Hinayaan niya itong lumutang sa ere at pinagsalikop niya ang aming mga kamay sa isa't-isa, kanyang mga mata'y gumala rito na parang makikita niya pa ang mga bakas ng gintong pamalo ni Maestra.

"Madali lamang itong naghihilom, k-kamahalan..."

"Ngunit ang alaala'y--- sana'y may kakayahan akong magbura ng masasamang alaala, aking dyosa..." umiling ako sa kanya.

"Hindi ko nanaising may mawala sa mga alaala ko, masakit man ito o magandang alaala, Dastan." Kinuha ko ang kabibe sa ere gamit ang isa kong kamay.

At hinila ko na si Dastan para magpatuloy kami sa paglalakad. Siguro'y ang pamamasyal na ito ay isa na rin paraan para lubos naming makilala ang isa't-isa sa mga panahong kami'y magkalayo pa.

Nawala na muli sa malalim na pag-iisip si Dastan at nagsisimula na ulit siyang magtanong sa akin.

"Sa gintong puno kami isinisilang dala ng dasal at sayaw ng kapwa namin mga dyosa. Wala kaming mga magulang Dastan o di kaya'y opisyal na pamilya katulad n'yong mga bampira."

"Ngunit may mga diyos din, hindi ba?" tanong ni Dastan. Tumango ako.

"Sila'y may ibang mundo sa amin. Tanging babae lamang ang maaaring manatili sa Deeseyadah." Nagsisimula ko nang mapansin ang kalituhan sa katanungan ni Dastan.

"Si Hua ay sinabi mong langgam, wala ba itong kasarian?" tanong ni Dastan.

Saglit akong napaisip, si Hua ay nagawang mag-anyong isang binatilyong bampira. Isa na ba itong indikasyong lalaki siya? Ngunit hanggang ngayon ay misteryo pa rin ang pananatili at ang pagpayag ng mga dyosa sa pananatili ni Hua sa tabi ko noon pa man.

"Siya'y isang binatilyo--" naalala kong minsan ko na siyang nakasama nang una akong nagtungo sa kaharian ng Parsua Sartorias.

"Siya'y kasama ko nang una akong nagtungo sa palasyo n'yo." Muling natigilan si Dastan at inalala nito si Hua. Nagkaroon ng pagrehistro ang kanyang mga mata bago kumunot ang kanyang noo.

Inakala kong magtatanong pa siya tungkol kay Hua nang ibang katanungan muli ang ibinigay niya sa akin.

"Ibig sabihin ay literal kayong tila namumunga sa isang puno na dasal at sayaw lamang ang ritwal?" tumango ako.

"Nakakamangha..." bulong nito.

"Ngunit may iba't-ibang klase ng dyosa, hindi lang ang Deeseyadah ang natatanging mundo ng mga dyosa. May mga dyosa rin na isinilang sa pamamagitan ng---" ramdam ko ang pag-iinit ng aking pisngi.

Sumulyap sa akin si Dastan.

"Pakikipagtalik sa isang diyos..." mahinang sabi ko. "Mas malaki ang populasyon ng mga dyosang dito nagmula kumpara sa amin ngunit sa larangan ng kapangyarihan ay higit kaming malalakas. Ang mga dyosang nagmula sa Puno ng En Aurete..."

"Komplikado ang mundo ng mga dyosa."

"Marahil..." sagot ko kay Dastan.

Hindi na matapos ang paglalakad namin ni Dastan, may mga bumabati pa rin sa kanya at hindi man lang siya pumapalyang bumati pabalik sa mga iyon.

"Paumanhin aking reyna, alam kong nasabi mo sa akin na ika'y hindi pa handang dalhin sa'yong sinapupunan ang ating unang supling, ngunit ako'y nangangamba, kung ika'y nagmula sa mundong ang mga dyosa'y isinisilang—" dinala ako ni Dastan sa isang libreng upuan na malayo na sa pamilihan.

Nasa isang pasyalan na kami na napupuno ng mga halaman at paru-paro, may mga nilalang pa rin dito na tulad namin ay mukhang namamasyal, kapwa kami nakaupo ni Dastan at ang mga kamay niya sa aking pisngi.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Where stories live. Discover now