“Ano?!” nagulat na sabi nito.

“Sabi ko bumaba ka na.”

Lalong tumaas ang kilay ni Moira. “Akala ko ba magdi-dinner tayo?”

“Manonood nga kami ng concert ni Raizen, 'di ba? Bumaba ka na,” parang balewalang utos niya sa kaibigan.

“Are you serious?! Pinilit-pilit mo ako kanina na samahan ka and then now tumawag lang ang lalaking iyon, you’re gonna kick me out of your car?!” mahihimigan ng inis na sabi ni Moira.

“Eh, tutal sabi mo naman hindi mo talaga puwedeng iwan ang mga patient mo, 'di ba? Ayan na, 'di na kita aabalahin,” aniya at ngumiti pa.

Bakas sa mukha ni Moira ang tinitimping panggigigil. “Masasabunutan na talaga kita!” inis na sabi nito habang tinatanggal ang seatbelt.

“Sorry, I’ll make it up to you some other time,” aniya na hinawakan ang magkabilang pisngi ng kaibigan para sana halikan ang pisngi nito pero umiwas ang babae at pinalis nito ang kanyang mga kamay.

“Don’t touch me!” asik nito sa kanya. “Pagdating talaga sa lalaki ganyan ka, kayang-kaya mo kaming ipagpalit!”

“Sobra ka!” nakalabi niyang sabi. “Ngayon lang naman, eh.”

“Ewan sa 'yo!” binuksan na ni Moira ang pinto ng kotse.

“Huwag ka ng magalit, babawi na lang ako. Hindi ba’t may outreach program kayo next week? Sasama ako promise!” pahabol pa niyang sabi nang bumaba si Moira ng kotse.

“Don’t bother!” ani ng babae bago nito padabog na isinara ang pinto ng kotse niya at saka nag-martsa pabalik sa ospital.

Nangingiting ini-start na niya ang kotse. Alam niyang nainis talaga si Moira pero kilala rin naman niya ang kaibigan. Konting lambing lang niya rito ay lalamig na rin ang ulo ng babae.

****

“NAG-ENJOY ka ba?” tanong ni Raizen kay Akira nang bumalik ito sa kanilang lamesa bitbit ang isang tray na may lamang dalawang iced coffee at cake. Halos mag-aala-una na nang madaling araw nang matapos ang concert na pinanood nila. Pagkagaling doon ay nagyaya pa si Raizen sa isang coffee shop.

“Oo naman,” aniya na pilit ang ngiti. Paano ba naman siya mag-i-enjoy? Una, hindi talaga nga niya hilig ang ganoong musika. Pangalawa, nanakit ang tainga niya dahil halos nasa makaharapan sila ng stage, at bukod sa lakas ng sound system ay nakakatulele rin ang sigawan ng mga tao. Pangatlo ay ilang beses siyang naapakan at nasiko ng mga tao kanina nang palabas sila sa venue ng concert.

Ngumiti ang binata. “Kapag may mga ganitong concert madalas akong binibigyan ng kaibigan ko ng ticket.”

“So mahilig ka sa mga local bands?” tanong niya.

Tumango ito bago nagsubo ng cake.

Ako hindi, naisaloob niya. Kaya sana ito na ang una’t-huling isasama mo ako sa ganito.

Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Pinakikiramdaman lang niya ang binata habang kumakain sila. Kahit hindi niya ito tinitingnan ay nararamdaman niyang nakapako ang mga mata nito sa kanya.

Nang mag-angat siya nang tingin ay nagtama ang kanilang mga mata. He didn’t take his gaze away from hers. Siya din ang unang nagbawi ng tingin. Ito ang kauna-unahang beses na siya ang nagbabawi ng tingin sa isang lalaki. Usually ay nakikipagtitigan siya sa lalaking gusto niya, iyon ang paraan niya para i-seduce ang natitipuhan niya. Sabi nga ng marami ay ang mga mata niya ang pinaka-asset niya, she has a pair of very expressive and sexy eyes. Pero kapag nagkakatitigan sila ni Raizen ay hindi niya iyon kayang tagalan. Tila kasi tumatagos sa kaluluwa niya ang tingin ng binata.

Posh Girls Series Book 2: Akira (Complete; Published by PHR)Where stories live. Discover now