Chapter 26 - Icecream

Magsimula sa umpisa
                                    

      Inakbayan ako ni Chris at tinapik sa dibdib bago kami naglakad palabas ng pasilidad.

     Hindi ko lubos maisip na ang araw na pinakahihintay ko noon dahil sa pag-aakalang magdudulot ng sobrang saya ay kabaligtaran ang binigay sa akin.

* * *

     Maluwag ang daan pauwi kaya gusto kong magmura. Nakatanaw ako sa labas, ang mga poste ng ilaw ng Skyway ay mabilis naming linalagpasan isa-isa. Walang bituin sa langit ngunit natatanaw ang buwan.

     Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Iba ang hila sa pagkatao kapag may gusto ka pero alam mong hindi mo na makukuha. Nakunteto na akong makasama lang si Zach araw-araw, pero. . .

     Walang salitang namagitan sa amin ni Chris hanggang sa ang dinaraanan namin ay maging pamilyar. Ilang minutong biyahe na lang malapit na kami sa kani-kaniyang bahay.

     "Saan kita ihahatid?" tanong ni Chris, bakas na rin ang pagod sa kanya.

     Sa kung nasaan si Zach.

     "Sa bahay nyo o sa apartment mo?" dagdag na tanong ni Chris.

     Ayaw kong umuwi sa lugar na magbibigay ng maraming alaala ni Zach pero hindi ko kayang harapin sila Mama sa kalagayan ko ngayon.

     "Sa apartment," sagot ko. Masokista.

     "Kung ayaw mong mapag-isa at hindi ka pa komportable na umuwi sa inyo, pwede naman sa amin," alok ni Chris.

     "Salamat, Chris," tugon ko. "Pero sa susunod na lang siguro."

     "Okay," sagot nya.

     Muli kaming binalot ng katahimikan hanggang sa marating namin ang apartment ko. Bumaba kaming dalawa. Walang ibang tao at tahimik na ang paligid bukod sa ingay ng sasakyan ni Chris.

     "Samahan na kita," sabi ni Chris pagkasara nya ng pinto.

     Mas lalo kong naramdaman ang pagod na dulot ng araw ko. "Wag na," sagot ko pagharap sa kanya. "Umuwi ka na para makapagpahinga ka na rin."

     Sumandal sya sa kanyang kotse, ang siko ay nakapatong sa bubong. "Dota tayo?" nakangiti nyang tanong. "Siguradong may bukas pang shop malapit sa La Trinidad."

     Sa kabila ng lahat, napangiti ako. "Alam ko yang aya mong yan, Chris."

     Napangiti rin sya.

     "Magiging okay din ako," sabi ko. Hindi ako sigurado kung kailan pero alam kong mangyayari iyon. "Wag kang masyadong mag-alala."

     Nawala ang ngiti ni Chris, tumayo syang tuwid. "Sabi mo, eh. Basta kapag kailangan mo ng balikat na maiiyakan, tawagan mo lang ako."

     "Salamat," tugon ko. "Babawi ako sayo."

     "Psh," singhal ni Chris. "Wag mo nang isipin yun. Para saan pa na mag-bestfriend tayo kung may bilangan?"

     Yinakap ko ulit si Chris. "Maraming salamat talaga, Chris." Tinapik-tapik nya ang likod ko. "Sige na, baka maiyak pa ulit ako," biro ko para bahagyang gumaan ang pakiramdam namin at para makumbinsi syang ayos na akong mapag-isa. "Ingat ka sa pag-uwi."

     "Oo naman," tugon ni Chris at pumasok na sa sasakyan. Kumaway pa sya sa akin bago pinaandar ang kotse.

     Mabibigat ang hakbang na inakyat ko ang aking unit. Habang papalapit ay sumisidhi ang kagustuhan kong tumakbo palayo. Hanggang sa marating ko ang pinto.

The Bathroom Love Affair (Published Under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon