Muli siyang nagpakawala ng malalim na hininga. Sigurado siyang interesado sa kanya si Akira, ramdam niya iyon. Pero hindi siya papayag na mapasama sa listahin ng mga naging secret affair ng babaeng ito. Iyon ang isang bagay na hinding-hindi niya hahayaang mangyari.

Ang plano ko noon gamitin ka para makuha ang gusto ko, pero mukhang nababaliktad ang nangyayari, Akira. And I can’t let that happen. Kapag hinayaan ko ito hindi lang ang partnership ang mawawala kundi pati ang sarili ko, aniya sa sarili.

Binawi na niya ang tingin mula sa dalaga at mabilis na naglakad pabalik sa kanyang kotse.

*****

KONTENTO sa pagkakaupo sa ibabaw ng kanyang kama si Akira. Nakasandal ang likod niya sa headrest ng kama at nakapatong naman sa mga hita niya ang isang malaking unan, sa ibabaw niyon ay ang kanyang laptop.

“Ano? What do you think?” tanong niya kay Perrie na kausap niya sa Skype.

“Inayos mo ba talaga ang pagre-research nito?” balik tanong ni Perrie sa kanya.

“Yes,” mabilis niyang sagot.

“So you really think na ang Hovert Construction at Torres Builders ang pinaka-magandang options na mayroon kayo?” tanong pa ni Perrie.

“Oo,” tipid pa rin niyang sagot.

Nakita niya na muling tiningnan ni Perrie ang tangan nitong mga papel. Kopya iyon ng ginawa niyang research tungkol sa mga construction company na gustong makipag-partner sa kanila. Ibinigay niya iyon sa kaibigan at ipina-check kung ayos na ba ang ginawa niyang research. Noong nakaraang gabi kasi ay kinausap siya ng kanyang ama at sinabi nitong dapat ay maibigay na niya rito ang ipinagawa nito sa kanyang feasibility study by Wednesday next week.

“Mukha namang well researched nga ito,” ani Perrie.

“Sigurado ka? Sa Wednesday na kasi 'yan hinihingi ni Daddy, and I only have four days to polish it.”

Tiningnang mabuti ni Perrie ang mukha niya sa monitor nito. “Oo nga. So, alin ba ang ire-recommend mo kay Tito Joaquin? Ang Hovert or ang Torres?”

Hindi siya umimik. Pigil niya ang sarili na singhalan ang kaibigan. Hindi nga ba’t kaya siya nagpapatulong rito ay dahil hindi nga niya malaman kung alin nga ba ang pipiliin niya sa dalawa? Napakamot siya sa ulo.

“Akira,” maya-maya ay sabi ni Perrie. “Sana lang gamitin mo ang utak mo sa pagdi-desisyon ha. Kung ako ang nasa posisyon mo, I would choose the Torres. Sa totoo lang mas maganda naman ang company background nila, hindi nga ba’t may mga nagawa na din silang projects sa ibang bansa?”

“Oo, pero hindi rin naman papahuli ang Hovert in terms of—”
“Hay naku,” putol sa kanya ni Perrie na pailing-iling pa. “I am very sure na talagang ang Hovert ang gusto mong maging partner ninyo. Hindi mo lang magawa-gawang deretsahin kasi alam mong babarahin lang kita.”

Nawalan siya ng kibo. Gusto sana niyang ipagtanggol ang sarili at sabihin na hawak naman nito ang katibayan na talagang pinag-isipan rin naman niya iyong mabuti pero pinigil niya ang sarili.

“I know it’s because of Raizen kaya sobra mong kino-consider ang company nila. Pero Dear, please lang matuto ka namang ihiwalay ang issue sa guys at sa business. Tandaan mo, malilintikan ka kay Tito Joaquin oras na pumalpak ang decision mo. At isipin mo rin ang maraming tao na maaapektuhan once na magkamali ka ng desisyon.”

Hindi niya napigilan ang mapasimangot. “Alam ko naman 'yon. Ano ba’ng akala mo sa akin hindi gumagamit ng utak? Kung hindi ko gustong pag-isipan 'yan ng maayos, eh 'di sana hindi na ako nagpakahirap na mag-research pa, 'di ba? Kahit naman luka-loka ako alam ko naman kung ano ang nakataya sa magiging desisyon ko!” nanghahaba ang nguso na sabi niya.

Posh Girls Series Book 2: Akira (Complete; Published by PHR)Where stories live. Discover now