IKALAWANG KABANATA

3.3K 140 10
                                    

“JANE, sandali! Hintayin mo ako. 'Yong hinihiram mong pera!” Habol siya ni Prince habang naglalakad palabas ng bahay nito.

Hindi na kinaya pa ni Jane ang mga pinagsasabi ng nanay ng kaniyang nobyo kaya kahit kabastusan ay umalis na lang siya. Tapos pinalabas pa nito na siya ang masama sa kanilang dalawa. Naiintindihan niyang ayaw nito sa kaniya pero huwag naman sanang dumating sa punto na pagsasalitaan siya nito ng ganoon. Pandesal lang ang kinakain niya tapos kung magsalita ito ay parang buong buhay niya ay ito ang nagpapakain at bumubuhay sa kaniya. Nanay nga niya hindi siya napagsasalitaan ng ganoon, e. Saka isa pa, wala siyang natatandaan na may masama siyang nagawa dito. Basta na lang itong umaasta ng ganoon sa kaniya. Kahit nga ramdam niyang ayaw sa kaniya nito ay pinipilit pa rin niyang gumawa ng paraan para magkalapit sila. Tao lang siya. Nasasagad din siya at sagad na sagad na siya. Hindi na niya kayang tiisin ang pagtrato ng nanay ni Prince sa kaniya.

“Jane, ano ba? Kunin mo na itong pera!” habol pa ni Prince.

Nasa may kalsada na sila. Malalaki ang hakbang niya. “Huwag na. baka pati iyan ay isumbat sa akin ng nanay mo. Nakakahiya naman sa kaniya!” Masama ang loob na turan niya. Hindi man lang niya nilingon si Prince.

“Jane!” Naabutan siya nito at hinawakan siya sa kamay.

Naluluha sa sama ng loob na humarap siya dito. “Iyang nanay mo kasi, e. Grabe kung magsalita tapos binabaligtad pa niya ako. Nananahimik akong kumakain tapos sisingitan niya ako ng mga salita niya na para bang pinapalamon niya ako!” Talagang masama ang loob niya.

“Para namang hindi ka pa sanay kay mama. Parang armalite talaga bunganga noon. Kahit nga kami ay sinasabihan no’n ng mas masakit pa.”

“Anak kasi niya kayo. E, ako? Hindi ko siya kadugo pero kung makapagsalita siya sa 'kin ay ganoon na lang!”

“Huwag mo na lang pansinin. O, 'eto na ang pera. Kailangan mo iyan. Isaksak mo iyan sa baga ng balyena mong landlady, ha. Sabihin mo, balang-araw ay papaulanan natin ng pera ang apartment niya!” Kinuha ni Prince ang isa niyang kamay at pilit nitong isinuksok doon ang pera.

Mariin niyang ikinuyom ang kamay. “Ayoko, sabi. Mas lalong magagalit lang ang mama mo niyang sa akin, e!” giit niya.

“Kunin mo na sabi, e. Kailangan mo 'yan!”

“'Wag na, Prince. Ayokong mas dumami ang isusumbat ng mama mo sa akin.”

“'Wag nang mataas ang pride, Jane. Hindi naman kay mama ang pera na ito. Pinaghirapan ko ito. Ako ang kumilos para kitain ito at wala siyang pakialam dito.”

Tigas pa rin ang pag-iling ni Jane. “Hindi na talaga. Salamat na lang. papakiusapan ko na lang si Manang Elsa. Alam kong pagbibigyan pa niya ulit ako dahil matagal na akong nangungupahan sa kaniya. Mabait naman iyon. Baka hindi lang maganda gising niya kanina,” katwiran pa niya.

“Paano kung hindi? Paano kung palayasin ka na niya talaga? Ano ang gagawin mo?”

“Edi, sa kalye ako matutulog! Sanay ako sa hirap. Saka may malalapitan pa ako. Si Betty,” tukoy niya sa kaibigan niya na mula din sa kanilang probinsiya na nangtatrabaho na rin dito sa Laguna.

“'Yong kaibigan mong pokpok? Jane, naman! Baka mapariwara ka sa kaibigan mong 'yon!”

“Anong masama kung pokpok ang kaibigan ko? Atleast, hindi siya judgemental!” Inirapan niya ang kaniyang nobyo. “Sige na. Babalik na ako sa apartment ko. Kakausapin ko pa si Manang Elsa!”

“Hindi mo na ba talaga tatanggapin itong pera ko? Sigurado ka na ba talaga?”

Sa totoo lang, duda si Jane na pagbibigyan pa siya ni Manang Elsa na ma-delay na naman ang pagbabayad niya sa upa. Sa ipinakita nito kanina ay talagang imposible. Ayaw niya lang talagang ibaba ang pride at tanggapin ang perang inaalok ni Prince. Pero bahala na talaga. Panigurado kasing makakarating pa rin sa nanay ni Prince ang paghiram niya ng pera at may masasabi na naman itong masasakit na salita sa kaniya. Tama na ang mga sinabi nito kanina. Ayaw na niyang madagdagan pa iyon.

Kapit Sa PatalimTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang