Nagkaroon muli ako ng pagpapares ngunit hindi ito nagtagumpay, panibagong emperyo ang nalaho. Panibagong pagmamahalan na naman ang nagkaroon ng trahedya, halos patayin ko na ang sarili ko sa ikalawang misyon na walang salitang tagumpay. Nasa gitna na ako ng pagtigil... ngunit ang dalawang pares ng bampira at lobo na siyang minsan kong hinayaang magmahalan ay dumalaw sa aking panaginip at pinaulanan ako ng pasasalamat na hindi ko inaasahang matatanggap sa kabila ng desisyon kong malayo sa tagumpay.

"But you have progress, Leticia... at alam kong may ideya ka na rito." Nang mapansin kong humakbang si Nikos sa bintana ng dimensyon, sumunod ako sa kanya.

Dahil ang ikatlong bampira at lobo na siyang ipinares ko ay hanggang ngayon ay hindi nagkakaroon ng kahit anong epekto sa paglalaho ng isang emperyo.

"Sa tingin mo ay humihina ang sumpa?" tanong ko kay Nikos.

"No. The goddess of the moon is getting stronger. Ang kapangyarihan mo'y maaaring humigit sa dyosa mula sa nakaraan, unti-unti mon ang natatalo ang sumpa, Leticia."

Nakagat ko ang labi ko habang pinagmamasdan ang imahe ng bampira at lobong kasalukuyan nang nagtatago mula sa kanilang mga lahi.

"Kung sumpa lang ang aking kalaban, siguro'y mas magiging madali ito. Ngunit hindi ko masisisi ang mga bampira at lobo, isang emperyo ang kapalit nito. Takot sila."

Tumango sa akin si Nikos. "And we couldn't just inform them that a vanishing empire is no longer a threat. Should I go down and inform them? Sinong maniniwala sa akin?"

Natatawang sabi nito. Totoo ang sinasabi ni Nikos, maaaring may bumaba sa amin ngunit ang malaking katanungan, sino ang bababa? Ako na wala nang paraan para makababa pa sa lupa katulad ng dati? O siya na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin ng mga bampira sa krimen na hindi niya ginawa?

Ang hirap isipin na may hangganan ang kaya kong gawin.

Kapwa na kami nag-iwas ng tingin ni Nikos sa bintana ng dimesyon nang humigit pa sa halik ang ginawa ng bampira at lobo.

"I am wondering... hindi ba't sinabi mo sa akin na dalawang pares na magkasunod ang 'yong ibinulong sa buwan, Leticia. Hanggang ngayon ay hindi pa kita nakikitang nanunuod sa pangyayari ng ikalawang pares."

Natigilan ako sa paglalakad sa katanungan ni Nikos, sinadya kong hayaang bulag ang aking sarili sa huling pares ng lobo at bampira.

"What are they? Ordinary vampire mated to an alpha? Beta? Or a royal blood mated to a powerful wolf?"

Kilala ako ni Nikos, ang mga nakaraang pares ay pinipili ko mula sa mga mabababang posisyon sa takot na magkaroon ng mas malaking komplikasyon. Hindi ko kailanman ginalaw ang matataas na uri ng mga bampira o lobo dahil alam kong ang komplikasyong maaaring magawa ko ay hindi lamang aabot sa mismong bampira at lobo lamang kundi pati na rin sa kanilang mga nasasakupan.

Ngunit binigyan niya ako ng ideya. Isang ideya na siyang huli kong panghahawakan, hindi man magtagumpay ang aking ikatlong pares. Ito na ang aking huling alas.

Pinili kong hindi sagutin si Nikos. Bumalik ako sa aming lamesa at sa pagkakataong ito ay ako ang nagbasa ng kanyang aklat. Buong akala ko ay hahayaan niya na ang kanyang katanungan, pero mas lumapit ito sa akin.

"Leticia?"

"Napapansin ko na masyado ka nang madaldal para sa isang bihag, Nikos." Tumawa ito sa sinabi ko.

Inagaw nito ang aklat na hawak ko. Sumandal sa lamesa at ibinalik ang pagkakabukas nito sa pahinang kanyang binabasa kanina.

"Matagal na akong pinalaya ng isang dyosa, ako'y isa na lamang panauhin." Tumaas ang kilay ko sa sinabi nito.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon