Chapter 11 - S. A.

Magsimula sa umpisa
                                    

     Ang Botanical Garden sa tabi ng Medical Building ng La Trinidad. Ako lang ang tao rito at ang isa pang lalaki na abala sa pagbabasa sa di kalayuang bench mula sa akin. Maganda ang hardin, nakaayos ang mga halamang gamot at may ilan ding halamang bulaklak at puno. May mga placard sa unahan ng mga ito kung saan nakasaad ang pangalan–english, lokal at scientific–at ang maaaring medikal na gamit. Sa kabila nito, bihira ang tumatambay dito dahil sa kwento-kwentong umiikot sa school.

     Bilang malapit sa Medical Building, maraming kababalaghan ang nauugnay dito. Isa sa mga ito ang babaeng biktima raw ng hit and run, walang pagkakakilanlan at walang kumuha sa bangkay kaya naging subject na lang ito ng isang Anatomy class sa katabing gusali.

     Kaduda-duda ang kwento at hindi ako naniniwala sa mga multo kaya walang kaso sa akin ang pagtambay. Masarap sa mata ang paligid, walang ingay at malamig ang hangin. Perpektong lugar para mag-binge watching.

     "Eros." Napatingin ako sa tumawag sa akin. Nasa harapan ko si Yna, ang mahaba nyang buhok ay parang talon na dumadaloy mula sa kanyang ulo at balikat. Hindi talaga nakapagtataka kung bakit sya si Elena; natural ang taglay nyang kagandahan. "Sabi ko na nakita kita kanina."

     Namalayan ko na lang ang sarili na umurong kaunti upang mabigyan si Yna ng espasyo sa bench. Umupo sya, ang dala nyang shoulder bag ay nasa pagitan namin.

     "Anong ginagawa mo dito?" tanong ni Yna, nasa tono nya ang pagbibigay diin sa Botanical Garden. "Dito mo ba hinuhugot si Anselmo?"

     Natawa ako. "Hindi no."

     "Mabuti naman," tugon ni Yna. "Lalo na si Simion, wag ka dito humugot."

     Pinakita ko sa kanya ang screen ng phone ko. "Nanonood ako ng para sa research paper namin."

     "Ah." Tumango-tango si Yna, naintindihan na nya siguro kung bakit dito ko piniling tumambay. "Nahila ako ng barkada ko sa court, kanina pa ako dapat nakasunod. Mukha kang problemado kanina." Linipat ni Yna sa kabilang tabi nya ang bag. "Anong meron?"

     "Wala," pagsisinungaling ko. Kahit na kaibigan ko na si Yna, hindi pa iyon sapat para sabihan sya ng dinadala ko.

     Nginitian ako ni Yna na parang alam nyang nagsisinungaling ako. Hindi ko masabi, baka nanghuhuli lang sya. "Expressive ang mukha mo, Eros at kahit papano magaling naman akong magbasa." Tinignan nya akong mabuti. "Kaya ko nga nasabing mukha kang heartbreaker. Nahuhulog sila sa authenticity mo nang hindi mo namamalayan. Hindi ka marunong magbasa ng nasa paligid mo. Pero ikaw ang dali-dali lang."

     Anong pinagsasabi nito?

     "See," natatawang sabi ni Yna, "kitang-kita sa mukha mo na hindi ka naniniwala sa sinasabi ko."

     Iniwas ko na ang mukha ko sa kanya. "Tignan mo yung oregano, ang ganda," desperado, at siguradong hindi epektibo, kong pag-iba ng usapan.

     Ganun ba talaga ako kadaling basahin? O may something lang talaga kay Yna? O nagiging madali akong basahin dahil sa kanya?

     Tuluyan na syang natawa. "May sense of humor, gwapo at expressive," sabi ni Yna. "Masikreto nga lang; na nakadadagdag sa pagiging misteryoso. Nakapagtataka talaga kung bakit wala kang girlfriend." Bigla nyang hinawakan ang braso ko at inuga-uga ako. "O baka lovelife ang problema mo?!"

The Bathroom Love Affair (Published Under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon