Siguro.

Nag-ring na ang bell kaya lumakad na kami ni Jiyo papunta sa room namin. Pagdating sa room, nagulat ako kasi nandoon—

Nandoon si Avery.

Nanlalaki ang mga mata ko. Napakurap-kurap ako habang nakatitig sa pamilyar na pigura ng likod ni Avery. Buhaghag ang buhok niya. May suot na jeans at itim na damit.

Nang mapalingon siya sa amin, nagulat din siya.

Mabilis siyang nag-iwas ng tingin at bumalik sa harapan ng teacher. Nakatayo siya sa gilid ng teacher's table at tila may inaasikaso.

"Kitz," sabi ni Jiyo, inuudyok akong maglakad. Windang pa rin akong nakatitig kay Avery.

Isang buwan din siyang nawala.

"Sigurado ka rito, hija?" narinig kong bulong ni Ma'am Henez. Nakita kong tumango si Avery.

May binigay siyang form kay Avery habang nakatitig lang ako sa kanya. Nang makita ko siya bigla ko ulit naramdaman ang sakit noong huling takipsilim na nakasama ko siya. Kapag nakikita ko ang mga mata ni Avery . . . naaalala ko kung paano doon kumislap ang mga luha niya.

Akmang aalis na siya kaya biglang tumalon ang puso ko. Hahabulin ko sana siya para kausapin, tanungin, yakapin, ewan, kaso pagkatayo ko, nagtama ang tingin namin ni Ma'am Henez.

"Saan ang punta?" tanong sa 'kin.

Kaya wala na lang akong nagawa kundi tumitig kay Avery na naglalakad nang palayo.

Ulit.

Ulit.

Paulit-ulit na senaryo.

Nakakasura na.

Ito na lang ba ganap ko sa buhay niya?

Pinaupo ako ni Jiyo at napalunok naman ako. Nakakunot ang noo niya sa 'kin, bago siya tumingin sa guro namin sa harapan.

Napahinga ako nang malalim at napasabunot sa sarili. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Sobrang inis ang bumabalot sa dibdib ko, halos hindi ako makahinga. Isang buwan nawala si Avery pero hindi ko man lang siya nakausap ko nakamusta o kahit anonman. Hindi rin man lang niya natingnan nang maayos sa mga mata.

Siniko ako ni Jiyo.

Magkarugtong ang kilay, tiningnan ko siya. Nakatingin siya sa 'kin nang may nagtatanong na mga mata.

"Sabihin ko na ba sa 'yo?"

Nilingon ko siya. "Ang ano?"

Bumuga ng malalim na hininga si Jiyo at napahilamos sa mukha.

"Jiyo," sabi ko. "Ano? Ano ba talaga meron?"

Nakatingin si Jiyo sa notebook niya, nakakunot ang noo.

"Baliw na baliw ka talaga sa kanya," bulong niya. Tumingin siya sa 'kin. "Kitaro, umakyat ka sa library mamaya."

Nagtaka naman ako. Napatuwid ako ng upo. "Bakit?"

"Basahin mo 'yung binasa ko nung nakaraan," sabi niya. Kumurap ulit ako dahil hindi ko maintindihan. Bumuntung-hininga siya tapos may sinulat sa notebook. "'Yung history ng San Sebastian."

Napatingin ako sa paligid pabalik kay Jiyo, nakakunot na ang noo. "Pre, wala akong oras para sa book recommendations mo. Saka alam mo namang pinakaayaw kong subject ang history tapos—"

Pinunit niya ang papel na 'yon saka nilagay sa desk ko.

"Manahimik ka na lang at basahin mo ang laman niyan," sabi niya. "Baka mas maintindihan mo."

Her Name is Not Avery (Kyoku #1)Where stories live. Discover now