"Nanang, mabait po na tao si Grego. Mayor po siya ng isang probinsya at malaki po ang tiwala sa kaniya ng mga tao doon kaya imposible pong may masama siyang hangarin sa pakikipaglapit sa'kin."

"Layuan mo na ang lalakeng iyon. Hindi ko siya pinagkakatiwalaan. Ayaw ko siya para sa'yo."

"Pero Nanang-"

"Pakiusap, Rin. Huwag ka ng makipagtalo. Hindi na kayo magkikita ng lalakeng iyon, maliwanag ba?"

Nasaktan siya sa mga sinasabi ng Nanang niya. Hindi siya papayag. Gusto niyang makita at makasama si Grego. Pero bakit siya pinipigilan ng Nanang Marta niya?

Gusto niyang humikbi. Pakiramdam niya ay para siyang batang pinagkaitan ng kendi.

Napansin naman ng nanang niya ang biglaang pananahimik niya kaya kaagad din siya nitong hinawakan sa kamay at hinaplos ang pisngi.

"Ayaw ko lang mapahamak ka kagaya ng nangyari sa anak kong babae dati. Alam mo naman iyon, di'ba? Ayaw ko lang na lumalapit ka sa mga taong hindi mo lubos na kilala."

"But it feels like... like I've known him for a long time," aniya sa pabulong na tinig.

"Anak, pakiusap. Para ito sa ikabubuti mo. Hindi ka sasama ulit sa lalakeng iyon, maliwanag ba?"

Labag man sa kalooban ay tumango na lang siya. Naiintindihan naman niya ito. Gusto lang siyang protektahan ng kaniyang Nanang Marta dahil ayaw lang nitong mangyari sa kaniya ang nangyari sa nag-iisa nitong anak na babae. Ginahasa kasi ang anak ng Nanang Marta niya ng mga dayo mula sa malayong bayan kaya simula noon ay naging alerto na ang mga kababayan niya sa paligid at sa mga dumarayo sa kanilang lugar. Kaya hindi na siya nagtataka na alam ng lahat ng taga San Rafael lalo na ng mga kapitbahay nila ang pinaggagagawa nila ni Grego.

Lumipas pa ang ilang sandali ay nakarinig siya ng malalakas na katok mula sa pintuan. Akmang sisilipin niya sana kung sino iyon ngunit naunahan na siya ng Nanang niya. Sinenyasan siya nito na pumasok sa kwarto niya kaya mas lalo siyang nanlumo. Alam niyang si Grego ang kumakatok sa pintuan dahil may usapan sila ng binata na kakain sa labas.

Narinig niya ang boses ni Grego na hinahanap siya pero itinanggi ni Nanang Marta na nasa bahay siya. Narinig niya pang sagot ni Nanang Marta kay Grego na sumama daw siya kay Cholo sa bukid at doon magpapalipas ng gabi pero hindi totoo iyon. Nasa bayan ngayon si Cholo at tumutulong sa restaurant ng ama nito. Tuluyan na siyang napahikbi nang marinig na nagpaalam si Grego para bumalik na sa bayan.

Nami-miss na niya ang binata. Kanina pa siya nagtitimpi na lumabas para salubungin ito ng yakap pero hindi niya magawa. Ayaw niyang magkaroon ng sama ng loob ang Nanang Marta niya sa kaniya.

Umupo na lamang siya sa sulok ng madilim niyang kwarto at humikbi, tinanaw ang mumunting liwanag ng buwan na nanggagaling sa bintana na bahagyang nakabukas. Mas lalo pa iyong nakadagdag sa kalungkutan na nadarama. She felt so alone.

Sinapo niya ang mukha gamit ang mga palad at doon humikbi. Nanatili siyang gano'n sa loob ng ilang minuto. Maya-maya ay nakarinig siya ng kaluskos mula sa labas ng bintana.

Nag-angat siya ng tingin. Labis ang tuwa na naramdaman niya nang makita ang bulto ni Grego na nakatayo malapit sa bintana at tinatakpan ang liwanag ng buwan na nagmumula roon. Nakapasok na pala ito ng kwarto nang hindi niya napapansin.

Something About Her (EROTIC ROMANCE)Where stories live. Discover now