Chapter 14 - My Sun & Moon

Magsimula sa umpisa
                                    

     Ganun pa man, may suwail na parte ko ang sumisigaw na mayroong pag-asa, may pag-asa ako sa kanya, may pag-asa ang kami. Sya ang humalik sa akin.

     At marami man akong kaagaw, lamang naman ako sa kanila ng dalawang halik.

 
  
Sabado. Mayroon kaming maghapon para sa huling araw ng praktis namin ni Eros bago ang rehearsal nila bukas. Sa totoo lang, parang wala kaming narating nitong mga nakaraang araw at duda ko na may mararating kami ngayon.

     Katulad dati, hindi ako magawang tignan nang matino ni Eros. Tiyak na dahil iyon sa paghalik nya sa akin nung malasing kami ngunit duda ako na malinaw nyang natatandaan. Tila isa iyong bomba sa loob ni Eros na ano mang oras ay maaaring sumabog ngunit ginagawa nya ang lahat upang pigilan ito.

     Ginagawa ko naman ang lahat para hindi sya mailang sa akin. Pinipilit ko na maging katulad lang ang lahat ng dati kahit na ang traydor na boses sa likuran ng isip ko ay sumisigaw na gamitin ko ang naganap para sa pabor ko. Pinapaalala ko na lang sa sarili na dahan-dahan lang; hindi ko dapat biglain si Eros at baka ang papasinding pag-asa ay mamatay pa.

     "Scene 14 tayo?" tanong ko.

     "Okay, sige," hindi pinag-isipang sagot ni Eros. Linipat nya ang pahina ng hawak na script upang marating ang eksenang napili ko.

     Ang scene 14 ang isa sa pinakagusto ko sa Mahiwagang Batis. Ito yung pagkakataon na unti-unti nang binubuksan ni Elena ang puso para kay Mario. Wala nang kaso sa akin ang pagganap ulit sa Dyosa, mas na-enjoy ko pa sya kaysa kay Mario.

     Sa personalidad, magkalapit kami ng bidang lalaki. Adventurous, impulsive, laging sentro ng problema at gagawin ang lahat para sa bagay na gusto nya. Pero sa sitwasyon ko ngayon, ako si Elena; takot ibigay ang puso sa isang tao dahil baka basagin nya lang ito. Pero ang pinagkaiba namin, ang puso ko ay hawak na ni Eros.

     "Elena," pagtawag ni Mario sa Dyosa. Alam na ni Mario na ang babaeng kanyang kasama ay iba sa lahat. Sa eksena, magkatabi silang nakaupo sa may pampang, ang tanaw ay nasa anyong tubig sa kanilang harapan. Ang buwan sa kalangitan ay buo at maliwanag. "Anong gumugulo sa isip mo?"

     "Ikaw," sagot ng Dyosa. "Ibig kong malaman, nagmahal ka na ba nang tunay, Mario?"

     "Bago ka?" nakangising tanong ni Mario.

     "Kaduda-dudang tunay na pagmamahal yan, Mario," tugon ni Elena. "Sandali pa lamang tayong magkakilala."

     "Alam ko," pagsang-ayon ng binata. "Pero ngayon ko lang to naramdaman–sayo ko lang to naramdaman, Elena. Dito—wag mo nga akong tignan nang ganyan," biglang suway ni Eros.

     "Ha? Ano?" gulat kong tanong. "Anong problema mo?"

     "Basta wag kang tumingin nang ganyan," pilit nya. "Para kang manyak."

     "Manyak ka dyan!?" reklamo ko. Linapag ko sa lamesa ang kopya ko. "Ang ganda-ganda na ng nabuo kong emosyon bigla mong sisirain." Normal lang naman ang tingin ko sa kanya, kung ano lang ang hinihingi ng eksena. Problema nito?

     "Ayan, ayan yung kailangan mo pang i-develop," dagdag ko. "Eye contact. Tapos siguro dapat kahit papano gawin na rin natin yung mga kilos sa eksena," suhestiyon ko.

     "Ha?"

     "I mean, yung mga simple lang," sabi ko. "Katulad ngayon dapat kukunin ni Mario ang kamay ni Elena at ilalapat sa dibdib nya."

     "Eh," angil ni Eros. "Gusto kong magbasa muna ngayon, bukas na yung sa memorya lang. Pati yang eye contact at kamay-kamay na yan."

     "Arte mo," puna ko. "May boobs ka ba? Ilalagay lang yung kamay ko sa dibdib. Para masanay ka na rin."

     "Psh," singhal ni Eros pero binitawan na rin nya ang script. "Game, bilisan mo na."

     "Hmm. Hindi naman ako yung maarte, eh."

     Binigyan muna ako ni Eros ng matalim na tingin bago sya pumikit upang ibalik si Mario sa sistema.

     Sa naputol na eksena, pumunta si Mario sa harapan ni Elena para magtagpo ang mga mata nila upang maipakita ng binata ang sinseridad sa mga sinasabi. Kami naman ni Eros ay magkaharap na nakaupo sa may lamesa.

     Sa pagdilat muli ni Eros iba na ang dala ng mga mata nya. Nakita ko ang pagmamahal na gustong ipakita ni Mario kay Elena. Tinumbasan ko naman ito ng nararapat na tingin mula sa Dyosa.

     "Alam ko," pag-ulit ni Eros. "Pero ngayon ko lang to naramdaman–sayo ko lang to naramdaman. Dito," kinuha nya ang kamay ko. Sa paglapat ng palad ko sa kanyang dibdib, naramdaman ko ang init ni Eros at bilis ng tibok ng kanyang puso. "Dito iyon nagmumula."

     "Nakatitiyak ka ba?" tanong ko.

     Mas humigpit ang hawak ni Eros sa kamay ko. Hindi ko iyon pinansin, may linya akong hinihintay mula sa kanya. Gusto ko iyong marinig mula sa labi ni Eros. Kahit arte lang.

     "Sigurado ako," pagkumbinsi ni Eros. "Maha—tama na. Ayaw ko na," pagputol nya sa linya kasabay ng pagbitaw sa kamay ko.

     Bago pa ako maka-react nakatayo na si Eros at naglakad papunta sa may pinto. "Ano?! Bukas na to, Eros. Ngayon ka pa ba maggaganyan?"

     "May pupuntahan nga pala ako," dahilan ni Eros. "Mamaya na lang siguro. O sa susunod na lang. Wala talaga ako sa mood ngayon. Masama ang pakiramdam ko."

     Napabuntong-hininga na lang ako.

     Chill lang, Zach. Kaya mo yan, dahan-dahan lang. Alam mo naman na magiging worth it ang lahat. Worthy si Eros sa lahat ng paghihirap.

     Walang susuko. Laban lang.

•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•
So far, ano ang paborito nyong eksena at bakit?

The Bathroom Love Affair (Published Under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon