Lugar kung saan ko nakilala si Nikos...

At maaaring maraming simula mula sa misteryosong nakaraan...

Unti-unti kong inangat ang aking kanang kamay patungo sa aking nakataling buhok, hinawakan ang maliit na panali nito at dahan-dahang hinila dahilan kung bakit yumakap ang aking mahabang buhok sa umiihip na hangin.

Ang aking magarang kasuotan ay unti-unting tinanggal sa aking katawan kasabay ng aking paghakbang patungo sa kristal na umaagos.

Kung ako'y higit nang pipiliin ang responsibilidad bilang reyna'y nais kong damhin ang kalikasan bilang isang dyosa sa huling pagkakataon...

Lumaglag sa lupa ang huli kong kasuotan na siyang naglantad sa aking buong kahubaran. At muling nakipag-isa ang aking katawan sa apat na elementong ngayo'y pag-aari na rin ng aking punyal.

Katawan ay nilamon ng tubig sa banayad nitong paraan, aking mahabang buhok ay sumayaw sa galaw ng malamig na tubig, hugis ng buwan sa ilalim ng asul na tubig ay hindi natitinag, musikang dapat katahimikan napalitan ng makapangyarihang bulong...

Bulong ng isang diyosang katulad ko'y itinakwil... katulad ko'y niyakap ang panibagong responsibilidad na wala sa kasulatan o prediksyon ng Deeseyadah.

Nakangiting labi ng Diyosa ng asul na apoy ang sumalubong sa akin, kanyang mga mata'y nakatitig sa akin sa aming magkasalungat na posisyon. Katulad ko'y tanging tubig ang kanyang kasuotan, mahabang buhok ay sumasayaw, aming mga katawa'y pag-aari ng kalikasan.

Nanatiling hindi gumagalaw ang aking katawan, ngunit ang kanyang mga kamay ay magaang nakahawak sa aking magkabilang pisngi, dahan-dahang inilapit ng diyosa ng asul na apoy patungo sa akin ang kanyang mukha hanggang ang dulo ng aming mga ilong ay tila magkalapat na.

"Leticia, alam kong darating ang panahong magbabalik ka."

"Magbabalik dala'y walang katapusang katanungan."

"At ikaw lang ang makasasagot..."

"Ngunit bakit ako? Bakit ako ang napili mo?"

"Dahil katulad ko'y may sarili kang paniniwala, may nais itama... na wala sa mga isinisilang ng mga diyosa. Kakaiba ka..."

"Ngunit ako'y naguguluhan... ang daming dapat ayusin at hindi ko alam kung paano magsisimula..."

Hindi sumagot ang diyosa ng asul na apoy, sa halip ay hinayaan niya akong magpatuloy.

"Kung buong puso kong tatanggapin ang tungkuling ito, tuluyan ko na bang tatalikuran ang Deeseyadah? Ang mundong nagluwal sa akin, ang mundong nagbigay sa akin ng pangalan. O tamang sabihin na ang Deeseyadah mismo ang tumalikod sa akin, lumayo ako para hindi na sila muling pasakitan at salungatin sa kanilang mga mata, ngunit bakit paulit-ulit akong bumabalik sa ganitong sitwasyon?"

"Leticia, nais kong ipaalala sa'yong kainlanman ay hindi tayo itinakwil ng Deeseyadah, ang mga diyosang naririto na ayaw tumanggap ng pagbabago, sila ang nagtulak sa atin palayo... ang Deeseyadah ay para sa ating lahat."

Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko.

"Kayong dalawa ng hari ang tatapos ng lahat ng ito, Leticia, huwag kang matakot lumaban, huwag kang matakot harapin ang mga diyosang hanggang ngayon ay nais manatiling bulag, huwag kang matakot yakapin ang bagay na dapat ay sa inyo ng kilalang hari ng Sartorias."

"Tumayo ka sa tabi niya, hawakan mo ang kanyang kamay, haplusin mo ang kanyang mga sugat, bulungan mo siya ng pagmamahal, yakapin mo siya ng iyong kapangyarihan at lunurin mo siya ng iyong mga halik na kaisa-isang bagay na makapagpapaluhod sa kanya... at sabay kayong humawak ng espada..."

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora