Ang storya

23 1 0
                                    

Sa isang lugar sa Maynila na ang pangalan ay Barangay Habang May Buhay May Pagasa, may mag asawang nagngangalang Andraei at Marilou Masipag. Kung titignan natin ang kanilang pagsasama masasabing halos perpekto na ang kanilang pamumuhay, parehas lumaki na may kaya sa buhay, may takot sa Diyos, may respeto at pagmamahal sa pamilya, mababait at nagkakasundo ang magkabilang pamilya, pag kailangan ng tulong suportado nila ang isa’t isa. Wala ka na sanang mahihiling pa sa ganitong klase ng pamilya, isa lang talaga ang humahadlang sa kanila upang makamit nila ang tunay na kaligayahan ng buhay mag asawa. Siguro naman nabuo niyo na sa isapan niyo kung ano ang tinutukoy ko, iyon ay ang pagkakaroon ng anak. Dahil sa higit na sampung taon nilang pagsasama ay hindi parin sila binibiyayaan ng kahit isang supling na simula pagkabata ay pangarap na nilang mag asawa.

Si Marilou ay lumaking uniqa hija ngunit kahit ganun ay sinikap ng mga magulang niya na palakihin siya ng maayos at hindi laki sa layaw. Noong bata pa siya akala niya talaga ay nag iisa lang siyang anak nagbago iyon simula nung ikwento sa kanya ng lola niya ang tunay niyang pagkatao. Si Marilou ay pinaampon lamang ng kanyang tunay na tatay sa nakababatang kapatid nito. Labag man sa loob nila na ipamigay si Marilou, hindi nila kayang pagsabayin ang mga gastusin para sa kanya bilang bagong panganak na sanggol at para sa mas nakakatanda niyang kapatid na sakitin. Pang-apat si Marilou sa anim na magkakapatid at dalawa lamang silang babae kaya naman mas naging mahirap para sa magulang niya na ipaampon siya. At dahil naging maayos ang pagpapalaki kay Marilou ng kanyang mga magulang ngayon hindi naman naging malayo ang loob niya sa kanyang tunay na pamilya. At dahil ganun nga ang naging kwento ng buhay ni Marilou kaya siguro ganoon na lamang ang paghahangad niya na magkaroon ng anak dahil hindi niya naranasan na mag aruga sa mas nakababata sa kanya.

Kung si Marilou ay lumaki sa isang buong pamilya, kabaliktaran naman ang kay Andraei. Lumaki si Andraei sa puder ng kanyang nanay dahil bata palang sila ng mga kapatid niya ay napagdesisyonan na ng nanay at tatay niya na maghiwalay na sa hindi alam na kadahilanan. Nasa ika limang baitang na si Andraei noon nang tuluyan ng umalis sa bahay nila ang nanay niya dahil nagkaroon na ito ng bagong pamilya kaya naman napunta na siya sa puder ng tatay niya na mayroon naring kinakasamang iba. Ngunit hindi naman ito naging dahilan upang kamuhian niya ang kanyang mga magulang, sa katunayan ito pa nga ang nagturo sa kanya upang matuto siyang tumayo sa sarili niyang mga paa. Si Andraei ay panganay sa pitong magkakapatid, kasama na diyan ang kapatid niya sa mama niya sa bagong pamilya nito, kaya dito mas nahasa ang pagiging responsable niya bilang nakakatandang kapatid. Ito rin ang naging dahilan kaya gustong gusto rin niyang magkaroon ng sariling anak dahil gusto niyang maipadama dito ang tunay na kahulugan ng isang buong pamilya.

Bago ikinasal sina Andraei at Marilou ay matalik na silang magkaibigan dahil mula pagkabata ay magkakilala na silang dalawa kaya naman kilalang kilala at kabisadong kabisado na nila ang kilos ng bawat isa. Mukhang itinadhana na talaga sila para sa isa’t isa. Kaya sila nagkakilala ay dahil matalik ring magkaibigan ang kanilang mga tatay. Siguro hindi pa sila pinapanganak ay ipinagkasundo na sila at dahil bata pa sila ay hindi muna ito sinabi sa kanila kaya naman ay hinintay nalang nila na dumating sa tamang edad ang dalawang bata bago nila iyon mapag usapan. Ngunit habang sabay silang lumalake tila hindi na kailangan ng mga tatay nila na banggitin pa ang nasabing kasunduan, si Andraei at si Marilou na mismo ang kusang naglalapit sa isa’t isa ng hindi nila namamalayan.

Pitong taon na ang nakalipas nang komunsulta silang mag asawa sa doktor at mangiyak-ngiyak si Marilou sa nalamang resulta, iyon  ay ang pagkakaroon niya ng komplikasyon sa matres na naging dahilan kaya hindi sila nagkakaroon ng anak kasabay narin ang pag guho ng mga pangarap nilang mag asawa. Ngunit hindi parin sila sumuko at nagpatinag sa komplikasyong iyon. Sa katunayan, halos lahat na ng pwede nilang inumin pampagana ay nainom na nila. Lahat na ng pwedeng gawin upang sila ay magkaanak ay ginawa narin nila tulad ng pagsasayaw sa Sto. Niño dahil parehas silang relihiyoso naniniwala silang may milagro.  Isang beses sa tatlong buwan ay sumusubok sila at nagbabakasakaling sila ay makabuo.

Déjà VuTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon