Part 5

4.8K 128 0
                                    

"ONE-THIRTY na," kunwa ay reklamo niya kay Jude nang pabalik na sila sa opisina niya. "Late na ako ng thirty minutes."

"Tumigil ka, Faith. Hindi naman mahigpit sa oras ang boss ninyo. Ikaw ang mismong maysabi sa akin niyan kanina lang na kumakain tayo."

Napabungisngis siya. "Di, sana pala'y isinagad mo na ang panglilibre pati meryenda!"

"Oo ba! Ano, magkita tayo mamayang alas tres? Sa Glorietta naman tayo."

Umiling siya. "Hindi na, no? Hanggang hapunan na ang ipinakain mo sa akin. Tingnan mo nga ang tiyan ko, naninigas na sa kabusugan."

Humalakhak si Jude. "Aba, magpasalamat ka at nabusog ka."

"Salamat," mabilis namang sabi niya.

"Welcome. Didiretso na ako. May prospect akong kliyente diyan sa kabilang building. Malay mo, makabenta uli ako ng kotse?"

"Ay, oo nga. Para ilibre mo ako uli."

"Sure, Faith."

Pumasok na siya sa building at si Jude naman ay dumiretso na ng lakad. Paglagpas niya sa may guard ay nagulat pa siya nang makitang may naghihintay sa kanya.

"Patrick!"

Tiningnan siya nito ng tinging nanunumbat/nagtatanong.

"Tinawagan ako ni Jude," mabilis na paliwanag niya. "In-invite niya ako for lunch. Treat niya dahil nakuha na niya ang komisyon niya sa kotseng naibenta niya."

"Hindi mo naisip na baka pumunta ako dito?" mababa subalit halata ang tinitimping galit sa tinig nito.

Napipilan siya. Napatingin siya sa mga empleyadong napupunta na ang pansin sa kanila.

"Aalis na ako," wika ni Patrick at nagsimulang humakbang.

"Teka, saan ka pupunta?" habol niya.

"Faith, tara na! Late na tayo," wika sa kanya ng kasamahan na mukhang kagaya niya ay sa labas din nananghalian.

Sandali niyong nakuha ang atensyon niya. Nang lingunin niya uli si Patrick, mabilis na itong nakalayo. Napailing na lang siya. At sumunod na rin sa kaopisina na sumakay ng elevator.

Tuluyan na siyang nawala sa kondisyong magtrabaho. Hindi niya maintindihan, kanina lang ay mataginting ang tawa niya. Ngayon, hindi na naman maipinta ang mukha niya.

Kung kanina ay hindi niya maintindihan kung ano ang nararamdaman niya kay Patrick, ngayon ay tukoy na tukoy na niya iyon. Naiinis siya sa kasintahan. Ngayon niya na-realize na naunahan siya ng sindak ni Patrick. Siya ang dapat na sumita dito. Ito ang hindi tumawag nang umagang iyon. Kung tumawag ang binata at sinabihan siyang pupunta ng lunch break niya, di wala sanang problema.

Madali namang tumanggi kay Jude. Alam naman ng kaibigan niya na basta si Patrick ang dahilan ng hindi niya pagsama ay hindi na ito nagpupumilit.

Pero ngayong sumama siya kay Jude, para bang siya lang ang may kasalanan kay Patrick.

At unti-unti, ang pagkainis na iyon ay nahaluan ng pagkainip. Inaasahan niyang tatawag sa kanya si Patrick. Ganoon naman ang binata basta may problema sila. Tatawag at tatawag ito, hindi na importante kung sino ang may kasalanan kanino.

Nang lumampas ang alas tres at hindi ito tumawag, naglaho na rin ang inis niya sa binata. Siya na rin ang nagbigay ng katwiran sa pagiging mainit ng ulo nito kanina. After all, one-thirty na ang oras at malamang ay hindi pa ito nagla-lunch. Likas nang maigsi ang pasensya ni Patrick kapag ganoong gutom ito.

Nang pumatak ang alas singko at hindi pa rin tumatawag man lang si Patrick, nagpasya siyang tawagan na ito.

"Si Sir Patrick?" wika sa kanya ni Yolly. "Lumabas sila ni Ma'am Janica. Pupunta daw sa Megamall."

Wedding Girls Series 09 - FAITH - The PrinterWhere stories live. Discover now