Ang True Love, Nagtitiis

9.7K 256 30
                                        

Ang true love, marunong magtis.

HOPELESS romantic ang nanay ko. Romance author kasi. Actually, sa kanya ko siguro nakuha ang talent na magsulat. Siguro, sa kanya ko din nakuha 'yong pagiging prone sa sakit. Sa cancer. Sa heartbreak.

Minsan, teenager ako, isang obese na teenager, tinanong ko si Mama, "Ma, paano ba malalaman kapag true love?"

Mula sa TV screen kung saan napapanood ang paborito niyang teleserye, tumingin siya sa 'kin. Ngumiti siya. Tapos, hinaplos niya ang pisngi ko na punong-puno ng pimples.

"Ang true love, iyon 'yong kapag kaya mong ibigay ang lahat para sa tao," sabi ni mama. Nakangiti siya, pero ang mga mata niya, hindi. "Ang true love 'yong hindi na nagtitira sa sarili."

"Masama daw 'yon sabi ni teacher," sabi ko. "Dapat daw palaging nagtitira sa sarili."

Ngumiti si mama. "Sana nga gano'n na lang 'yon kadali. Sana madaling magtira sa sarili."

Napakurap ako. Tapos nagtanong ako uli. "True love mo ba si papa?"

Naglayo ng tingin si mama. Sa TV screen uli, pero para bang wala na siyang nakikita doon. O parang ang napapanood niya doon, iyong ilang taon niyang pagtitiis para sa pag-ibig.

"Oo."

"Ikaw ba ang true love n'ya?"

May pumatak na mainit na likido sa pisngi ko. Mga luha ni mama.

"Hindi anak, eh," sabi niya, bahagyang nabasag ang tinig. "Iba ang true love niya."

Naalala ko, nakaramdam ako ng sobrang awa kay mama nang sabihin niya 'yon. Wala lang kasi akong katiting na maturity no'n, eh, teenager pa kasi. Alam ko naman na iniwan kami ni papa. Sana hindi na lang ako nagtanong pala.

"Eh 'di ang unfair," sabi ko. "Dapat, 'pag pinagtagpo ang dalawang tao, dapat, true love nila ang isa't-isa."

Natawa lang ang mama ko. "Hindi laging gano'n, anak. Minsan, 'yong mga pinipili nating mahalin, hindi 'yon 'yong pinili ng Diyos para mahalin tayo."

I just looked at the sad, hollow face of my mother. Hindi ko po alam noon na may cancer siya. I asked her:

"Paano mo malalaman kapag true love na 'yong nararamdaman sa 'yo ng isang tao?"

My mother sniffed. "Makikita 'yon sa mata."

Pagkatapos niyon ay wala na siyang sinabi. Ibinalik niya ang atensyon niya sa pinapanood niya sa TV.

"'Wag mong gayahin si mama, ha," sabi niya sa 'kin mayamaya, nang mag-commercial break. Hinaplos niyang muli ang mukha ko at tiningnan ako ng punong-puno ng pagmamahal. "'Wag kang magtitiis para sa maling lalaki. 'Wag kang magmamahal nang sobra. 'Wag kang magbibigay ng buo. Anak, ha? Ipangako mo 'yan, ha?"

"Ma..."

"Ipangako mo 'yon kay mama. Ha?"

Ngumiti ako, kahit nagtataka ako noong mga panahong iyon. "Sige, ma. Hindi ako magpapakatanga."

Tumango-tango si mama, sabay naglaglagan muli ang mga luha niya sa pisngi ko.

"Ipangako mo sa 'kin. Ipangako mo na hindi ka magmamahal ng sobra..." sabi niya. "Walang nagmahal ng sobra na naging masaya."

At oo, ipinangako ko, hindi ako magmamahal nang sobra.

And they said promises were made to be broken.

SundoWhere stories live. Discover now