Habang tumatagal ay mas bumibilis ang pintig ng puso ko. Ang lahat ng katanungan ko'y unti-unti nang nasasagot.

"Ang iyong pananatili rito sa lupa'y kailanman ay hindi nagkaroon ng komplikasyon dahil ang kakayahan mong manipulahin ang mga alaala ay isa nang malakas na kapangyarihan upang maikubli ang iyong totoong pagkakakilanlan."

"Ikaw ang siyang malaking dahilan kung bakit laging nauugnay sa mga diyosa ang iyong mga anak. Si Zen na kapares si Claret, si Dastan na itinakda sa akin, si Naha at Kalla na kapwa may kaugnayan sa pinakamalakas na diyosa na itinakda kay Evan at Finn, at si Harper na sa aking kaalaman ay nakapares din sa isang bampirang may patak ng dugo ng diyosa..."

"Ngunit ang aking tanong..." nangangatal kong hinawakan ang mga kamay ni Reyna Talisha.

Ang kanyang mga kamay ay nanlalamig din katulad ng sa akin, ang mga mata niyang pilit niyang ikinukubli ng tatag ay unti-unti nang gumuguho.

"Ano ang dahilan ng iyong pagbaba? Ikaw ba ang nag-impluwensya sa asul na apoy upang bumaba rin? Ano itong itinatago ng Deeseyadah? Itinakda tayong magtulungang tatlo at magsama-sama rito sa Parsua, Reyna Talisha..."

May lumandas na luha mula sa kanyang mga mata. Simula nang dumating ako sa mundong ginagalawan ng mga Gazellian, kailanman ay hindi ako nakarinig ng kasaysayan sa pagitan ni Reyna Talisha at Haring Thaddeus.

Ano ang kanilang nakaraan at mga pinagdaanan? Ano ang tunay na mga alaala at manipulasyon?

Kung si Haring Thaddeus at Danna'y may malaking inambag sa kasaysayan upang tulungan ang pinakamalakas na diyosa noon?

Anong malakas parte ang ginawa ni Reyna Talisha? Ang kanyang pagbaba at ang pagkakaugnay sa hari...

Hindi pinahid ni Reyna Talisha ang kanyang luha, sa halip ang mga kamay niya naman ngayon ang mariing nakahawak sa akin.

"Huwag mong gagawin ang bagay na ginawa ko sa aking—" nakagat ni Reyna Talisha ang kanyang labi at ilang beses siyang umiling na tila nag-aalangan kong sasabihin iyon sa akin o hindi.

Sa huli'y bumitaw rin siya sa akin, isang mahinang pwersa ang naramdaman kong yumakap sa akin, huli na nang makita kong nakatuwid ang kanang kamay ni Reyna Talisha habang nakabuka ang kanyang kamay.

Mabilis niya akong naitulak sa akong unang posisyon, nakabalik na sa dati ang larong aking ibinaliktad at sa isang iglap ay muling nabalot ang silid ng liwanag, bumalik na ang presensiya ng magkakapatid na Gazellian na tila wala man lang nangyari.

"Oh! Muntik ko nang makalimutan, may mga natanggap nga pala akong mga liham na siyang dapat kong basahin! Paumanhin, ngunit maaari ba natin itong ipagpaliban muna, Leticia?" tanong sa akin ni Reyna Talisha sa kanyang pinaka-inosenteng paraan.

Rinig ko ang pagkadismaya ng magkakapatid na Gazellian, ngumiti lamang sa kanila ng matamis ang reyna, at walang pinagpilian si Caleb kundi ayusin muli ang laro at itago iyon.

Nang maiwan muli ang magkakapatid, nauwi sa kwentuhan at biruan muli sa pangunguna ni Caleb, sumulyap ako kay Dastan na tipid na nakamasid sa kanyang mga kapatid.

Inangat ko ang aking kamay at bahagyang nag-aalinlangan, ngunit sa huli'y napasyahang hawakan ang ilang parte ng kanyang kasuotan. Nakayuko ako at hindi magawang sagutin ang kanyang mga mata nang siya'y lumingon sa akin.

"Leticia?"

"N-nais kong mapag-isa... tayo... kamahalan..."

Hindi ako bumilang ng segundo, ang hari'y bilang tumayo at tumikhim, natigil sa tawanan ang kanyang mga kapatid at kapwa sa kanya nagtungo ang atensyon.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Where stories live. Discover now