Chapter 11 - S. A.

Start from the beginning
                                    

     "Wala nga," nakangiting pagpilit ko. "School related. Boring. Assignment. Tapos eto pang research paper."

     Bumitaw na si Yna. "Okay, di na kita pipilitin," pagsuko nya. "Sabagay, di ka naman pupunta dito kung di mo gustong mapag-isa at sarilinin ang problema mo."

     Aalma pa sana ako nung magsalita sya ulit. "Syempre bukod sa panonood para sa research paper."

     "Hindi ako mag-isa rito," sagot ko na lang at nginuso ang lalaking nagbabasa sa di kalayuan. . . na ngayon ay wala na. Imposible, hindi ko sya nakitang dumaan sa harapan ko. Kung sa likuran namin sya dumaan, gusto nyang maputikan ang sapatos nya.

     "Tara na?" alanganing tanong ni Yna. Hindi pa ako nakakasagot sinukbit na nya ang bag sa balikat.

     "Tara na," pagsang-ayon ko.
 
 

Alas siyete na nung makauwi ako. Naabutan ko si Zach na nakahiga sa kama nya. Napabalikwas sya padapa, binitawan ang hawak na cellphone. Marami na ring ibang makikita sa unit ko; mga gamit ni Zach, uniporme nyang nakasampay sa may bintana at iba pa.

     "Saan ka galing?" tanong ni Zach. "Bakit hindi ka sumasagot sa text  ko? Bakit hindi kita matawagan?"

     Linapag ko sa lamesa ang hapunan ko. "Naka-do-not-disturb ang phone ko para walang asungot."

     Sinimangutan lang ako ni Zach bago bumalik sa ginagawa nya kanina. Umupo ako sa lamesa, di na nag-abalang magbihis bago kumain. Pinagsabay ko ang panonood at pagtawid sa gutom. Hanggang sa makapagpalit ng damit at paghilata sa kama nakatutok pa rin ako para makarami at matapos kaagad.

     Sana lang ay mairaos ko si Simion sa rehearsal kahit na hindi ko sya matutukan ngayong linggo.

     Pagkatapos ng ikaapat na episode napagdesisyunan ko nang matulog. Mag-a-alas dyis na ng gabi at pagod na ang mata ko sa pagtutok sa cellphone. Pero mukhang si Zach ay wala pang balak na tumigil.

      Linapag ko sa night stand ang phone bago tumihaya. Papikit pa lang ako nung tumunog ito. Muli kong kinuha ang phone upang tignan kung bakit.

     May mensahe mula kay S. A. Ilang araw na rin nung huling text nya kaya kahit papalapit na ang antok, binasa ko pa rin.

     'Kumusta?'

     Iyon lang? Kumusta lang? Akala ko pa naman may kung anong espesyal para mag-text sya ng dis oras ng gabi.

     'Okay lang,' sagot ko.

     'Ah,' agad nyang tugon na nasundan ng, 'Kanina kasi parang hindi.'

     'Ayos lang ako. Paano mo naman nasabing hindi?'

     Tuluyan nang nawala ang antok ko. Nakabusangot ba ako kanina? Upset at disappointed lang ako dahil sa nangyari kahapon. Ganun na ba kalugmok ang mukha ko para isipin ng iba na may malaki akong problema?

     Maliban na lang. . .

     'Obvious naman kanina,' sagot ni S. A. 'Alam mo, mas magandang magsabi ng problema sa stranger. Proven and tested na.'

The Bathroom Love Affair (Published Under Pop Fiction)Where stories live. Discover now