pagkatapos. Gusto niyang umiyak dahil sa sakit kasabay ng pangamba na pagalitan siya nito. Pero iba ang ginawa nito sa kaniyang inaasahan. Ngumiti ito sa kaniya na para bang sinasabing 'ayos lang, tuloy lang'. At dahil do'n ay hindi niya inalintana ang namumumulang tuhod, at nagpatuloy muli sa pagtakbo.

NAG-IISAWhere stories live. Discover now