"Pero ngayon, kilala na kita, hindi ba magiging delikado ang anak ko?"

"Hindi ko alam. Maaaring oo, ngunit alam kong hindi niya ako pababayaan," napakunot naman ang noo ko sa kanyang sagot.

"Sino? Sino ang taong hindi ka pababayaan?" tanong ko sa kanya. Ibig sabihin kung siya ang tagapag protekta sa anak ko, mayroon din nagpoprotekta sa kanya?

"Ako," biglang singit ng isang pamilyar na boses. Umupo sa kanyang tabi ang misteryosong babae na palaging nagsasabi sa akin ng mga wirdong bagay.

"Ikaw?!" gulat na sabi ko. Nginitian niya lamang ako at dahan-dahang tumango. Hindi gaya ng lalaki ay kitang-kita ko ang kanyang mukha na parang nagliliwanag siya.

"Ikaw ba talaga ang protektor ng bantay ng aking anak? Isang wirdo?" asar na tanong ko sa kanya.

"Itanong mo na lamang sa kanya," sabi nito sabay turo niya sa lalaki.

"Oo, siya ang tumulong sa akin," pagkumpirma nito.

"K-kung tinulungan mo siya, a-anong ibig sabihin ng mga sinasabi mo sa akin?"

"Hindi ko rin alam," sabi nito at tumawa ng bahagya. Baliw na bampira siguro ito.

"Ano?! Baliw ka na ba?!" hindi ko mapigilan ang hindi mapasigaw dahil sa inis.

Alam nyo yun, nakakainis kasi hanggat kaya ko ay nagtatanong akong maayos para maayos rin ang isagot sa akin. Napapikit ako sa sobrang inis. Parang gusto kong ihulog sa inuupuan niya ang babaeng iyon.

Biglang nawala yung babae kaya nakahinga ako ng maluwag. Salamat kasi umalis na siya. Baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko.  Baka kung anong magawa ko sa kanya kapag nagkataon.

"Salamat, sa lahat. Kung sino ka man ay nagpapasalamat ako dahil binantayan mo si Europa," sabi ko dito at naghanda na upang bumaba ng puno.

"Nangako ako sa reyna na babantayan ko ang prinsesa sa abot ng aking makakaya," sagot niya at napangiti na lamang ako.

"Salamat sa lahat, aasahan ko na ipagpapatuloy mo iyan."

"Kahit hindi mo sabihin, itutuloy at itutuloy ko ang pagbabantay sa prinsesa," sabi niya at tuluyan ko na siyang iniwan.

Nang malapit na akong pumasok sa aming tahanan ay biglang may humatak sa akin. Yung wirdong babae! Akala ko ba nawala na sya? Sana nga ay permanente na ang pagkawala niya.

Kitang-kita ko ang ngiti sa kanyang mga labi. "Hindi ka ba napapagod sa kakagniti?" tanong ko sa kanya.

Mula sa matamis na ngiti ay napalitan ang kanyang mukha ng pagkaseryoso. "Mag-iingat ka," sabi nito at biglang nawala.

Umirap na lamang ako bago pumasok sa pintuan ng aming bahay. Ang daming pangyayari na sobrang wirdo ngayong araw.

ADRASTEA'S POV

Bumalik ako sa sanga kung saan ako nakaupo kanina. Sa tabi ng tagapag bantay ng prinsesa.

"Pagod kana ba sa iyong tungkulin?" alalang tanong ko sa kanya.

Kahit madilim ay kitang-kita ko siya. Nakikita ko na sobrang lungkot ng kanyang mga mata.

"Hindi ako mapapagod hanggat may panganib na humahabol sa prinsesa," sagot niya at pinilit na ngumiti.

Ngayon, alam ko na kung bakit siya ang napiling maging tagapag bantay. Hindi siya mareklamo at nakikita kong handa niyang ialay ang kanyang buhay para sa kanyang binabantayan. Tunay ngang karapat dapat siyang maging bantay ng prinsesa.

"Adrastea, paano kung nagbago ang unang nakasulat sa tadhana? Anong gagawin mo?" hindi ko inaasahan ang kanyang tanong na iyan. Kahit nagulat ay hindi ko ipinakita sa kanya iyon. Sa halip ay ngumiti ako.

"Gagawa ako ng paraan upang mangyari ang unang nakasulat sa tadhana, kung ano man ang maging kapalit, handa ako," nakangiti kong sagot.

Handa akong mamatay maibalik lamang sa dati ang saya at sigla ng unang kaharian. Maibalik lamang sa mga Moiya ang kontrol nito.

"Kahit buhay mo pa ang kapalit?" tanong niya at walang pag-aalinlangan akong tumango.

Wala akong silbi kung buhay nga ako ngunit ang aking kahariang pinagmulan ay nasa pamamalakad ng mga masasama. Hindi ko hahayaang mangyari iyon.

"Ikaw, paano kung mamatay ka?" tanong ko sa kanya.

"Basta para sa kapakanan ng prinsesa, handa akong tumaya."

Napangiti naman ako sa kanyang sagot. Ngunit hinihiling ko rin na sana ay huwag iyong mangyari. Mawawalan ng bantay at proteksyon ang mahal na prinsesa.

Iniwas ko na lamang ang paningin ko sa kanya dahil nararamdaman kong tutulo na ang aking luha.

Nang hindi ko na kinaya ay walang paalam akong umalis at iniwan siyang mag-isang naka-upo sa sanga.

Hindi ko matagalan ang sarili kong kasama siya, ang bantay ng prinsesa. Naalala ko sa kanya ang isang tao.

Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nakatayo sa lagusan papunta sa unang kaharian.

Nais ko siyang puntahan upang gisingin sa itim na mahikang ginamit sa kanya ngunit hindi ko kaya. Ang kanyang sariling ama lamang ang maaaring magpalaya sa kanya.

Mayroon nga akong mahika at maalam ako pagdating rito, ngunit wala akong magawa upang palayain siya.

Napapikit na lamang ako nang maramdamang tumulo na ang aking mga luha.

"Pakisabi na lamang sa aking ama," nang marinig ko ang boses na iyon ay agad akong nagtungo sa itaas ng puno.

Hinding-hindi ko kailanman makakalimutan ang kanyang boses. Napasulyap ako sa kanyang mga mata. Kitang-kita ko na nais nang magwala ng totoong siya ngunit walang magawa kung hindi maging sunod-sunuran sa kanyang ama. Sa kanyang ama na nilamon ng kadiliman.

Naiwan ang kausap niya at bumalik sa loob ng lagusan. Siya naman ay naglakad. Mabilis kong inayos ang balabal na nakalagay sa aking ulo. Sinundan ko siya sa kanyang paglalakad.

Narito kami ngayon sa isang bukid. Kahit madilim na ay pinagmamasdan niya ang taniman na ito. Ako naman ay nanatili lamang sa itaas ng puno.

Sa ngayon ay mas pipiliin ko pang pagmasdan muna siya mula sa malayo.

Ngayon, alam ko na ang pakiramdam ng maging isang bantay. Nakatingin sa kanya mula sa malayo, pinagmamasdan ang bawat kilos.

Napatingin ako sa aking mga kamay. Kung may magagawa lang ang aking mahika para sa kanya, noon ko pa ginawa.

Kahit pala maalam ka sa mahika, wala itong magagawa kung nasa ilalim ng sumpa ang nais mong mapalaya.

Muli ko siyang pinagmasdan. Naka-upo siya sa damuhan at tila nakakalunod ang kanyang iniisip.

Kung marunong lamang akong magbasa ng isip kanina ko pa ginawa. Ngunit pinili kong hindi aralin. Para naman ito sa ikabubuti.

Humangin ng malakas at nakita ko na naramdaman niya iyon. N-naramdaman niya ang aking presenya!

Bago ako tuluyang umalis sa puno kung saan ko siya pinagmamasdan ay huminga muna ako ng malalim.

"Sana maging malaya ka na."

My Vampire Guard (COMPLETED)Where stories live. Discover now