"Hindi ka pamilyar sa amin, naipagtanong ka na namin sa ilang nagdadaan? Saang emperyo ka nga pala galing, hija?"

Saglit akong lumingon kay Dastan, katulad ko ay may ilang kalalakihan na rin pala ang nakalapit sa kanya at base sa paraan ng pakikipag-usap ng mga ito kay Dastan ay hindi lang ito ang iisang beses na nagkausap sila.

"Natad, nais muna naming hiramin ang iyong kasintahan."

Agad lumingon sa amin si Dastan, nakarehistro na sa kanyang mga mata ang hindi pagsang-ayon ngunit ako na lang ang tumango sa kanya. Wala naman sigurong masama na sumama sa kanila, isa pa, mukhang nawiwili na rin siyang kausap ang mga kalalakihan.

Alam kong ang bawat salitang naririnig ni Dastan sa mga nilalang na nakasasalamuha niya rito sa labas ng kanyang palasyo ay isa nang napakalaking tulong sa kanya bilang hari.

Nais niyang marinig ang kalagayan ng kanyang nasasakupan mula mismo sa mga bibig ng mga ito at hindi ko nais agawin sa kanya ang magandang oportunidad na ito.

"Nais ko rin silang makasalamuha, Natad. Hanapin mo na lang ako mamaya." Ngumiti ako kay Dastan.

Isang beses lang siya humakbang na akmang hindi pa rin sasang-ayon, ngunit sabay umakbay sa kanya ang dalawang lalaki na kung hindi nagkakamali ay isa ring bampira at nilalang na malapit sa pamilya ng mga lobo, sila iyong may walong buntot na nag-aanyong tao kung kanilang nanaisin.

Ano kaya ang kanilang magiging reaksyon sa sandaling kanilang malaman na si Natad ang siyang kanilang hari?

Hindi na nakaangal si Dastan nang muli akong tumango sa kanya, hinila na ako ng mga kababaihan papalayo sa kanila. Dinala niya ako sa iba't-ibang uri ng kubon na may handang maraming klase ng pagkain na maaari sa kahit sinong nilalang.

At hindi ko akalaing magugustuhan ko ang mga ito!

"Ano'ng iyong ngalan?" tanong ni Mianna na isang sirena na naka-anyong tao ngayon.

"Leticia..."

"Buong akala ko'y hindi na magdadala ng dalaga si Natad, alam mo ba na ilang kadalagahan na ang sumubok kunin ang kanyang atensyon?" ito rin ang sinabi sa akin ng mga naunang nakasalubong namin.

Kilala si Dastan ng mga kadalagahan sa lugar na ito at ang maskara niya ay hindi maaaring itago ang kanyang karisma.

"Ngunit siya'y mailap, kaya naman pala... siya'y may kasintahan na." Sabi naman ni Alondra, isang babaylan.

"Isa ka bang bampira?" tanong ni Eleya, babaeng lobo.

Natigilan ako sa kanilang katanungan, marahil ay inaakala nilang isa akong mahinang nilalang dahil mahigpit kong itinatago ang aking malakas na presensiya upang walang makapansin sa akin.

Agad akong nag-isip ng isang klase ng nilalang na hindi nila paghihinalaan ng nakakubling kapangyarihan.

"Isa akong Middelei..."

Napatitig sila sa akin, may kaunti akong nalalaman sa ganitong mga nilalang, sila'y may kaunting patak ng dugo ng mga bampira ngunit kahit anong kagat ng isang bampira ay hindi ang mga ito magagawang bampira, kilala sila sa liksi at estratihiya sa pakikipaglaban pero higit pa rin malalakas ang ibang nilalang sa kanila.

"Kung gano'n ay itinakda pala si Natad sa isang magiting at masipag na Middelei, ngayon ay wala ka sa serbisyo? Nakabasyon?" tumango ako.

Nagpatuloy kami sa paglalakad, bumili pa sila ng bulaklak na korona at kapwa kami naglagay sa aming mga ulo.

"Dahil ikaw ay kanyang kasintahan, marahil ay nakita mo na ang kanyang kaanyuan?" saglit akong natigilan. Paano ko ito sasagutin?

Hindi ito nasabi sa akin ni Dastan, ngunit handa ba akong tumahi ng sunod-sunod na kasinungalingan? Ang pag-kaila sa aking uri bilang isang dyosa ay isa nang kasalanan.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Where stories live. Discover now